Inis na Inis ang Dalaga sa Nobyo Niyang Kuripot; Isang Misteryosong Babae ang Nagpaalala sa Kaniya Kung Ano ang Tunay na Sukatan ng Pag-ibig

Inis na Inis ang Dalaga sa Nobyo Niyang Kuripot; Isang Misteryosong Babae ang Nagpaalala sa Kaniya Kung Ano ang Tunay na Sukatan ng Pag-ibig

HeartbreakingLoveMysteryStories

Kanina pa nakasimangot si Julienne. 

Kasalukuyan silang namimili ng kaniyang mapapangasawa ng mga gamit sa bahay. Natural ay pipili siya ng kung anong maganda, hindi kung ano ang mura!

Subalit halos lahat ng ituro niya ay inaayawan nito dahil daw “masyadong mahal.”

Magnobyo pa lang sila ni Aaron ay napansin niya nang may pagka-kuripot nga ito ngunit hindi niya iyon pinansin. 

Subalit ngayong araw-araw na silang magkasama dahil sa nalalapit nilang pag-iisang dibdib ay unti-unti siyang nate-turn off sa ugali nito! 

Mula sa pagpili ng mga gamit sa kusina hanggang sa pagbili ng sofa ay ito ang nasunod.

At ngayon, ayaw nitong bilhin ang napili niyang niyang singsing. Bakit daw siya pipili ng mamahalin gayong pare-pareho lang naman daw ang itsura ng mga wedding ring?

“Nakakainis! Ngayon pa lang na hindi pa kami kasal, hindi na ako mapagbigyan, paano pa kaya kapag nagpakasal na kami?” naghihimutok na bulong niya nakaupo at nakamasid sa kaniyang nobyo na matamang tumitingin ng mga singsing na naka-display sa estante. 

Natigil siya sa pagmamaktol nang marinig niya ang marahang pagtawa ng babaeng katabi niya. 

“Kuripot na boyfriend?” nakangiting tanong nito. 

Hindi siya madalas kumausap ng mga estranghero subalit sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay magaan ang loob niya sa magandang babaeng nagsalita. 

“Actually, ikakasal na kami. Pero grabe, saksakan ng kuripot!” natatawang tugon niya. 

“May mga lalaki talagang ganun, ano?”

Sabay silang napahalakhak. 

“Sa totoo lang parehas tayo ng problema. ‘Yung boyfriend ko, gwapo, mabait, maalaga, mabait sa pamilya ko, lahat na ng magandang katangian nasa kaniya. Kaso napakakuripot,” naiiling na pagkukwento nito. 

Napamulagat si Julienne. Mas lalo lamang kasing gumaan ang loob niya sa babae. Paano ba nama’y katulad na katulad ng nobyo nito si Aaron. 

“Alam mo ba na gan’yang gan’yan din ang boyfriend ko? Inis na inis na nga ako minsan gusto ko nang hiwalayan,” biro niya sa estranghero. 

Napansin niya ang pagseryoso ng mukha ng babae, bagay na ipinagtaka niya. 

“Hihiwalayan mo siya?” tila malungkot na tanong nito. 

“Naku, hindi, hindi, biro lang ‘yun!” mabilis na bawi niya. 

Bumalik ang magandang ngiti ng babae. 

“Mabuti naman. Halatang mahal na mahal ka ng boyfriend mo. Sana ingatan mo siya. Huwag ka sanang matulad sa akin,” payo nito. 

“Bakit? Ano bang nangyari sa inyo?” kuryosong usisa niya sa babae. 

“Kinailangan kong umalis at pumunta sa malayong lugar. Kaya naman ngayon ay ikakasal na sa iba ang pinakamamahal ko.” Malayo ang tingin ng babae. May matinding lungkot sa mga mata nito. 

“Hala, grabe naman, nakakalungkot!” hindi napigilang komento niya nang malaman ang istorya ng babae. 

“‘Wag kang malungkot. Napunta sa isang mabuting tao ang mahal ko. Kaya ikaw, ingatan mo ang taong pakakasalan mo. Napakaswerte mo sa kaniya. Dahil sa huli, ang tunay na hindi kumukupas at naluluma ay hindi ang mga mamahaling bagay na gusto natin, kundi ang tunay na pagmamahal,” matalinghagang payo ng babae. 

“Lumapit ka na sa kaniya, mukhang hinihintay ka niya. Sana ay maging masaya kayo. Sana ay ingatan mo ang bawat oras na kasama mo siya. Dahil hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon makasama ang kanilang minamahal,” nakangiting pang anas nito. 

Nginitian niya ang babae at nagpaalam dito. Ngunit hindi pa siya nakakalayo ay narinig niyang tinawag nito ang pangalan niya. 

“Julienne!”

Agad siyang napalingon sa babae.

“Bakit?”

“Ingatan mo si Aaron. Mahal na mahal ka niya.” 

Nginitian niya ang babae bago hinanap ang kaniyang nobyo. Subalit napakunot ang noo niya sa isang reyalisasyon.

Paano nalaman nito ang pangalan niya at ang pangalan ni Aaron gayong hindi niya naman nabanggit dito ang impormasyon na iyon?

Nilingon niya ang babaeng nakaupo upang mag-usisa subalit lalo lamang lumalim ang gatla sa noo niya nang hindi niya na makita ang babae. 

Nilibot niya ang tingin sa loob ng bilihan ng alahas subalit hindi niya na nakita ang babae. 

Bakit tila kilala sila ng babae?

Tila kidlat na bumalik sa kaniya ang sinabi ng babae. 

“Sa totoo lang parehas tayo ng problema. ‘Yung boyfriend ko, gwapo, mabait, maalaga, mabait sa pamilya ko, lahat na ng magandang katangian nasa kaniya. Kaso napakakuripot!”

“Kinailangan kong umalis at pumunta sa malayong lugar. Kaya naman ngayon ay ikakasal na sa iba ang pinakamamahal ko.”

Nanlaki ang mata ni Julienne. Si Aaron ang tinutukoy nitong nobyo! Kaya kilala sila ng babae!

Hinanap ng mata niya ang lalaki. Nakita niya itong kumakaway.

“Ano bang ginagawa mo dun at kanina ka pa nakaupo doon?” usisa nito. 

“Kausap ko ‘yung ex mo!” nakalabing sagot niya sa kasintahan. 

Nakita niya ang pagkatigagal nito. 

“Anong sabi mo?” pagkumpirma nito sa sinabi niya. 

“Nakausap ko ‘yung ex mo! Pinayuhan pa ako na ingatan daw kita dahil mahal na mahal mo ako! Kilala niya tayong dalawa, kaya sigurado ako na ikaw ang tinutukoy niyang dating nobyo na ikakasal na sa iba,” nakairap na paliwanag niya sa nobyong mulagat pa rin. 

“Julienne, ano bang pinagsasasabi mo? Una sa lahat, kanina pa kita sinisilip sa kinauupuan mo at wala kang kausap doon. Pangalawa, sinong ex ang sinasabi mo?” tila naiinis na tanong nito. 

“Hindi ko rin alam. Hindi ko natanong ang pangalan niya. Pero magandang babae. Mahaba ang buhok. Maganda ang mata at matangos ang ilong,” sagot niya habang pilit na inaalala ang bawat detalye ng babaeng nakausap. 

Kita niya ang pamumutla ng nobyo. Tila may ideya ito kung sino ang tinutukoy niya. Inilabas ni Aaron ang cellphone nito bago ipinakita sa kaniya ang isang larawan. 

“Siya ba?” seryosong tanong ni Aaron.

Tiningnan niya ang picture sa cellphone nito. Noon niya nakumpirma ang hinala. Ito nga!

“Oo, siya nga! Siya ‘yung babae kanina.” 

Kunsumidong napahilamos si Aaron sa mukha nito bago sumagot. 

“Julienne, tama ka, ex ko nga siya. Si Carol.”

“‘Di ba, tama ako?” mayabang ang tonong bulalas niya. 

“Pero matagal nang pat*y si Carol.” 

Agad na tumayo ang balahibo niya sa rebelasyon ng kasintahan. 

“Ano? Anong sinasabi mo? Sigurado ako na may nakausap ako kanina!” natatakot na pilit niya. 

“Julienne, wala na si Carol. Limang taon na. Ikakasal na dapat kami nang maaksidente siya at bawian siya ng buhay,” paliwanag nito. 

Nanlalambot siyang napaupo. “Ibig sabihin ay multo na lang ang nakausap ko kanina?” nakangiwing wika niya. 

Tiningnan pa nila ang CCTV upang makasiguro. Kilabot na kilabot siya nang mapanood ang footage. Kita kasi doon na nagsasalita siya ngunit wala nga talaga siyang katabi na babae. 

Muli ay bumalik sa alaala niya ang sinabi nito. Kinailangan raw nitong umalis… Mukhang kahit sa kabilang buhay ay patuloy nitong minamahal ang dating nobyo. 

Nakakatakot man ang pangyayari na iyon sa buhay ni Juliene ay habambuhay niyang aalalahanin ang payo ng namayapang si Carol. 

Ano nga naman kung kuripot ang kaniyang minamahal? Ang tunay na hindi kumukupas at naluluma ay hindi ang mga mamahaling bagay na gusto natin, kundi ang tunay na pagmamahal. 

Isa pa, hindi kagaya ni Carol ay swerte siya dahil may pagkakataon siya na makasama ang kaniyang minamahal. Ipinapangako niyang susulitin niya iyon.

More Stories