Wala Raw Kwenta ang Ginoong Ito, Hindi Inaasahang Biyaya ang Dumating sa Kaniya

“Wala kang kwentang asawa at ama! Uuwi ka araw-araw na akala mong pagod na pagod ka tapos sasabihin mo sa akin ngayon, wala kang sinahod? Ako ba talaga, niloloko mo?” galit na tanong ni Ury sa kaniyang asawa nang wala itong maibigay na pera sa kaniya. 

“Eh, wala naman talagang binigay sa amin, mahal ko. Wala pa raw ibinibigay na pera ‘yong nagpapagawa ng bahay, eh, kaya pati kami, apektado. Pero pangako naman ng boss namin, sa isang linggo, dodoblehin niya ang bigay sa namin,” kamot-ulong paliwanag ni Henry.

“Tingin mo maniniwala ako sa’yo? Ilang linggo ka nang walang sahod, Henry! Hindi ka man lang ba nakokonsensya sa mga ginagawa mo? Saan mo dinadala ang pera mo, ‘yon ang sabihin mo sa akin!” bulyaw pa nito sa kaniya dahilan upang bahagya na rin siyang mainis.

“Ang kulit mo naman, eh. Sinabi nang wala pa ngang binibigay sa amin. Kahit magtanong ka sa mga katrabaho ko, ‘yon din ang sasabihin nila. Kung gusto mo, sasamahan pa kita sa boss namin para maniwala ka,” alok niya rito.

“Hindi na kailangan dahil hindi ka na rin naman kailangan! Maghiwalay na tayo! Puro paghihirap ang dinadanas namin sa’yo!” sambit nito na ikinagulat niya. Bago pa man siya makapagsalita, agad na itong lumabas ng kanilang bahay at kahit anong habol niya, ayaw siya nitong pakinggan.

Ang pagkukunstruksyon ang pinagkakakitaan ng padre de pamilyang si Henry. Mahirap man araw-araw ang kaniyang ginagawa rito, araw-araw niyang pinagtitiyagaan ang trabahong ito upang may mapakain sa kaniyang asawa at dalawang anak.

Walang araw na hindi siya uuwing madungis, amoy araw at kung minsan pa, siya’y nagkakasugat o pasa sa trabaho niyang ito pero kahit pa ganoon, patuloy niyang pinapalakas ang sarili upang kumita ng maliit na halaga ng pera.

May pagkakataon pang pagkauwi niyang galing trabaho, siya pa ang mag-aalaga sa kaniyang maliliit na anak dahil sa pagrereklamo ng kaniyang asawa sa pagod na nararamdaman sa pag-aalaga ng bata. Minsan pa, makikita niyang wala na siyang susuoting damit dahilan upang siya na rin ang maglaba ng mga ito kahit ramdam na ramdam niya na ang pagod sa kaniyang katawan.

Advertisement

At sa tuwing nahuhuli pa ang kaniyang sahod, katakot-takot na pangbubunganga ang kaniyang inaabot sa asawa. Paliwanagan man niya ito, kung anu-ano ang iniisip nito dahilan para palagi silang mag-away.

Noong araw na ‘yon, buong akala niya’y simpleng away lamang ang mangyayari sa kanilang mag-asawa. Hindi niya lubos maisip na kaya nitong siya’y iwan kasama ng kanilang mga anak dahil lamang sa sahod na hindi pa binibigay sa kaniya.

Nagmukha man siyang t*nga sa harap ng mga taong nakakita sa ginawa niyang paghahabol at pagmamakaawa sa asawa, hindi niya ito inalintana. Ang nais niya lang noong mga panahong iyon, muling mapakalma ang asawa at maibalik sa kanilang bahay.

Ngunit kahit anong gawin niya, hindi lumambot ang puso nito at nagpatuloy sa pag-iwan sa kaniya.

Hindi niya alam kung anong gagawin noong mga oras na ‘yon, kaya naman nang makakita siya ng isang tindahan malapit sa kanilang bahay, agad siyang umutang ng alak dito at nagpakalasing upang makalimutan ang mga masasakit na salitang sinabi ng kaniyang asawa pati na ang ginawa nitong pag-iwan sa kaniya.

Halos isang oras lang ang nakalipas simula nang siya’y mag-inom, may napansin siyang isang maliit na batang naglalakad patungo sa kaniya. Umiiyak ito at tila nawawala.

“Wala bang magulang ang batang ‘to?” tanong niya sa sarili habang pinipigilan ang pagdodoble ng kaniyang paningin.

“Nawawala ka ba?” tanong niya rito, ngunit imbis na sumagot, umiyak lang ito saka yumakap sa kaniya.

Advertisement

“Ano ba ‘yan, Panginoon ko, anong gagawin ko sa batang ‘to?” inis niyang tanong saka binuhat ang bata.

Habang iika-ika siyang naglalakad, bigla niyang naisip na dalhin ito sa kanilang barangay. Tiningnan niya ang batang karga niya at ito’y mahimbing nang natutulog sa balikat niya dahilan upang ganoon niya ma-miss ang kaniyang anak. Mangiyakngiyak siyang nakarating sa barangay at pagkarating niya roon, bigla siyang sinalubong ng isang ginang na umiiyak saka agad na hinablot ang batang hawak niya. 

“Salamat sa Diyos! Salamat, manong!” sambit nito sa kaniya habang humahagulgol.

Kinindatan lang siya ng kapitan doon at sinabing ang nawawalang batang iyon pala ay anak ng pinakamayamang negosiyante sa kanilang lugar na labis niyang ikinagulat. 

“Magpunta ka sa bahay namin bukas. Umalis ka sa trabaho mo kung mayroon ka man, doon ka na magtrabaho sa amin. Lahat ibibigay ko,” wika pa nito sa kaniya dahilan upang agad na mawala ang tama ng alak sa kaniya.

Sa sobrang saya niya, naiyak na lang siya roon at napakwento kung anong nangyari sa kaniya ngayong araw. Sa sobrang awa ng ginang, agad siya nitong binigyan ng pera at pinahanap pa ang kaniyang mag-iina.

Binigyan nga siya nito ng posisyon sa negosyo nito at matagumpay na nahanap ang kaniyang pamilya. Nang malaman ng kaniyang asawang may seguridad na ang kanilang buhay, labis na pasensiya ang hiningi nito sa kaniya.