
Kahit Ipinagbabawal ng Kanilang Barangay ay Pinilit pa rin ng Isang Lolo na Ilako ang Tinda Niyang Balut; Maiiyak Siya sa Gagawin ng Pulis na Huhuli sa Kaniya
“Tatay, magtitinda pa rin ho kayo? E, dumaan ho ’yong mobil ng barangay kanina. Ina-announce na bawal daw po ang pagala-gala kapag sumapit na ang alas sinco ng hapon. Kahit daw po ’yong mga vendor ay hindi maaaring lumabas,” may pag-aalalang paalala ng batang si Kriselda—labing isang taong gulang—sa kaniyang ama, nang makita nitong nag-aayos na ito ng mga panindang balut na ilalako nito para mamaya. Alas kuwatro y media na ng hapon. Mag-aalasingko na kaya magsisimula na rin ang hulihan ng mga hindi sumusunod sa batas.
“Ayaw ko rin naman talagang sumuway, anak. Pero ang inaalala ko, wala na tayong kakainin bukas. Ni hindi ko alam kung saan pa ako kukuha ng ipambibili man lang natin ng bigas. Kailangan kong magtinda ngayon. Baka sakaling kumita ako kahit magkano lang,” malungkot namang tugon ni Mang Berto sa anak bago niya ginulo nang may paglalambing ang buhok nito.
“Aalis na ako. Kriselda, anak, ikaw na munang bahala sa mama mo,” maya-maya ay bilin pa ni Mang Berto sa kaniyang panganay bago niya ito iniwan kasama ang asawang kapapanganak lang nitong nakaraang linggo.
Ayos naman kasi ang buhay ng pamilya nina Mang Berto noon, bago pumutok ang pand*mya. May maayos siyang trabaho bilang driver sa isang hardware shop sa kabilang siyudad kung saan siya nags-stay in noon. Kaya lang ay bigla iyong nagsara nang kumalat ang sakit na ngayon ay nagdudulot na ng krisis at paghihirap sa mga tao. Kinailangan tuloy ni Mang Berto na humanap ng ibang pagkakakitaan lalo pa at napakahirap ngayong mag-apply ng trabaho sa mga kumpaniya.
Ang pagtitinda ng balut ang napili niyang gawing kabuhayan, pansamantala. Mayroon kasing itikan ang bayaw niya at dito siya umaangkat ng mga itlog na ginagawa niyang balut na siyang ibinibenta niya. Maganda naman sana ang kitaan, kaya lang, pati ito ay naapektuhan na rin ngayon ng nasabing pand*mya. Nagkaroon na naman kasi ng curfew sa kanilang lugar dahil sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng nasabing karamdaman.
Nang gabing iyon ay ingat na ingat si Mang Berto na huwag siyang abutan ng mga nagrorondang sundalo at pulis sa kanilang lugar. Kumita naman siya kahit kaunti ngunit nais niyang lubusin ang gabing ’yon dahil baka hindi siya makapagtinda kinabukasan.
Ngunit kahit anong ingat ni Mang Berto ay hindi niya pa rin nagawang takasan ang magaling na pagmamanman ng kanilang pamahalaan sa buong barangay, gamit ang mga drones na siyang ipinagagala ng lokal nilang pamahalaan upang i-spot-an ang mga hindi susunod sa kanilang mga utos!
“Manong, hindi ho ba ninyo alam na may curfew na tayo simula alas sinco?” inis na tanong ng isa sa mga pulis na sumita kay Mang Berto nang gabing ’yon.
Kakamot-kamot namang tumugon si Mang Berto, “pasensiya na po kayo, ser. Kapapanganak lang ho ng asawa ko at wala na kaming kakainin bukas kung hindi ako magtitinda,” naluluhang paliwanag niya. Sabi kasi ng pulis ay pagmumultahin daw siya dahil sa hindi niya pagsunod sa kautusan. Agad siyang namroblema dahil pangkain na sana nila ang kinita niya ngayon.
Matapos sumagot ni Mang Berto ay bigla namang nagbago ang ekspresyon sa kaniya ng pulis. “Ganoon ho ba?” malumanay nang tanong nito. “Siya, huwag na ho kayong magmulta. Ako na ho ang bahala. Sumama na lamang ho kayo sa akin para makauwi na kayo sa pamilya ninyo,” sabi pa ng pulis na agad namang tinalima ni Mang Berto.
Isinakay siya nito sa mobil na dala nito. Medyo malayo ang kaniyang puwesto dahil sinusunod nila ang social distancing protocol, ngunit hindi maiwasan ni Mang Berto na kabahan. Hindi kasi nito sinabi sa kaniya kung saan ba siya nito balak dalhin dahil nalampasan na nila ang munisipyo.
Laking gulat ni Mang Berto nang ihinto ng pulis ang sasakyan sa tapat ng isang grocery store. Pinababa siya nito, pagkatapos ay sinimulan nilang mamili ng iba’t ibang essential goods na hindi naman na kinuwestiyon pa ni Mang Berto dahil sa kaba. Napakarami nilang ipinamili. Siguro ay may-ari ng sari-sari store ang pulis, sa isip-isip ni Mang Berto.
“Saan ho ba kayo nakatira, manong? Ihahatid ko na ho kayo para maiuwi n’yo na ang mga ito sa pamilya ninyo. Medyo marami na ho ito para naman po sumapat itong groceries na ito hanggang isang buwan. Isang buwan po kasi tayong lockdown,” turan ng pulis nang mailagay na nila sa sasakyan nito ang mga groceries na siya namang ikinalaki ng mga mata ni Mang Berto!
Labis ang pasasalamat niya sa mabuting bayaning ito. Hindi niya inaasahang tutulungan siya nito at bibigyan ng ikabubuhay nila sa loob ng isang buwan!
“Maraming salamat po, ser! Hinding-hindi ko malilimutan ang kabutihan n’yong ito sa akin,” saad pa ni Mang Berto saka sinaluduhan ang mabait na pulis bago ito tuluyang umalis.