
Ginagawa ng Dalagang Ito ang Lahat Upang Mapaibig ang Isang Binata, Sila Kaya’y Magkatuluyan?
“Hoy, Venice! Anong gagawin mo sa sandamakmak na alak na nasa likod ng sasakyan mo, ha?” tanong ni Tin sa kaniyang matalik na kaibigan nang makita niyang halos mapuno ng alak ang sasakyan nito, isang umaga nang dalawin siya nito upang kumustahin.
“Kaarawan ko na bukas, hindi ba? Malamang ipapainom ko ‘yan sa mga iimbitahan ko pang kaibigan,” sagot ni Venice saka hinithit ang sigarilyong kakasindi pa lamang.
“Kasama ba sa mga kaibigang ‘yan ang ipinapanga-pangarap mong binata, ha?” biro nito sa kaniya na ikinangisi niya.
“Siya ang hindi mawawala. Sa katunayan, para sa kaniya talaga ang lahat ng iyan. Lalasingin ko siya hanggang sa mapagtanto niyang kaya niya rin akong mahalin katulad ng mga artistang kinahuhumalingan niya,” kwento niya pa rito dahilan upang bahagyang kumunot ang noo nito.
“Naku, parang ang desperada mo naman sa gagawin mong ‘yan,” wika nito saka umiiling-iling.
“Desperada na kung desperada! Basta makuha ko lang siya!” sigaw niya saka humigop ng kapeng nasa tapat niya.
“Anong gagawin mo kung hindi ka pa rin niya magustuhan pagkatapos ng plano mo?” pang-uusisa pa nito.
“Ako nang bahala roon. Manuod ka na lang,” sagot niya saka ito kinindatan dahilan para ito’y labis na mag-alala sa kaniya.
Humaling na humaling sa iisang lalaki ang dalagang si Venice. Simula nang makilala niya ito sa isang selebrasyon na parehas nilang dinaluhan, hindi na ito nawala sa isip niya. Ito ang dahilan upang ito’y hanapin niya sa social media at magtrabaho kung saan din ito nagtatrabaho upang sila’y magkapalagayan ng loob.
Nagawa niya namang makapalagayan ito ng loob at lubos na makikilala. Dahil nga sobrang bait nito at napakamaginoo, lalo tuloy siyang nahulog.
Sa katunayan, nabibigyan niya ng kahulugan ang mga ginagawa nitong kabutihan sa kaniya dahilan upang akalain niyang may gusto rin sa kaniya ito noong una. Ngunit nang magtapat siya rito, agad siya nitong tinanggihan at sinabi pang, “Pasensiya ka na, Venice, may hinihintay na ako,” na labis niyang dinamdam.
Kahit pa nakaranasan na siya nang ganoon, hindi pa rin siya nagpatinag. Lalo pa siyang dumikit sa binatang iyon at ginagawa ang lahat upang mahulog din ito sa kaniya.
Nagagawa niya pa ngang gawin ang trabaho nito, dalhan ng pagkain at kung anu-ano pang bagay para lang mapansin siya nito. Pero kahit anong gawin niya, pagkakaibigan lang daw ang kayang ibinigay nito.
Sa sakit ng mga salitang kaniyang naririnig mula rito, roon na siya nakabuo ng maitim na balak dito para lamang ito’y makuha na labis na ikinapag-alala ng kaniyang matalik na kaibigan.
Kahit anong sabihin at gawin nitong pag-aawat sa kaniya, sarado ang tainga at isip niya.
Kinabukasan, tuluyan na ngang dumating ang kaarawan niya. Maaga siyang nagising upang maghanda para sa isang selebrasyon kasama ang kaniyang mga kaibigan at katrabaho.
Bandang alas kwatro ng hapon, nagsimula nang magdatingan ang kaniyang mga kaibigan kasama na ang lalaking puntirya niya. Kaagad niyang inalok kumain at uminom ang mga ito.
Kada makikita niyang nauubos na ang alak na hawak ng binatang iyon, agad niya itong inaabutan ng panibago dahilan para agad itong malasing.
Nang malasing na ito, dinala niya ito sa kaniyang silid. Tinanggal niya ang damit nito, at umarteng tila siya’y pinagsasamantalahan sa harap ng isang kamera. Nang matapos niya na ang kaniyang pakay, niyakap niya na ito at natulog sa tabi nito.
Nagising na lang siyang wala na ito sa kaniyang tabi, at nang hanapin niya ito, nalaman niyang maaga raw itong umuwi.
“Uuwi ka pa sa bahay mo, eh, sigurado namang babalik ka rin dito sa bahay ko kapag nalaman ng maraming tao ang ginawa mo sa akin,” ngisi niya saka tinawagan ang binatang iyon.
“Hindi mo ba talaga ako kayang mahalin higit sa kaibigan?” tanong niya.
“Pasensiya ka na talaga, Venice, kung ano mang nangyari kagabi hindi ko ‘yon alam,” sagot nito.
“Ah ganoon ba? O, sige, panuorin mo na lang sa social media ang kababuyang ginawa mo sa akin!” pananakot niya rito.
“Alam mong walang nangyari, Venice! Kahit anong gawin mo, lilitaw pa rin ang katotohanan! Mahirap ba talagang tanggapin na ayaw ko sa’yo?” galit na sambit nito na ikinagulat niya at labis na dinamdam.
Wala siyang ibang magawa kung hindi ang maiyak na lamang habang patuloy na tumatakbo sa kaniyang isipan ang mga sinabi ng binatang iyon.
Habang umiiyak, naramdaman niyang niyakap siya ng kaniyang kaibigan at sinabing, “May tamang taong darating para sa’yo. Hindi mo kailangang gawin ang lahat ng ito para sa isang lalaki. Hindi mo kailangang ipilit ang sarili mo sa lalaking hindi makita ang halaga mo,” dahilan upang siya’y lalong maiyak.
Dahil sa usapang iyon, nagdesisyon siyang burahin ang bidyong kaniyang kinuhanan at muling magsimula sa buhay nang wala sa isip niya ang binatang iyon.