Pinagdamutan ng Kaniyang Pinsan ang Dalagang Ito, Pagdadamot Din Kaya ang Isukli Niya Rito?

“Ate, nakita ko sa social media na naghahanap ka nang maaari kong maging sekretarya sa bagong tayo kong negosyo. Pupwede bang ako na lang ang gawin mong sekretarya? Tatlong buwan na kasi akong walang trabaho, tulungan mo ako, ate,” daing ni Katty sa kaniyang pinsan nang makita niya itong nagdidilig ng mga alagang halaman sa tapat ng bahay.

“Ay, naku, hindi ako ang nag-post noon! Hindi naman ako naghahanap ng sekretarya. Kaliit-liit pa lang kaya ng negosyo ko, bakit ko kakailanganin ng sekretarya?” tanggi nito habang patuloy pa rin sa pagdidilig.

“Eh, bakit nakita ko, ate, may mga sinagot ka pang komento at sabi mo, bukas mo sila iinterbyuhin lahat,” giit niya saka niya kinuha ang selpon upang ipakita sa pinsan ang kaniyang nakita.

“Hindi totoo ‘yon! Hindi ako ‘yon! Baka ‘yong asawa ko ‘yon, kilala mo naman ‘yon, hindi ba? Napakaloko! Baka nagbibiro lang siya,” sambit nito saka agad na iniwas ang tingin sa kaniyang selpon.

“Ah, ganoon po ba, ate? Basta kapag kailangan niyo ng sekretarya, huwag na kayong lumayo, ha? Nand’yan lang naman ako sa katapat na bahay,” nakangiti niyang wika. 

“Oo na, sige na, umuwi ka muna at marami pa akong gagawin dito,” pagtataboy nito sa kaniya dahilan upang agad na rin siyang umuwi sa kanilang bahay na nasa tapat lamang nito.

Kahit na nasa tapat lang ng bahay ng dalagang si Katty ang pinsan niyang ito, ni singkong duling, wala itong tinulong sa kaniyang pamilya. Kahit pa palago na nang palago ang negosyo nito, kahit ulam sa pananghalian, hindi sila pinatitikim nito.

Naiintindihan niya namang wala itong obligasyong tulungan sila kahit na ang mga magulang niya ang nagpaaral dito sa kolehiyo dahil may sarili na naman itong buhay at pamilya. Kaya lang, bahagya lamang sumasama ang loob niya nang makita niyang naghahanap pa ito ng ibang empleyado kahit na alam nitong walang silang trabaho ng kaniyang mga kapatid.

Advertisement

May pagkakataon pa ngang nakita niyang naghahanap ito ng isang electrician sa social media upang ipaayos ang kanilang kuryente kahit na alam naman nitong bihasa ang kaniyang ama roon.

Lahat nang iyon ay pinalampas niya hanggang sa makita niya namang naghahanap ito ng isang sekretarya. Kinapalan na niya ang kaniyang mukha at dumiretso sa pinsan niyang ito. Ngunit katulad nang dati, tinanggi lang nito ang nakita niya.

Pagkauwi niya, ikinuwento niya ito sa kaniyang mga magulang. Kaya lang, bago niya pa maipakita sa mga ito ang post na nakita niya, naka-block na siya sa account nito dahilan upang labis siyang madismaya at mapailing na lamang.

“Hayaan mo na, anak, sa iba ka na lang magtrabaho. Ang mga batang walang utang na loob katulad niya, hindi magtatagumpay sa buhay,” pangaral ng kaniyang ama dahilan para ganoon na lang siya magkaroon ng motibasyon sa buhay na maging matagumpay.

Wala na nga siyang sinayang na oras noong araw na ‘yon, agad siyang nagbihis upang maghanap ng trabaho sa Maynila kahit wala siyang alam na mga kumpanya roon. “Bahala ka na sa akin, Panginoon, palakasin mo ako,” panalangin niya habang siya’y nasa biyahe.

Tila ganoon naman siya dininig ng Diyos dahil sa lugar kung saan siya bumaba sa Maynila, may nakita siyang malaking hotel na naghahanap ng mga tagalinis ng mga silid.

“Papalagan ko na ‘to!” sambit niya saka agad na pumasok doon.

Dahil sa galing niya, agad siyang nakapasok dito at doon na nga nagsimula ang karera niya sa buhay. Bawat sweldo niya, ang kalahati’y ibinibigay niya sa kaniyang mga magulang habang ang kalahati’y tinatabi niya. 

Advertisement

Makaraan lamang ng isang taon, ganoon na lang siya nakaipon nang sapat na halaga upang makapagpatayo ng isang maliit na kainan sa tapat ng isang eskwelahan at sa pamamagitan noon, mas lalo niyang natulungan ang kaniyang pamilya na labis niyang ikinatuwa.

Tuwing wala siyang pasok, siya ang nagpapalakad sa kainang ito at doon niya muling nakita ang pinsan niyang nandamot sa kaniyang pamilya. Humihingi ito ng pagkain para sa kaniyang mga anak. Ayon dito, nalugi raw ang negosyong mayroon ito dahil sa pagkahumaling ng asawa niya sa sugal.

At dahil nga hindi naman uso ang salitang “damot” sa kanilang pamilya, sila’y naging bukas palad pa rin dito. Pinakain nila ito at binihisan katulad nang ginagawa nila noon dito nang ito’y nag-aaral pa lang sa kolehiyo.

“Pinagmamalaki kita, anak. Napatunayan ko ngayong maayos ka talaga naming napalaki ng mama mo,” sambit ng kaniyang ama saka siya mariin na niyakap.