
Ipinagkanulo ng Kapwa OFW ang Isang Ginang dahil sa Inggit; Bandang Huli ay Babalik sa Kaniya ang Karma
“Precy! Tuwang-tuwa si madam sa hinanda mong putahe para sa mga bisita. Kanina ka pa niya pinagmamalaki sa labas,” sambit sa ginang ng kaniyang kapwa domestic helper na si Tina.
“Totoo ba ‘yang sinasabi mo? Naku, salamat naman! Kanina pa kasi talaga ako kinakabahan. Alam mo naman kung gaano kamitikulosa at kahigpit ‘yang si madam kaya kanina pa ako hindi mapakali dito,” tugon naman ni Precy.
“Wala ka namang dapat ipag-alala. Kanina ko pa naman sinasabi sa’yo na masarap ang niluto mo! Tiyak akong pupurihin ka na naman ng amo natin niyan. Nakakainggit naman,” saad ulit ni Tina.
Habang nag-uusap ang dalawa ay biglang sumingit na lamang ang isa pang kapwa nila domestic helper na si Dolores.
“Naku, nakatsamba lang ‘yang si Precy sa inihanda niyang putahe. Sa totoo lang ay madali lang naman gawin ‘yun kaya walang kailangan ikatuwa. Kapag pinaulit ba ‘yun sa’yo ay kaya mo pang iluto?” sambit naman nito.
“Tumigil ka nga d’yan, Dolores. Ang sabihin mo ay naiinggit ka na naman dito kay Precy dahil siya na naman ang binibida ni madam. Kung gusto mo rin kasing mapuri ay galingan mo ang trabaho mo. Hindi ‘yung para kang ampalaya diyan at ang papait ng mga komento mo!” sambit pa ni Tina.
Napaismid na lang si Dolores at saka umalis sa tabi ng dalawang magkaibigan.
“Pabayaan mo na ‘yung si Dolores, Precy. Malaki lang talaga ang inggit nun sa’yo dahil gusto ka ni madam,” wika muli ni Tina.
Wala pa kasing isang taong nagtatrabaho si Precy sa kanilang amo sa abroad ay palagi na itong napupuri. Kinakainis ito masyado ni Dolores dahil maglilimang taon na siya sa pagiging domestic helper doon ay hindi pa rin sila nagiging malapit ng amo. Samantalang ang bagong sampid na si Precy ay nakuha agad ang loob ng mga ito.
Labis na ikinabagabag ni Dolores ang nangyayari dahil tiyak niyang tataasan ng sahod itong si Precy at maaari pang taasan din ang posisyon nito.
Isang araw ay nagsabi ang kanilang amo na aalis daw patungong ibang bansa at isa kaniyang mga kasambahay ang kaniyang isasama.
“Bibigyan din daw ni madam ng pocket money nang sa gayon ay makabili ng pasalubong para sa pamilya sa Pilipinas. Tiyak akong ikaw na ang mapipili ni madam niyan, Precy, kaya maghanda ka na!” saad ni Tina sa kaibigan.
“Sa totoo lang ay nagdadalawang-isip ako sa pagsama sa mga amo natin. Hindi kasi ako maalam sa ibang lugar saka alam mo namang hindi ako magaling mag-ingles. Baka mamaya ay mapahiya ko lang sila,” tugon naman ni Precy.
Nang marinig naman ni Dolores ang pag-uusap na ito ng magkaibigan ay muli siyang nainis.
“Talagang sigurado na kayong dalawa na si Precy ang sasama, ano? Pinangunahan n’yo nang magdesisyon ang mga amo natin?” pananarkastiko ni Dolores.
“Malaki naman talaga ang tiyansa niya, Dolores, dahil nakita mo naman kung gaano sila kalapit ni madam. Kung ako sa’yo’y gayahin mo na lang ako. Maging masaya ka na lang dito sa kaibigan nating si Precy. Baka sakaling maambunan ka rin ng kabaitan niya at maging malapit din kayo ng amo natin,” pangungutya naman ni Tina.
Hindi na maitatago pa ni Dolores ang inis niya kay Precy. Batid kasi niyang totoo ang sinasabi ni Tina. Napapansin niya na nagiging paborito na ng kaniyang amo itong si Precy.
Dahil alam naman ni Precy na parang malamig ang trato sa kaniya ni Dolores ay agad niya itong kinausap.
“Dolores, sana ay walang masamang namamagitan sa atin. Kahit na sinusungitan mo ako palagi ay kaibigan pa rin ang turing ko sa’yo. Kung gusto mong ikaw ang sumama sa mga amo natin at ako ang napili ay magdadahilan na lang ako. Sabihin mo lang sa akin,” pahayag ng ginang.
“At para ano? Magkaroon ako ng utang na loob sa’yo? Saka ang lakas din ng apog mo! Talagang sigurado ka nang ikaw ang mapipili, ano? Tiyak kong sinasadya mong sumipsip sa amo natin para lang maungusan ako! Pero hindi ko hahayaan ‘yun dahil mas matagal na ako sa’yo dito. Mas alam ko na ang pasikot-sikot ng mansyon na ito at kabisado ko na ang ugali ng mga amo natin!” naiinis na tugon naman ni Dolores.
“Hindi naman gan’yan ang nais kong ipabatid. Ang nais ko lang naman ay magtrabaho tayo nang maayos. Pinagbubuti ko ang trabaho ko para sa mga anak na naiwan ko sa Pilipinas. Kaya kung nakikita mo na lagi akong pinupuri ay dahil sa pinaghuhusayan ko talaga ang trabaho ko at hindi ako basta sumisipsip lang,” muling pahayag ng ni Precy.
Ngunit para kay Dolores, ginagawa ni Precy ang lahat nang ito upang kalabanin siya. Kaya agad siyang nag-isip nang paraan nang sa gayon ay sumama ang tingin ng kanilang amo kay Precy.
Dahil kabisado nga ni Dolores ang bawat sulok ng mansyon ay alam niya kung saan nilalagay ng kanilang amo ang mga alahas nito. Kinuha niya ang pinakapaborito nilang alahas at saka niya isinilid sa damitan ni Precy.
Nang mapansin ng kanilang amo ay agad nitong siniyasat ang mga gamit ng mga kasambahay hanggang sa natagpuan nga ito sa silid mismo ni Precy.
Labis ang pagtanggi ni Precy sa bagay na ito. Iginigiit niya na wala siyang kinalaman sa pagnanakaw ng alahas ngunit hindi siya pinaniniwalaan ng kanilang amo. Hindi rin makapaniwala ang kanilang amo na magagawa ito ni Precy.
“Alam kong hindi ikaw ang kumuha ng alahas, Precy. Alam kong hindi mo ‘yun magagawa!” sambit ni Tina sa kaibigan.
“Hinding-hindi ko kayang magnakaw, Tina. Hindi ko gagawin ‘yan para lang sa pera. Ni hindi ko nga alam kung anong uri ng alahas ‘yun at saan sa mga gamit ko ‘yon natagpuan! Narito ako upang magtrabaho nang marangal para may pantustos ako sa mga anak ko. Ako na lang ang mayroon sila!” pagtangis ni Precy.
“Paano na ‘yan ngayon, Precy? Aalis ka na rito. Ano na ang balak mo ngayon?” tanong pa ni Tina.
Biglang pasok naman ni Dolores.
“Buti nga ay iyan lang ang napala niya. Pinaalis lang siya sa trabaho. Kung ako ang pinagnakawan niyang si Precy ay ipapuputol ko pa ang mga kamay niyan! ‘Kala mo kung sinong santa, magnanakaw naman pala!” sambit ni Dolores.
“Tigilan mo na ‘yang sinasabi mo, Dolores. Alam nating hindi kayang gawin ni Precy ang ganitong bahay. Kung ako naman ang tatanungin ay malakas ang hinala kong na ikaw ang gumawa nito! Ikaw lang naman ang kayang pumasok sa silid ng madam natin. Siguro ay ikaw ang naglagay ng alahas sa gamit ni Precy dahil naiinggit ka sa kaniya!” wika naman ni Tina.
Nagkakanda utal-utal na si Dolores habang pinagtatanggol niya ang kaniyang sarili. Nang mapansin ng kanilang amo ang nangyayaring komosyon ay agad nitong tinungo ang dalawa.
“What’s happening here?” tanong ng among banyaga.
Sinusubukang magpaliwanag isa-isa ng mga kasambahay. Ngunit pinangunahan na sila ni Dolores.
“I am just saying the truth, madam! She can not accept the fact that she’s a thief! They are accusing me that I am the one who stole the necklace and not Precy! I am not the one who hid it in my closet! She should be ashamed of herself!” pilit namang pagpapaliwanag ni Dolores.
Biglang nagtaka ang amo sa sinabing ito ni Dolores. Wala naman kasi siyang pinagsabihan kahit sino sa ibang kasambahay kung ano ang nawawalang alahas at kung ano ang kaniyang hinahanap. Lalo pa nang sabihin niyang sa aparador mismo ni Precy nakatago ang nasabing kwintas.
Doon na nag-isip ang kanilang amo. Higit pang lumakas ang kaniyang paghihinala kay Dolores nang malaman niyang tanging ito lang pala ang nakakapasok ng kaniyang silid.
Imbis na si Precy ang napaalis noong araw na iyon ay si Dolores ang sinesante ng kanilang amo. Labis ang paghingi ng paumanhin ng amo sa nagawa niyang pagbibintang kay Precy.
Dahil naman sa bigat nang ginawa ni Dolores na ipagkanulo ang kaniyang kapwa kasambahay ay mas mabigat ang parusa sa kaniya ng kaniyang amo. Imbis na palayasin lang siya ay pinagbabayad pa siya nito ng danyos kung hindi ay kakasuhan siya nito at siya’y makukulong. Sa batas ng bansang kaniyang pinagtatrabahuhan ay maaari siyang maputulan ng mga kamay.
Lubos ang paghingi ng tawad ni Dolores sa kaniyang nagawa. Nagsisisi siya sapagkat hindi niya inakala na sa ganito mauuwi ang lahat. Nawalan na nga siya ng trabaho ay wala pa siyang nauwing pera para sa kaniyang pamilya.