Inday TrendingInday Trending
Ipinaubaya ng Babaeng Ito sa Kaniyang Pinsan ang Pag-aalaga sa Sarili Niyang Ina; Magsisisi Siya sa Iiwan Nitong Ganti sa Kaniya

Ipinaubaya ng Babaeng Ito sa Kaniyang Pinsan ang Pag-aalaga sa Sarili Niyang Ina; Magsisisi Siya sa Iiwan Nitong Ganti sa Kaniya

“Vicky, maawa ka naman sa nanay mo! Hindi mo ba nakikitang halos hindi na makalakad si tita? Bakit ayaw mong tulungan ang sarili mong ina? Ni hindi mo man lang maakay!” galit na anas sa kaniya ng kaniyang nakatatandang pinsang si Ate Rona, matapos nitong madatnang hirap na hirap sa pagpanhik sa ikalawang palapag ng bahay nila ang kaniyang ina, habang siya ay nakahilata lamang sa kanilang salas at ni hindi man lamang ito magawang tulungan.

Naipaikot naman ni Vicky ang kaniyang mga mata dahil sa inis, pagkatapos ay bubulong-bulong siyang bumalik sa pagkalikot sa hawak niyang cellphone. “Badtrip naman, o! Bigla-bigla na lang kasing dumadalaw!”

Hindi man narinig ni Rona nang malinaw ang sinabi ni Vicky ay basang-basa naman niya ang buka ng mga nguso nitong nanghahaba na naman habang nakasimangot. Talagang wala na siyang mapapala sa pinsan niyang ito. Laking pasasalamat na lamang ni Rona na dinalaw niya ang kaniyang mahal na tiyahin ngayon.

“Alam mo, Vicky, hindi ko talaga alam kung saan mo nakuha ang ugali mong ganiyan. Napakabait ng nanay mo, pati na rin ng nasira mong ama, pero ikaw—” Minabuti na lamang ni Rona na putulin na roon ang kaniyang sinasabi bago pa siya tuluyang makapagbitiw ng hindi magandang salita.

“Bakit kasi hindi na lang ikaw ang mag-alaga d’yan kung gusto mo? Tiyahin mo naman ’yan!” pabalang namang sagot pa ni Vicky sa pinsan, bago siya tumayo at pumanhik sa itaas ng kanilang bahay.

Napailing na lamang si Rona. Sa asal ng babaeng ’yon ay talagang hindi niya kayang ipaubaya rito ang pag-aalaga sa tiyahin niyang nagsilbi na rin niyang ikalawang ina buhat nang mawala ang kaniyang mga magulang noon. Alam naman niyang hindi talaga malapit si Vicky sa ina nito, dahil bata pa lamang ito nang magtrabaho sa ibang bansa ang kaniyang tiya. Ngunit hindi niya pa rin maintindihan kung bakit tila wala itong pakialam o kahit katiting na pagmamahal man lang sa ina gayong ginawa naman nito ang lahat upang mabuhay sa karangyaan si Vicky! Sa katunayan, hanggang ngayong beinte sinco anyos na ito ay sa ina pa rin ito umaasa!

Dahil sa nangyaring ’yon ay hindi na nagdalawang isip pa si Rona na kunin na lamang ang kaniyang tiyahin sa puder ng pinsan niyang walang pagmamalasakit sa sariling ina. Hindi naman na tumutol pa si Vicky, bagkus ay tuwang-tuwa pa ito, dahil masosolo na raw niya ang bahay at magagawa na niya ang lahat ng gusto niya sa buhay nang walang sisita sa kaniya! Bukod doon ay dito pa rin naman dumidiretso ang pensyon ng kaniyang ina kaya naman wala na siyang iintindihin pa.

Hindi na rin ’yon hinabol pa ni Rona, dahil may maganda naman siyang trabaho at kayang-kaya niyang tustusan ang pangangailangan ng kaniyang tiya, na agad naman niyang ginawa. Inalagaan ni Rona ang kaniyang tiyahin. Ipinaramdam niya rito ang pagmamahal na hindi kayang ibigay ng sarili nitong anak. Pinunuan niya ang lahat ng pagkukulang ni Vicky sa sariling ina. Habang ang walang malasakit na si Vicky naman ay nagpakasaya at nagpakasasa sa buhay niya, hanggang sa mamaalam na ang kaniyang ina sa mundo!

Dumalaw naman si Vicky sa burol ng kaniyang ina, ngunit ni isang patak man lang ng luha ay hindi siya kinakitaan. Talagang wala siyang pagmamahal sa taong nagluwal at nagdala sa kaniya sa mundo na wala namang ibang ginawa kundi ang mahalin siya at pag-alayan ng pagod at pag-aalaga!

Ang totoo ay wala naman siyang balak pumunta sa burol kung hindi nga lamang niya inisip ang pamanang iiwan ng kaniyang ina para sa kaniya. Pumunta siya roon upang itanong sa kaniyang Ate Rona kung may iniwan bang habilin ang kaniyang ina.

Isang malakas at umaalingawngaw na sampal ang inabot niya sa kaniyang pinsang ngayon ay labis na nagdadalamhati. Pagkatapos ay iniabot nito sa kaniya ang isang sobreng siyang naglalaman ng last will and testament ng kaniyang ina…

“Hindi p’wede ’to!” Nakabibingi ang sigaw na ’yon ni Vicky matapos niyang basahin ang naturang dokumento na siyang nagsasabing ang lahat ng iniwang ari-arian ng kaniyang ina ay mapupunta sa kaniyang pinsang si Ate Rona, na siyang nag-iisa at natitira nitong kaanak!

Doon din kasi niya napag-alaman na hindi pala siya tunay na anak ng kinilala niyang magulang, kundi isa lamang ampon na hindi rin naman natutong tumanaw ng utang na loob sa taong tumulong at nag-aruga sa kaniya! Wala nang nagawa pa si Vicky kundi ang mapaluhod. Ngayon pa lang ay ramdam na niya ang karmang hatid ng mga ginawa niyang kasalanan, na kung pagsisihan man niya ay huli na’t hindi na maibabalik pa.

Advertisement