Inday TrendingInday Trending
Madalas Pagtawanan ang Bata Dahil sa Tsinelas Nitong Hindi Magkapares; May Nakagugulat Palang Kwento sa Likod Nito

Madalas Pagtawanan ang Bata Dahil sa Tsinelas Nitong Hindi Magkapares; May Nakagugulat Palang Kwento sa Likod Nito

Mula sa paglalagay ng kolorete sa mukha ay napaangat ang tingin ni Audrey nang makita niya ang pagdating ng kanilang bagong kamag-aral na si Rita.

Isang linggo pa lamang ang lumipas simula nang ipakilala ito sa klase nila.

Unang araw pa lamang ay naagaw na nito ang atensyon nila. Gaya ng ginagawa nito ngayon.

“Rita! Hindi mo ba nakita na sunog ‘yang uniporme mo? Bulag ka ba?” buska niya sa kaklase.

Hindi ito nagsalita at patuloy itong naglakad papalayo sa kanila.

Dumampot siya ng maliit na bato upang agawin ang atensyon ng papalayong kaklase subalit hindi na ito muli pang lumingon kahit pa nakita niya ang pagtama noon sa lumang bag ng kaklase.

Noong una ay inakala nilang nagkamali lamang ito ng suot ng tsinelas subalit nagulat sila ng mga sumunod na araw na pumapasok itong hindi pa rin magkaparehas ang suot nitong tsinelas. Ang kanan ay kulay pula habang ang sa kabila naman ay kulay dilaw.

Ang malala pa ang magkaiba pa ng sukat ang dalawang piraso ng pansapin nito sa paa!

At ngayon naman, pumasok itong may sunog ang uniporme nito na halatang halata. Ang palda nito ay tagpi-tagpi.

Inis na sinundan niya ang kaklaseng tahimik na naglalakad.

“Bakit ba ang dumi-dumi mo kapag pumapasok ka? Hindi mo man lang ayusin ang sarili mo,” naiinis na kastigo niya sa kaklase.

Magdadalaga na kasi sila, hindi naman maganda na wala pa rin itong pakialam sa sarili nito, hindi ba?

Hindi ito kumibo at tiningnan lamang siya.

Inis na inis si Audrey sa kaklase. Parang hindi naririnig ang mga sinasabi niya!

Hindi niya napigilan ang sarili at hinablot ang buhok nitong mahaba.

“Aray!”

“O, nakakapagsalita ka naman pala. Bakit hindi mo ako kausapin?” inis na tanong niya sa kaklase.

“Bitawan mo ang buhok ko!” matigas na utos nito.

May sasabihin pa sana siya ngunit kinailangan niyang alisin ang kamay niya sa pagkakabuhol sa buhok nito dahil nakita niyang papalapit ang kanilang guro.

“Ayoko na sa’yo! Sinubukan ko maging mabait sa’yo, Rita. Pero hindi mo ako pinapansin! Humanda ka sa akin!” mariing bulong niya sa tenga nito bago niya iniwan ang pobreng kaklase.

Kaya naman ng mga sumunod na araw, sa tuwing may pagkakataon ay walang mintis niyang pinapaulanan ng pambubuska ang kaklase.

Galit siya sa mga kagaya nito na hindi inaayos ang kanilang sarili.

Isang araw ay may inanunsyo ang kanilang guro na si Bb. Marquina.

“Tutulong ang eskwelahan natin sa mga naapektuhan ng pagputok ng bulkan. Sa ngayon nay marami pa rin sa kanila ang mga nasa evacuation center. Kaya kung mayroon kayong mga lumang damit, sapatos, tsinelas, kumot, mga punda, at kung ano-ano pa, dalhin niyo rito sa eskwelahan. Ipapadala natin sa mga nasalanta,” mahabang paliwanag ng kanilang guro.

Nagtanguan ang kaniyang mga kaklase. Subalit nakaisip siya ng kapilyahan nang dumako ang tingin niya sa kaklaseng si Rita.

Nagtaas siya ng kamay.

“Audrey, anong tanong mo?” nakangiting tanong ng guro.

“Ma’am, pwede po ba na kay Rita na lang namin ibigay ang mga lumang damit? Mukhang kahit basahan po namin ay mas maayos pa sa damit niya, eh!” humahagikhik na may bahid pang-aasar niyang tanong sa guro.

Malakas na nagtawanan ang magkakaklase.

“Oo nga po, Ma’am!” halos magkakapanabay pang wika ng mga bata.

Si Rita naman ay tahimik lamang na nakayuko sa kaniyang mesa.

“Audrey! Mag-sorry ka kay Rita!” pagalit na sita ng guro sa kaniya.

“Pero Ma’am, talaga naman po, hindi ba? Ang dumi-dumi niya po kaya!” nakalabing komento niya.

Narinig niya ang pagbuntong hininga ng guro. Nang dumako ang tingin nito kay Rita ay nakita niya ang pamumula ng pisngi nito marahil sa sobrang pagkapahiya.

“Tama na!”

Naudlot ang tawanan nila nang sumigaw ang kanilang guro. Ikinagulat nila iyon dahil si Bb. Marquina ay sadyang napakabait. Mahinhin at malumanay talaga ito kaya naman ni minsan ay hindi pa nila ito nakitang sumabog sa galit. Ngayon pa lang.

“Ayoko sanang sa akin manggaling ito, pero alam niyo ba na ang kaklase na pinagtatawanan niyo ay biktima ng pagsabog ng bulkan?”

Tuluyan nang napalis ang anumang ngiti mula sa magandang mukha ni Audrey. Hindi niya kasi alam ang bagay na iyon.

“At ang tsinelas niya na sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay pinagtatawanan niyo? Wala ni isa man sa pamilya niya ang nakaligtas mula sa pagsabog ng bulkan! Ang nanay, tatay, at dalawang kapatid niya ay pawang nasawi mula sa pagsabog!”

“Alam niyo kung ano lang naisalba ni Rita? Ang mga tsinelas ng kaniyang magulang na hindi nakaligtas mula sa trahedya! Sabihin niyo ngayon kung ano ang nakakatawa!” hamon ng guro.

Uminit ang mata ni Audrey sa labis na lungkot para sa sinapit ng kaklase. Hindi niya alam na may pagkalalim-lalim palang dahilan ang kaklase kung bakit tila hindi nito mapagtuunan ang sarili. May mga sariwang sugat pa pala itong hinihilom.

“Maging mabait kayo sa lahat. Hindi niyo alam ang pinagdaraanan ng bawat isa,” patuloy na panenermon ng guro sa magkaklase na pawang walang mukhang maiharap kay Rita.

Todo ang hingi niya ng paumanhin sa kaklase, na tinanggap naman nito. Nangako siya na hindi niya na muling mamaliitin ito, o ang kahit sino, base sa kung ano ang nakikita ng kaniyang mga mata.

Dahil ang pinakamalalalim na sugat at pighati ay nakatago sa kaibuturan ng puso. Kaya dapat lang na maging mabait tayo sa kahit na sino, dahil hindi natin alam kung gaano katindi ang pinagdaraanan ng mga ito.

Advertisement