Winaldas ng Binatang Ito ang Perang Ipinatago sa Kaniya ng Ama; Nganga Siya nang Malaman kung Para Saan Talaga Iyon

“Anak, itong pera kong ito sa bangko ay matagal ko nang pinag-ipunan. Gusto kong itago mo ’yan para hindi ko magalaw. May importante akong paggagamitan n’yan, kaya sana’y ingatan mo,” saad ng amang si Aurelio sa binatang si Carlos na siya niyang bunsong anak. Nasa loob sila ng kaniyang opisina, sa kanila mismong tahanan, kung saan niya ito ipinatawag kanina upang kausapin.

Ngising-aso naman si Carlos nang iabot sa kaniya ng ama ang dokumento ng account nito sa bangko na ipinangalan din sa kaniya. Kasasabi pa lamang ng ama na ingatan niya ang naturang pera ay naglalaro na agad sa utak niya kung paano siya magpapakasaya nang matagal sa kinalolokohang bisyo—walang iba kundi ang pagsusugal—gamit ang perang ’yon.

Antimano nga, nang hapon ding ’yon ay agad na dumiretso ang palalong binata sa casino upang doon ay magpakasasa nang walang sawa sa pera ng ama. Ni hindi man lamang niya inisip na iyon ay galing sa ilang taong pagtatrabaho nito at pag-aasikaso sa negosyo nila nang walang pahinga. Basta ang alam niya ay sa kaniya ito ipinagkatiwala ngayon, at hindi sa dalawang nakatatanda niyang mga kuya.

“Talagang paborito ako ni dad, kaya kahit magastos ko ’yong perang ’yo ay hindi ’yon magagalit sa akin,” pagyayabang pa ni Carlos sa kaniyang mga kaibigan nang subukan siya nitong pigilan sa paggastos ng perang ’yon, matapos nilang malamang ipinatago lamang ’yon ng kaniyang ama. Katuwiran naman kasi niya ay hindi iyon ipatatago sa kaniya ng ama kung hindi siya ang paborito nito dahil p’wedeng-p’wede naman nitong dalhin iyon sa kaniyang mga kuya.

Halos isang buwan ding nagpakasasa si Carlos sa perang ’yon. Halos araw-araw siyang laman ng mga sugalan, umaga man o gabi. Halos hindi na nga rin siya natutulog. Uuwi na lamang siya kung minsan upang kumain at maligo, pagkatapos ay lalarga na ulit sa ikalawa niyang tahanan.

Matagal na siyang pinagsasabihan ng kaniyang ama at mga kuya sa ginagawa niyang pagsira ng kaniyang buhay dahil sa pagkaloko niya sa sugal ngunit kailan man ay hindi siya nakinig. Hanggang sa ngayon ay naubos na rin niya pati ang perang ipinatago sa kaniya ng ama.

Biglang nagpatawag ng family meeting ang kanilang amang si Don Aurelio. Kinabahan si Carlos, ngunit ganoon pa man ay naniniwala siyang hindi pa rin siya magagawang itakwil ng ama dahil doon kaya pumunta pa rin siya…

“Anak, gusto kong itanong sa ’yo kung kumusta na ang perang ipinatago ko?” bungad sa kaniya ng kaniyang ama nang siya ang unang dumating sa naturang pagpupulong.

Advertisement

Agad namang napakamot sa ulo si Carlos. “E-e, ’pa, sorry…n-naubos ko, e,” nauutal pa niyang sagot na animo biro lamang para sa kaniya ang lahat.

Tumango-tango si Don Aurelio sa narinig. Hindi ito nagsalita, ngunit hindi rin naman galit ang ekspresyon nito.

“Hindi po kayo galit?” Ngising-aso na naman si Carlos sa likod ng kaniyang isip. Sinasabi na nga ba niya at hindi siya kayang tiisin ng ama!

“Hindi… bakit naman ako magagalit, e, pera mo naman ’yon?” sagot naman ng ama bago ito umupo sa swivel chair nito.

Napakunot ang noo ni Carlos. Nagtataka sa ibig sabihin ng ama. Akmang magtatanong na sana siya, ngunit siyang pasok naman ng dalawang kapatid niyang pawang mga kagagaling lamang sa trabaho.

“Papa, pasensiya na at nahuli kami. Heto po ’yong record ng perang ipinatago ninyo sa amin. Hindi ho ba at nagpaalam kaming gagamitin muna namin sa negosyo? Heto ho at malaki-laki na ang itinubo ng pera n’yo,” anang isa sa kaniyang mga kuya.

Doon napag-alaman ni Carlos na hindi lamang pala sa kaniya nagpatago ng pera ang ama, kundi sa kaniya ring mga kapatid!

“Hindi n’yo na kailangang isauli sa akin ang mga perang ipinatago ko sa inyo, dahil iyon na ang siyang pamana ko sa inyo. Kung napapansin n’yo ay malaki-laki rin ang mga perang iyon, dahil sinadya kong ibigay sa inyo ’yon nang maaga upang malaman ko kung papaano n’yo gagastusin ang perang ipinagkatiwala ko,” pagsisiwalat pa ng kanilang ama na halos ikapanlumo ni Carlos!

Advertisement

Bigla siyang nawalan ng sasabihin, lalo na nang makitang nakangisi sa kaniya ang kaniyang ama. “Matagal na kitang binalaan na tigilan mo ang pagkaloko mo sa sugal. Siguro naman, dahil simula ngayon ay wala ka nang pera ay magtitino ka na at matututunan mo na ang ’yong leksyon!” mariing pahayag pa nito.

Napayuko na lang si Carlos. Ngayon lamang niya napagtanto ang lahat. Bigla siyang natauhan, lalo na nang makitang imbes na magalit sa kaniya ang mga kapatid ay awa ang mababakas sa mukha nila.

“Huwag kang mag-alala, Carlos. Nandito kami. Isang sabi mo lang na magbabago ka na’y handa kaming tulungan ka sa abot ng makakaya namin,” turan pa ng isa sa kaniyang mga kuya sabay tapik sa kaniyang balikat. Napaluha siya.

Dahil doon ay nagpasiyang magbago si Carlos. Mahirap sa umpisa, ngunit kalaunan ay kinaya niyang talikuran na nang tuluyan ang kaniyang bisyo. Sa tulong ng kaniyang mga kapatid ay muling umangat sa buhay si Carlos, dala ang leksyon ng nakaraan mula sa naging karma niya bilang isang sugarol. Salamat sa matalinong paraan ng kaniyang ama upang siya ay mapagbago.