
Mukhang Anghel daw ang Babae kaya Ito Niligawan ng Ginoo; Mapapaatras Siya sa Oras na Malaman Niya ang Tunay na Pagkatao Nito
Agad na nabighani si Harold sa bago nilang kaklaseng si Aileen, isang transfer student mula sa Maynila na ngayon ay lumipat na sa probinsya kasabay ng paglipat nila ng tahanan. Napakaganda kasi ng nasabing dalaga na ayon pa kay Harold ay maihahalintulad daw sa mukha ng isang anghel—maamo at mukhang mabait.
Kilala siya sa kanilang eskuwelahan dahil sa angkin din naman niyang kakisigan. Si Harold kasi ang kapitan ng basketball team ng kanilang campus kaya naman maraming babae rin ang nagkakandarapang mapansin niya. Ganoon pa man ay nanatiling mapagkumbaba si Harold. Kailan man ay hindi niya inabuso ang kalamangan niyang ’yon upang mang-api ng iba.
Maprinsipyo si Harold, kaya naman lalo pa siyang hinangaan ng napakaraming babae sa kanilang campus. Noon ay hindi naman niya masiyadong iniintindi ang mga ito, ngunit nang makita niya si Aileen, ay bigla niyang nahiling na sana, tulad ng iba ay magustuhan din siya nito.
Hindi nag-aksaya ng pagkakataon si Harold. Makalipas lang ang ilang linggo ay naisipan niyang ligawan ang dalaga, na mabilis namang pumayag doon. Sa isang iglap ay kinainggitan ito ng marami dahil sa dami ng babae sa eskuwelahang iyon ay napansin siya ni Harold!
Hanggang sa isang araw ay isa na namang transferee ang dumating. Si Jana, na siya namang kabaliktaran ng hitsura ni Aileen. Kung napakaganda ni Aileen, ito naman ay kakaiba ang hitsura. Makapal ang kilay ng nasabing dalaga. Marami ring taghiyawat ang mukha nito at malaki ang ngipin sa harapan. Ganoon pa man ay hindi iyon naging hadlang upang tratuhin din ni Harold nang tama ang dalaga lalo pa at sa grupo niya ito napunta nang italaga na ang magiging mga kagrupo nito sa mga gawain nila sa eskuwela. Hindi naman niya akalain na dahil doon ay makikilala niya ang tunay na pagkatao ng nililigawan niyang si Aileen…
“Harold, pare! Si Aileen, inaaway si Jana sa hallway!” isang araw ay tawag sa kaniya ng kaibigan at ka-team niyang si Nico.
Dali-daling nagpunta si Harold sa lugar na tinukoy nito at doon ay naabutan niya si Aileen na hila-hila ang buhok ni Jana…
“Lapit ka nang lapit kay Harold porque pinakikitaan ka niya ng awa? Malandi kang pangit ka!” Hindi inaasahan ni Harold na maririnig niya iyon sa bibig mismo ni Aileen kaya naman natigilan siya at hindi agad nakakilos.
“Hindi ko alam ang sinasabi mo, Aileen! Kagrupo ko si Harold kaya lagi kaming magkasama. Hindi ko naman siya nilalandi, dahil puro pag-aaral lang naman ang inaatupag namin…pakiusap, bitiwan mo na ang buhok ko, nasasaktan na ako!” umiiyak namang tugon ni Jana, ngunit isang malakas na sampal lang ang isinagot muli rito ni Aileen.
Tumalsik ang salamin ni Jana sa sahig. Naalis din ang pagkakatakip ng mga hibla ng buhok nito sa mukha, dahilan upang mahantad ang tunay na kagandahang taglay nito, sa kabila ng kakaiba niyang estilo. Samantalang si Aileen ay tila ba biglang pumangit sa paningin ni Harold. Nadismaya siya na ganitong klaseng babae pala ang napupusuan niya. Sana pala ay hindi siya nagpadala agad sa pagkamangha niya sa hitsura ng dalaga.
Doon na lumapit si Harold sa dalawa. Hindi siya nagsalita, ngunit bakas sa mukha niya ang galit para kay Aileen, habang nang humarap naman siya kay Jana ay awa ang mababakas sa kaniyang mga mata. Tinulungan niya itong tumayo mula sa pagkakasalampak sa sahig, pagkatapos ay inalalayan niya ito upang makaalis na sila roon at madala niya ito sa klinika.
“Harold, sandali! Bakit tinutulungan mo ang babaeng ’yan? Siya ang nauna!” puno ng kasinungalingang tawag naman sa kaniya ni Aileen nang basta na lamang niya itong lampasan.
“Pasensiya ka na, Aileen, pero hindi ako naniniwala sa ’yo. Nakita ko ang lahat at sapat na ’yon para matauhan ako na maling bumase lang ako sa hitsura mo bago kita niligawan. Sana pala ay inalam ko muna ang tunay na hitsura ng pagkatao mo bago ko ’yon ginawa. Kasalanan ko, kaya sorry. Hihinto na ako sa panliligaw sa ’yo mula ngayon,” tanging nasabi naman ni Harold kay Aileen bago niya ito tuluyang iniwan.
Dahil tuloy sa nangyari ay lalong naging malapit sa isa’t isa si Jana at Harold. Kalaunan ay nagkagustuhan ang dalawa, lalo na nang makita ni Harold ang napakagandang kalooban ng dalaga. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi niya minadali ang lahat. Unti-unti ay niligawan niya si Jana, na nagawa niya pang ipagpaalam sa mga magulang nito. Ngayon ay mas naging masaya siya sa napili niyang maging nobya.