
Nagreklamo ang Dalagang Ito sa Ama nang Dalhin Siya Nito sa Isang Karinderya Upang Doon sila Mananghalian; Matatauhan Siya sa Kaniyang Masasaksihan
“Papa, bakit ba naman dito n’yo ako dinala? Hindi ba p’wedeng sa fast food na lang tayo kumain?” pagmamaktol ng dalagitang si Andrea sa kaniyang amang si Mang Jun, isang jeepney driver. May pagpadyak pa siya habang nagrereklamo dahil sa isang maliit na karinderya lamang siya nito dinala matapos siyang sunduin nito sa pinapasukan niyang eskuwelahan nang tanghaling iyon.
Hindi sumagot si Mang Jun, bagkus ay ipinaghila lamang ng upuan ang kaniyang anak. “Umupo ka na, anak. O-order lang ako,” malumanay pang sabi niya na parang hindi naririnig ang reklamo ni Andrea. Dahil doon ay wala nang nagawa pa ang dalagita kundi ang sumunod nang nakabusangot ang pagmumukha. Pinagkrus niya pa ang kaniyang mga braso bago siya tuluyang naupo nang pasalampak sa upuang hinila ng ama para sa kaniya.
Lihim na napailing si Mang Jun sa inakto ng kaniyang unica hija. Hindi naman kasi ito dating ganoon. Simula kasi nang makapasok ito sa isang magandang eskuwelahan na pangmayaman dahil sa nakuha nitong scholarship, ang dating mabait at masunurin niyang anak ay biglang nagbago. Naging napakareklamador nito sa lahat ng bagay. Kung dati ay naiintindihan nito ang salitang ‘wala’ sa tuwing nagigipit sila, ngayon ay hindi na. Madalas na itong magmaktol sa tuwing hindi nila naibibigay ang gusto nito, at nagrereklamo naman kung kulang o ’di kaya’y mali ang naibigay niya. Ni hindi na ito marunong magpasalamat ngayon sa lahat ng ibinibigay nilang mag-asawa, dahil mas nangunguna na ang reklamo nito na alam naman nilang dulot ng ‘inggit’ na nadarama nito sa kaniyang mga kaeskuwelang pawang mga anak ng mayayamang magulang nila.
Hindi nais ni Mang Jun na lumaking ganito ang kaniyang anak, dahil ang mga taong may ganitong mentalidad ay madalas na hindi umuunlad sa buhay. Kaya naman kahit ang totoo ay kaya niya namang ibigay ang gusto nito minsan ay hindi niya iyon ginagawa lalo na kapag alam niyang hindi naman iyon makatutulong sa kaniyang anak. Gusto niya itong bigyan ng leksyon kaya naman dinala niya ito sa karinderyang iyon, upang ipakita ang pang-araw-araw na buhay ng ibang tao sa kaniyang anak.
“Kain na, habang mainit pa ang pagkain,” pag-aaya ni Mang Jun kay Andrea matapos niyang ihain sa harap nito ang kanin at ulam na in-order niya.
Ismid naman ang isinagot ni Andrea bago siya nagsalita, “ayoko!”
Huminto si Mang Jun sa pagsubo ng pagkain. Imbes na magalit siya sa asal ng kaniyang anak ay luminga-linga siya sa paligid…
“Hula mo, ano kayang o-order-in ng mamáng ’yon, ’nak?” bagkus ay tanong ni Mang Jun sa dalagita, bago inginuso ang isang kadarating lang na lalaking mukhang pagod na pagod galing sa trabaho.
Nagtaka naman si Andrea sa tanong ng ama. Ganoon pa man ay inis pa rin niya iyong sinagot. “Edi kanin at ulam, ano pa ba? Ano namang koneksyon no’n sa hinihingi ko sa ’yo, papa? Lumipat na kasi tayo sa fast food chain! Baka makita pa ako ng mga kaeskuwela ko sa cheap na karinderyang ’to, e!” Nangingilid na ang luha ni Andrea sa inis na bahagya lamang nilingunan ang lalaking itinuturo niya.
“Mali ka d’yan, ’nak. Hindi siya o-order ng kanin at ulam,” dedma namang pagpapatuloy pa rin ni Mang Jun, “dahil ang o-order-in niya ay kanin at tubig lamang,” dagdag pa niya.
Doon naman ay tila nakuha na niya ang atensyon ng anak. Muli nitong nilingon ang lalaking kadarating lang at pinagmasdan nito kung totoo nga ba ang sinasabi niya. Nagulat pa ito nang malamang tama nga ang ama sa tinuran nito!
“O, e, bakit po kanin at ulam lang ang in-order? May baong ulam?” nakangiwi pang tanong ulit ni Andrea.
Umiling si Mang Jun. “Baon? Kung matatawag bang baon ang asin, edi, tama ka.” Asin lang kasi ang baon ng lalaki na nakita nilang dinukot nito sa kaniyang bulsa. “Nasa ospital kasi ang anak niya kaya halos isang buwan na niyang ginagawa ’yan. Sampung pisong kanin, tubig at asin ang siya niyang ipinanglalamang tiyan upang hindi niya mabawasan ang kinikita niya sa trabaho para sa pagpapagamot ng kaniyang anak,” paliwanag pa ni Mang Jun kay Andrea bago niya ito muling binalingan. “Ngayon, Andrea, tingnan mo kung ilang putahe ng ulam ang nasa harapan mo, na ipinagrereklamo mo pa. Sa tingin mo, alin ang mas nakakahiya? Ang kumain sa karinderya o ang magreklamo sa mga bagay na pinaghirapan sa ’yong ibigay ng mga magulang mo?” makahulugan pang tanong ni Mang Jun na nakapagpatahimik naman kay Andrea.
Pakiramdam ng dalagita ay nasampal siya ng katotohanan. Napagtanto niyang tama ang kaniyang ama. Paano niya nagagawang magreklamo sa mga bagay na pinaghihirapan nitong ibigay sa kaniya? Napakasuwerte niya kung tutuusin dahil may magulang siyang handang magtiis ng pagod para ang tustusan ang pangangailangan niya, tulad ng lalaking iyon na um-order ng kanin at tubig!
Bigla siyang napatayo sa kinauupuan. Inisang hakbang niya ang pwesto ng ama at niyakap ito nang mahigpit, bago siya taos-pusong humingi ng paumanhin.
“Patawad po, papa. Pangako, babaguhin ko na ang ugali ko. Sorry po kung kinain ako ng inggit at hindi naging maganda ang epekto nito sa akin. Salamat po sa pagpapangaral sa akin,” lumuluhang sabi niya sa ama.
Maya-maya pa ay kinuha niya ang isang putahe ng ulam na ihinain sa kaniya ng ama at dinala iyon sa mesa ng lalaking nag-uulam ng tubig at asin. Pagkatapos ay masaya siyang kumain ng pananghalian, habang kasalo ang kaniyang ama. Iyon ang naging simula ng muling pagbuti ng pag-uugali ni Andrea.