Inday TrendingInday Trending
Hindi Mapigilan ng Tatay ang Sarili sa Pagsusugal; Isang Trahedya ang Gigising sa Kaniya

Hindi Mapigilan ng Tatay ang Sarili sa Pagsusugal; Isang Trahedya ang Gigising sa Kaniya

“Joel, aalis na ako. ‘Yung mga ibinilin ko, ‘wag mong kalimutan, ha?” narinig niyang sigaw ng kaniyang asawa bago niya narinig ang pagbukas at pagsara ng pinto.

Problemado si Joel. May usapan kasi silang magkakaibigan na dadayo sila sa isang bagong bukas na casino.

Gawain na nilang magsugal sa tuwing libre sila at walang trabaho. Gusto niyang tumigil dahil alam niyang napapagastos siya, subalit hindi niya magawa lalo pa’t nalilibang siya kasama ang mga kaibigan.

Kaso ay mukhang mabubulilyaso pa ang plano nila dahil naiwan sa pangangalaga niya ang dalawang taong gulang na anak niyang si Paolo.

Maya-maya ay narinig niya ang pagtunog ng kaniyang cellphone. Kagaya ng inaasahan niya, tumatawag na ang kumpare niya.

“Pare, ano, tuloy ba tayo mamaya?” bungad nito.

“Tuloy sila, pero parang negative ako pare,” dismayadong sagot niya kay Edward.

“Bakit naman?”

“Umalis si misis eh. Umuwi sa probinsya ang kasambahay. Ako lang ang pwede mag-alaga sa anak ko,” tugon niya.

“Ano ba ‘yun, wrong timing naman!” tila dismayado ring komento nito.

“Pero, pare, ano kaya kung isama mo na lang si Paolo?” suhestiyon nito.

Natatawang napailing siya. “Hindi pwede, pare. Yari ako kay misis. Isa pa, pwede ba ang mga bata doon?”

“Oo naman, pwede basta may kasamang magulang. Hindi naman malalaman ng asawa mo, eh,” muli ay pangungumbinsi nito.

Napaisip si Joel. May punto ang kaibigan. Dalawang araw nga naman sa probinsiya ang asawa niya. Hindi niya naman iiwan ang anak niya.

“Sige pare, parang pwede nga ‘yan!” sabik na pagpayag niya bago nagsimulang gumayak.

Alas singko ng hapon nang magkita kita silang magkakaibigan. Halos dalawang oras din kasi ang ibinyahe nilang mag-ama dahil nasa isang tagong bahagi ng probinsiya ang pasugalan.

Iilang tao pa lamang daw ang nakakaalam ng lugar na iyon kaya naman lalong nasabik ang magkakaibigan na mapasok ang nasabing pasugalan.

Napatunayan ni Joel na tama ang naging desisyon niya. Maganda doon, at napakaraming bago doon na hindi pa nila nasusubukan.

Marami ring mamahaling alak, na isa pang nakahiligan nila.

May ilan pa ngang tauhan doon na nag-alok na humalinhin sa kaniya sa pagbabantay kay Paolo.

Kasalukuyang nag-eenjoy ang magkakaibigan nang isang malakas na boses ang bumalot sa paligid.

“Itaas niyo ang mga kamay niyo! Pulis ito!”

Nang lingunin ni Joel ang pinagmumulan ng tinig ay nanlaki ang mata niya nang makita ang mga armadong pulis na may hawak na mga baril.

Tila pinoprotektahan niyang niyakap ang anak nang makaramdam siya ng panganib.

Awtomatikong napasuot siya sa ilalim ng mesa nang makarinig siya ng isang putok ng baril. Na sinundan ng isa pa. At ng isa pa. Hanggang sa tila siya nasa isang giyera na sunod-sunod na putok ng baril ang tanging maririnig.

Nanginginig na niyakap niya ang anak at nagdasal na sana ay walang mangyaring masama sa kanilang mag-ama.

Nanghilakbot siyang lalo nang makita niyang bumulagta ang isa sa kaniyang mga kaibigan. Duguan ang dibdib nito.

“Sumuko na kayo!” narinig niyang sigaw ng isang lalaki na sa palagay niya ay isang pulis.

Dinig na dinig niya naman ang pag-iyak ng kaniyang anak. Ramdam niya ang takot na nararamdaman nito. Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakayakap dito.

Ilang minuto pa niyang narinig ang palitan ng putok ng baril sa pagitan ng mga pulis at ng mga tauhan ng pasugalan bago tuluyang natigil. Dumating kasi ang mas marami pang pulis na dumakip sa mga sangkot sa illegal na gawain ng pasugalan.

Agad niyang ininspeksyon ang anak niyang ngayon ay wala nang malay. Nanlambot siya nang makitang may bahid ng dugo ang ulo nito!

“Diyos ko, anak!” umiiyak siyang tumakbo sa rumespondeng ambulansiya.

“Maawa kayo! Tulungan niyo ang anak ko!” halos maglumuhod na pakiusap niya sa doktor.

Ininspeksyon nito ang kaniyang anak bago lumingon sa kaniya. Halos huminto ang mundo niya sa sinabi nito.

“Maayos ang lagay niya. Marahil ay hinimatay lang siya dahil sa sobrang takot,” paliwanag nito.

“Ano ho? Pero bakit may dulo sa ulunan niya?” naguguluhang tanong niya.

“Wala siyang tama. Ang dugo ay nakuha niya mula sa sugat sa braso mo,” paliwanag nito bago itinuro ang kaniyang braso.

Tila noon niya lang naramdaman ang sakit sa kaniyang braso. Tama ito, may tama nga siya!

Napag-alaman nila na may mga gawaing illegal pala ang nangyayari sa pasugalan kaya naman na-raid ito ng mga pulis. Naunang magpaputok ang mga tauhan kaya naman lumaban ang mga pulis.

Sa kabutihang palad ay kahit marami ang nasaktan, walang nasawi sa barilan.

Dinala siya sa ospital. Ilang oras lang ang nakalipas ay humahangos ang asawa niya na sumugod sa ospital.

Masama ang tingin nito sa kaniya.

“Hindi ka na natakot para sa anak natin! Anong klase kang ama?” galit na galit na sigaw nito.

Tila naumid ang dila niya at hindi makaapuhap ng anumang sagot sa paratang nito.

Alam niya kasi na malaki ang pagkakamali niya. Inilagay niya sa peligro ang buhay ng nag-iisa niyang anak.

Malaki ang pasasalamat niya na walang nangyaring masama sa kanilang anak. Alam niya kasing hindi siya mapapatawad ng asawa kapag nangyari iyon.

At mas lalong hindi niya mapapatawad ang kaniyang sarili.

Isang malaking aral ang natutunan niya sa pangyayaring iyon. Kaya naman ni minsan ay hindi na siya tumuntong pa sa kahit na anong pasugalan!

Advertisement