Nagtataka Siya Kung Bakit Tila Masaya ang Panganay Niyang Kapatid sa Pagkawala ng Kanilang Ama; Nawindang Silang Lahat sa Tinatago Nitong Dahilan

Araw ng Sabado noon nang makatanggap ang pamilya Dela Cruz ng isang masamang balita.

“Totoo ba ‘yan, Ate Aida? Huwag ka namang magbiro nang gan’yan! Naghahanda pa lang kaming lahat dito! Hindi pa naluluto ang pansit ni tatay at hindi pa dumarating ang in-order naming cake!” hagulgol ni Barbie habang pilit na kinukumbinsi ang sarili na hindi totoo ang balitang kanilang natanggap mula sa panganay na kapatid.

“Pwede pa rin naman kayong magpunta rito, eh, baka nga maabutan niyo pa ang tatay bago siya dalhin sa morgue dahil mayayang hapon pa raw makukuha ang labi niya,” malumanay pang sabi nito habang naninigarilyo at siya’y kausap sa selpon.

“Ate, sabihin mo na kung binibiro mo lang kami! Nagsisimula nang mag-iyakan ang mga anak namin! Alam mo namang mahal na mahal nila ang lolo nila!” tugon niya sa kapatid saka pinakitang nag-iiyakan na ang kaniyang anak at mga anak ng iba nilang kapatid.

“Wala na nga si tatay, Barbie!” sigaw nito sa kaniya.

“Bakit parang hindi ka nalulungkot? Bakit parang ayos lang sa’yo?” paghihinala niya.

“Aba, syempre, matagal ko nang gustong mamahinga ang tatay! Nadudurog ang puso ko kapag nakikita ko siyang naghihirap! O, sige na, maglilinis lang ako rito para pagdating niyo, maayos ang bahay namin,” paliwanag pa nito saka agad na binaba ang tawag dahilan upang ganoon na lang sila mag-iyakang magkakapatid. 

“Naghanda pa naman kami, tatay, para sa kaarawan mo, ngayon ka rin pala mawawala. Hindi ka man lang nakapagpaalam sa’min,” iyak ng bunso nilang kapatid.

Advertisement

Habang nag-iiyakan ang iba nilang kapatid pati na ang kani-kanilang mga anak, hindi niya mapigilang hindi magtaka sa pinapakitang emosyon ng panganay nilang kapatid.

“Bakit kaya parang ayos na ayos lang kay ate na mawala ang tatay? Hindi ba’t dapat siya ang mas nalulungkot ngayon dahil simula noon, kadikit niya na ang tatay? Hindi ba’t hindi nga siya nag-asawa para maalagaan at matutukan si tatay?” pagtataka niya.

“Oo nga, eh, ‘di ba kahit wala pang sakit ang tatay noon, palagi na silang magkasama? Nagpupunta pa nga sila kung saan-saan nang silang dalawa lang, eh,” sabi pa ng isa nilang kapatid habang nagpupunas ng luha.

“Hindi kaya may ginawang masama si ate kay tatay?” tanong niya sa dalawang kapatid.

“Huwag mo namang isipin ‘yan, ate!” sigaw sa kaniya ng bunso.

“Malakas ang kutob ko! Halika na, puntahan na natin sila sa bahay para malaman natin ang katotohanan!” natataranta niyang utos sa dalawa saka na sila ang na nagtungo sa bahay na tinitirhan ng kanilang ama at nakakatandang kapatid.

Pagdating nila roon, nakangiti pa silang sinalubong ng kanilang panganay. Agad ding pumukaw ng atensyon nila ang labi ng kanilang ama na ngayon ay nakatalakbong na ng puting tela.

“Ate, didiretsahin na kita, ha? Anong ginawa mo kay tatay? May ginawa ka bang masama sa kaniya? Alam naming malubha ang sakit niya pero bakit biglaan naman ang pagkawala niya?” sigaw niya sa kapatid.

Advertisement

“Wala akong masamang ginawa, Barbie, sadyang hindi na niya nakayanan ang sakit niya. Kung tutuusin nga, siya ang may ginawang masama sa akin,” malumanay na sabi nito habang isa-isa silang niyayakap.

“Anong pinagsasasabi mo? Napakabait sa’yo ng tatay! Ikaw nga ang paborito niya, eh!” giit niya pa.

“Paboritong gamitin,” tipid nitong sabi saka agad na naghanda ng tubig para sa kanila. “A-anong ibig mong sabihin?” nawiwindang niyang tanong.

“Nagtataka kayo kung bakit hindi ako naiyak sa pagkawala niya, ‘no? Naiiyak ko na kasi lahat simula pa lang noong labing limang taong gulang ako. Sinasama niya ako kung saan-saan para gamitin lang ang katawan ko,” kwento nito na ikinapanghina nilang lahat.

“Bakit ngayon mo lang ‘yan sinasabi sa amin, ate?” mangiyakngiyak na tanong ng kanilang bunso.

“Sabi kasi ng tatay, kapag may pinagsabihan ako, gagawin niya rin sa inyong lahat ang ginagawa niya sa akin. Syempre, bilang isang babae at nakatatanda niyong kapatid, ayokong maranasan niyo rin ang buhay na dinaranas ko kaya wala akong pinagsabihan,” hikbi nito na talagang nagbigay sa kaniya nang matinding pangongonsenya.

“Ate…” tangi niyang sabi saka ito mariing na niyakap.

“Kaya sobrang luwag sa pakiramdam ko na wala na ang mabait na tatay na akala niyo. Kasi sa wakas, nakalaya na ako sa delubyo ng buhay ko,” kwento pa nito, “Pero huwag kayong mag-alala, humingi na ng tawad ang tatay sa akin bago siya mawala kanina at pinatawad ko na rin siya,” dagdag nito saka pilit na nagpakita ng ngiti sa labi.

Advertisement

“Pasensya na, ate, pinagbintangan pa kita,” iyak niya at imbis na makatanggap ng sagot, niyakap lang silang lahat nito saka sinabing, “Mahal ko kayong lahat at wala akong pinagsisihan sa desisyon kong protektahan kayo,” na talagang lalo nilang ikinaiyak lahat.

Matagumpay nilang nairaos ang burol at libing ng ama sa loob lang isang linggo.

Kung dati’y puno siya ng paghihinala sa kapatid na panganay, ngayo’y paghanga, awa, at labis na pagmamahal ang nararamdaman niya para rito ngayon.

Nagtulong-tulong din silang tatlong magkakapatid upang mabigyan ng masayang buhay simula noon ang kanilang nakakatandang kapatid. Sa ganoong paraan, parehas mang nasa langit na ang kanilang mga magulang, dekalibreng saya pa rin ang nananalatay sa kani-kanilang mga puso.