
Halos Umikot na ang Mundo ng Dalagitang Ito sa Kaniyang Nobyo; Matatauhan Siya sa Makikitang Tunay na Kulay Nito
“Sinasabi ko sa ’yo, Christina! Napakabata mo pa para makipagnobyo!” galit na anas ng kaniyang ina, habang nakapamaywang na sinesermunan siya matapos nitong mahuling ka-holding hands niya sa eskuwela ang kaniyang nobyo. Trese anyos lamang kasi si Christina, ngunit talagang sumabak na siya sa isang relasyon kahit pa mahigpit iyong tinututulan ng kaniyang ina.
“E, mama, mahal ko si Joshua!” katuwiran naman ni Christina sa ina, na may kasama pang pagpadyak.
“Mahal?! Ano’ng alam mo d’yan, e, napakabata mo pa?” Halos umusok naman ang ilong ni Aling Carol dahil sa sobrang inis. “Hiwalayan mo na ’yan kung ayaw mong ikulong kita rito sa bahay!” naiinis pang hiyaw niya.
Hindi naman na sumagot pa si Christina, ngunit sa totoo lang ay wala siyang balak na sundin ang ina. Siguro ay kakausapin na lamang niya ang nobyong si Joshua upang mas maging maingat sila sa kanilang mga kilos sa susunod.
Ipinagpatuloy ni Christina ang pakikipagrelasyon sa nobyo. Talagang hindi siya nakinig sa payo ng ina, bagkus ay halos gawin niya nang mundo ang nobyo niya! Kay Joshua na kasi umikot ang halos buong buhay niya. Ibinigay niya rito ang lahat, kahit iyong bagay na hindi pa dapat niyang isuko sa lalaki.
“Mama, gagawa po pala kami ng project sa bahay ng kaklase ko,” minsan ay paalam ni Christina sa kaniyang ina na bagama’t may katotohanan ay may halo pa ring kasinungalingan.
Paano kasi ay hindi naman niya basta ‘kaklase’ lang ang bahay na pupuntahan niya kung saan sila gagawa ng nasabing ‘proyekto’. Dahil bahay ng nobyo niyang si Joshua ang tinutukoy niya. Bukod doon, kanina pa lang habang nagpaplano silang magkikita-kita roon ay napagdesisyunan nilang haluan ng inuman ang paggawa ng nasabing proyekto para daw kahit papaano ay masaya ang kanilang pagsasama-sama.
“Project na naman! Hindi na yata kayo nauubusan ng project?” may pagdududa namang tanong ni Aling Carol sa anak. “Naku, sinasabi ko sa ’yo, Christina! Huwag ko lang malalamang gumagawa ka na naman ng kalokohan. Susme! Magtapos ka muna ng pag-aaral, pagkatapos ay hindi na kita pakikialaman pa sa mga desisyon mo sa buhay!” paglilitanya pa nito ngunit sa huli ay binigyan din naman ng baon at pamasahe ang dalagitang si Christina.
Tuwang-tuwa naman si Christina. Pagkaraka’y dali-dali na siyang nagtungo sa bahay ng nobyo. Papasok na sana siya sa loob ng tahanan nito nang makasalubong niya ang isa sa mga dati niyang kaklase na doon din nakatira, malapit sa tahanan ni Joshua. Nagkumustahan sila, tutal ay itinuring niya rin itong matalik na kaibigan noon. Agad kasi silang nagkapalagayan ng loob dahil beki ang nasabing kaklase ni Christina noon.
Medyo nagkatawanan sila. Hindi namalayan ni Christina na napahaba pala ang kumustahan nila ni Andrei, sa tapat mismo ng bahay ni Joshua. Siya namang labas ng kaniyang nobyo mula sa tirahan nito at inabutan ang eksena nilang ’yon ng dating kaibigan.
“Sino ’yan?” maangas na tanong ng kaniyang nobyo sa kaniya.
“Si Andrei, kaibigan ko,” sagot naman ni Christina na bahagyang natakot sa nakitang reaksyon ng nobyo.
Bigla siyang hinila nito papasok sa bahay. Disisiyete anyos na ito, apat na taon ang tanda sa kaniya, ngunit naging kaklase niya ito dahil ilang beses na itong bumalik sa ikapitong baitang. Nagulat si Christina sa inakto ng nobyo, ngunit hindi naman niya magawang pumalag dahil hindi niya kaya ang lakas na ipinapakita nito ngayon. Nagtataka rin siya kung bakit tila namumula ang mga mata ni Joshua at hindi kaaya-aya ang amoy na lumalabas sa bibig nito.
Akmang magsasalita na sana si Christina nang makatanggap siya ng isang malakas na sampal sa kasintahan. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Hindi niya akalaing magagawa ito sa kaniya ni Joshua! Lalo pang nadagdagan ang kaniyang pagkabigla nang puwersahan nitong hilahin ang kaniyang damit, dahilan upang mapunit ’yon. Talagang napapalahaw siya ng iyak.
Mabuti na lamang at biglang bumukas ang pintuan ng bahay at doon ay naabutan sila ng kaniyang ina. Galit ang agad na rumehistro sa mukha nito para sa binatang si Joshua!
Ilang oras bago nakabawi si Christina sa pagkabigla sa nangyari. Ganoon pa man ay kinailangan pa rin siyang kausapin ng pulis dahil nagpasiya ang kaniyang ina na kasuhan si Joshua na napag-alaman nilang lulong pala sa ipinagbabawal na bisyo!
Doon naisip ni Christina na tama nga ang kaniyang ina. Sana ay nakinig na lang siya rito noong una pa lang! Ngayon ay isang malaking trauma tuloy ang iniwan sa kaniya ng pangyayari na siguradong dadalhin at pagsisisihan niya ng mahabang panahon.