Agad na Pumasok sa Relasyon ang Dalaga Upang Maibsan ang Kalungkutan, Hindi Niya Akalain ang Matutuklasan

Agad na Pumasok sa Relasyon ang Dalaga Upang Maibsan ang Kalungkutan, Hindi Niya Akalain ang Matutuklasan

InspiringLoveStories

“Ca-carlo, mahal, kanina pa tunog nang tunog ‘yong selpon mo, silipin mo muna at baka importante ‘yon,” gising ni Jona sa kaniyang bagong kasintahan, isang umaga nang maalimpungatan siya dahil sa selpon nitong napakaingay. 

“Eh, ikaw na, inaantok pa ako, eh. Anong oras pa lang, o, alas sais pa lang ng umaga! Tiyak ako, hindi importante ‘yan!” sigaw nito matapos makita sa relo ang kasalukuyang oras. 

“O, sige, sandali, ako na ang titingin,” tugon niya saka agad na kinuha ang selpong nakapatong sa hindi kalayuang lamesa, “Mula kay Mama Elma ang mga mensahe at sandamakmak na tawag, mahal, anong oras ka raw uuwi mamaya at kung doon ka ba raw kakain at matutulog mamayang gabi. Mayroon pang isa, ingat ka raw sa trabaho,” dagdag niya pa. 

“Diyos ko, ‘yan talagang si mama! Hindi makahintay na makauwi ako! Kakaalis ko lang ng bahay kaninang madaling araw, eh,” sagot nito, kitang-kita niya ang pagkainis sa mukha nito na ikinatawa niya. 

“Aba, siyempre, ganoon talaga ang mga magulang! Kahit nga ang nanay ko, kapag alam niyang wala pa ako rito sa condo ko, tatadtarin ako ng tawag at mga mensahe noon,” kwento niya pa, “O, anong isasagot ko rito?” tanong niya. 

“Ako na lang sasagot d’yan mamaya. Halika na rito, lambingin mo naman ako,” yaya nito dahilan upang siya’y mapabungingis saka muling bumalik sa higaan. 

Matagal nang mag-isa sa buhay ang dalagang si Jona. Simula nang siya’y magdesisyong magtrabaho sa Maynila, mag-isa na lang siyang naninirahan sa inuupahan niyang condo na hindi kalayuan sa pinagtatrababuhan niyang sikat na kumpanya. 

Malungkot man ang buhay niya rito, alang-alang sa pamilya niyang nasa probinsya na umaasa sa kaniya, lahat ng ito ay kaniyang tinitiis. 

Kaya naman, nang may magtangkang manligaw sa kaniya na katrabaho niya sa kumpanyang iyon, labis niya itong ikinatuwa. 

“Sa wakas, may makakasama na rin ako sa buhay,” wika niya nang minsan siya nitong yayaing magkape at doon na nga sila tuluyang nagkakilala. 

Mabilis ang mga pangyayari sa kanilang relasyon. Sa loob ng isang buwang panliligaw ng binatang ito sa kaniya, kaagad na niya itong sinagot at dahil nga nasa isa na silang relasyon, hindi niya na alintana kung naisin nitong matulog sa kaniyang condo kasama siya na labis niya namang ikinatutuwa dahil sa wakas, mayroon na muli siyang kasama matulog. 

Kaya lang, nasisira pa rin ang kaniyang tulog dahil sa maingay na tunog ng selpon ng nobyo niyang ito. Naiintindihan niya naman ang nanay nitong palaging natawag sa umaga dahil katulad niya, palagi rin siyang kinukumusta ng kaniyang ina dahil nga malayo siya sa mga ito. 

Nang makatulog muli ang kaniyang nobyo noong umagang iyon, bigla niyang naalala na malapit na nga pala ang kaarawan nito dahilan upang kuhanin niya ang numero ng nanay nito upang sabihin ang naiisip niyang plano para masurpresa ito sa darating na espesyal na araw ng buhay nito. 

Kaagad niyang tinawagan ang numerong iyon at bahagyang lumayo sa binatang natutulog. Ngunit pagkasagot niya, tila isang dalaga ang sumagot dito. 

“Sino ‘to?” tanong niya rito. 

“Anong sino ‘to? Eh, ikaw ang tumawag sa akin?” pambabara nito sa kaniya.  

“Ah, eh, kaano-ano mo si Carlo?” pang-uusisa niya. “Asawa ko, bakit? Sino ka ba?” sagot nito dahilan upang siya’y mataranta at agad na ibinaba ang tawag. 

Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Ayaw niya naman itanong sa binatang nasa harapan niya ang totoo dahil kung talagang nagtataksil ito, hindi ito magsasabi ng totoo sa kaniya. 

Kaya naman, nang mabuo niya na ang sarili, muli niyang tinawagan ang dalagang sumagot at siya’y humiling na makipagkita rito. Agad naman itong pumayag nang sabihin niyang tungkol kay Carlo ang kanilang pag-uusapan. 

Nang magkita sila, roon na nga niya nakumpirmang ito si Elma, asawa ng kaniyang nobyo dahilan upang ganoon na lang siya labis na masaktan at maiyak sa harap nito. 

“Hindi ko alam na kabit ako, pasensiya ka na,” sambit niya rito, sa galit ng ginang na ito, tinawagan nito ang lalaking ‘yon at pinapunta kung nasaan silang dalawa. 

Pagkarating nito, halos hindi maipinta ang mukha nito nang makitang sila’y magkasama. 

“Magpapaliwanag ako,” una nitong wika dahilan upang hubarin ng ginang na kausap niya ang singsing at ibato sa mukha nito. 

Habang pinagmamasdang maghabulan ang mag-asawa, napagtanto niyang dapat pala talaga, bago siya pumasok sa isang relasyon, kinikilala niya muna ang lalaking mamahalin niya dahil kahit sinong lalaki, makapaghihintay kung puro ang pagmamahal na nararamdaman. 

More Stories