Tinawag Siyang ‘Tamad’ ng mga Kapitbahay dahil Hindi raw Siya Nagtatrabaho; Pahiya Sila nang Malaman ang Tunay Niyang Pinagkakaabalahan

“Hindi ba, ’yan ’yong tamad na anak ni Mang Danny? ’Yong palaging pagse-cellphone o pagkokompyuter ang inaatupag?” bulong ng isang usiserang kapitbahay sa kapwa niya usisera nang dumaan si Joella sa kanilang harapan. Bibili lang sana siya ng soft drinks sa tindahan, ngunit sa tuwing lalabas na lamang siya ng bahay ay ganito ang naririnig niya mula sa mga kapitbahay nilang hindi yata mabubuhay kapag walang tsismis.

“Oo nga. Ni minsan ay hindi ko nakitang tumulong ’yan sa mga gawaing bahay nila. Naku, kung anak ko ’yan ay sampal ang aabutin n’yan sa akin!” sagot pa ng usisera ding kausap nito.

Napailing na lamang si Joella sa kaniyang mga narinig. Kung makahusga ang mga ito, akala mo’y kasama niya ito sa iisang bahay. Samantalang ang mga magulang niya naman, na siya niyang kasama araw-araw, ay hindi nagrereklamo sa kaniyang mga ginagawa, pagkatapos itong mga ito’y may lakas ng loob na sitahin siya.

Hindi na sana papansinin pa ni Joella ang mga ito, ngunit sa muli niyang pagdaan nang pabalik na siya sa kanila ay bigla siyang kinausap ng dalawang pakialamera, “Ineng, ilang taon ka na?” tanong sa kaniya ni Aling Sonia, ang isa sa dalawang Marites na nakaistambay ngayon sa kalsada, na may hawak pang walis tambo.

“23 po,” magalang namang sagot pa rin ni Joella bagama’t naiirita siya.

“Ay, 23 ka na pala? Naku, bakit wala ka pang trabaho?” kunwari’y ‘concern’ pang tanong ulit nito. “Kaedad mo ’yong panganay ko. Hayun at nagka-company na. Kahit production crew lang, at least kumikita na at nakakatulong na sa amin ng papa niya,” pasimpleng pagkukumpara pa nito sa kaniya at sa anak nito na lalo pang ikinataas ng kilay ni Joella.

“Ganoon ho ba? Edi maganda ho,” may pagkasarkastiko nang sagot niya. Hindi na kasi niya matiis ang pagiging sawsawera nito sa buhay niya.

“Alam mo, ’neng, kung ako sa ’yo ay titigilan ko na ang pagiging palamunin ko sa mga magulang ko. Tingnan mo ’yong anak ko, siya ang bumubuhay sa amin ngayon, samantalang ikaw, nakaasa pa rin sa nanay at tatay mo. Aba’y maawa ka sa kanila, sa totoo lang,” diretsahan pang tugon naman nito sa kaniya nang mainis din ito sa naging tugon niya. Doon na tuluyang uminit ang ulo ni Joella.

Advertisement

“Naku, hindi n’yo po ba alam? May trabaho ho ako. Work from home nga lang, dahil isa ho akong artist.” Totoo iyon. Kaya palaging kaharap ni Joella ang kaniyang gadgets ay dahil naroon ang trabaho niya. Isa siya sa mga pinaka-in demand na digital artists ngayon na madalas kunin ng mga international clients niya na talaga namang malaki kung magbayad sa kaniya! Bukod doon ay nagsa-sideline din siya bilang isang manunulat at binabayaran din ng maraming kompaniya ang kaniyang mga isinusulat. Pagkatapos ay mayroon pa siyang negosyo—isang coffee shop—sa isang magandang village kung saan itinatayo na rin ang bahay na siya niyang pinag-ipunan nang maigi.

“Isa pa ho, hindi naman ho ako inaarya ng mga magulang ko na buhayin sila, hindi ho tulad ng ginagawa n’yo sa anak n’yo. Kayo po ang maawa sa anak n’yo. Sa totoo lang din po, hindi naman investment plan ang mga anak na kaya natin bubuhayin ngayon ay upang pakinabangan n’yo rin sila sa darating na panahon. Imbes ho sana na inuubos ninyo ang oras n’yo sa pag-alam ng tungkol sa buhay ko at ng ibang kapitbahay natin, ipinagluto n’yo na lang ho sana ang anak n’yo para naman makabawi kayo sa hirap niya,” matalas at matalinong sabi pa ni Joella na nakapagpatahimik naman sa usiserang si Aling Sonia na halata ang pagkapahiya sa hitsura.

Iyon ang unang beses na nagsalita si Joella tungkol sa mga sinasabi ng mga ito sa kaniya ngunit iyon na rin ang huli. Tama na ang isang beses niyang pagbibigay ng atensyon dito upang madala ang mga ito sa katsi-tsismis sa kaniya.

Hindi pa rin sana hihinto ang tsismisan ng mga kapitbahay nila tungkol sa pagiging ‘tamad’ daw niya, ngunit nang malaman ng mga ito na totoo ngang may ipinatatayo na siyang bahay sa isang village na malapit din sa kanilang barangay ay natameme rin ang mga ito. Napahiya sila at wala nang mukhang maiharap sa kaniya. Bukod doon ay napulaan pa sila ng mga kapitbahay at tinawag na ‘inggitera’ dahil sa nangyari. Hindi na tuloy makalabas ang mga tsismosang ito sa bahay nila magmula noon.