Inday TrendingInday Trending
Nag-ambagan ang Kaniyang mga Katrabaho Upang Mapagdiwang ang Kaarawan Niya, Malaking Aral ang Maibibigay Nito sa Kaniya

Nag-ambagan ang Kaniyang mga Katrabaho Upang Mapagdiwang ang Kaarawan Niya, Malaking Aral ang Maibibigay Nito sa Kaniya

Matagal nang gusto ng dalagang si Kameron na magdiwang ng kaniyang kaarawan kasama ang kaniyang mga katrabaho. Kaya lang, ito ay laging nauudlot dahil sa tuwing sasapit ang espesyal na araw na ito, palagi siyang walang naitatabing pera.

Katulad na lamang noong isang taon, kahit planado na niya ang lahat, hindi pa rin ito natuloy dahil bigla namang sinugod sa ospital ang kaniyang ina at siya ang gumastos sa pagpapagamot nito. Binalak niya rin na magluto na lamang ng pansit at magkaroon silang magkakatrabaho ng simpleng selebrasyon ngunit bigla naman silang naputulan ng kuryente dahilan para rito niya ilaan ang natitira niyang pera.

Ngayong taon, isang buwan pa lang bago ang kaniyang kaarawan, sigurado na siyang wala rin siyang pera sa araw na iyon dahil bukod sa muli na namang sinusumpong ng sakit ang ina, manganganak pa ang kaniyang bunsong kapatid.

Ngunit sa kagustuhan niyang makapagdiwang ng araw na ito kasama ang kaniyang mga katrabaho, siya’y nakiusap sa mga ito kung pwede sila mag-ambagan upang mayroon siyang maihandang pagkaing kanilang pagsasaluhan.

“Ay, naku, Kameron, walang problema! Ako na ang sasagot sa mga alak! Magpapalunod tayo sa alak sa araw na iyon!” sabi ng kanilang manager na talagang ikinatalon niya sa tuwa.

“Ako na ring bahala sa mga pulutan!” segunda pa ng isa.

“O, syempre, ipagluluto kita ng paborito mong spaghetti!” wika pa ng kaibigan niya, nagsimula na ring magsigawan ng kani-kanilang mga ambag ang iba niya pang katrabaho na labis niyang ikinatuwa.

“Naku, totoo ba ‘yan? Diyos ko! Maraming salamat sa inyo!” mangiyakngiyak niyang tugon, “Teka, Kuya Kado, wala ka pang maisip na maiaambag? Lumpiang shanghai na lang sa’yo, ha?” sabi niya sa isang katrabahong tahimik lang na nakikinig sa kanilang lahat.

“Sige, susubukan ko!” nakangiting sagot na ikinapalakpak niya na lamang sa saya.

Simula nang araw na iyon, halos araw-araw niyang pinaalalahanan ang kaniyang mga katrabaho tungkol sa mga pagkaing kanilang dadalhin. Hindi nga siya binigo ng mga ito dahil pagsapit ng kaarawan niya, dumating ang mga ito sa kaniyang bahay bitbit-bitbit ang kani-kaniyang ambag na pagkain.

Ngunit nang tingnan niya ang listahang ginawa niya upang walang makaligtaan sa mga pinangakong handa ng kaniyang mga katrabaho, napag-alamanan niyang hindi nakatupad sa kanilang usapan ang katrabaho niyang si Kado.

“Kuya Kado, wala kang dalang ambag?” diretsahan niyang tanong sa katrabaho.

“Ah, eh, oo, Kameron. Bigla kasi akong nagipit. Marami akong binayaran noong isang linggo kaya…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at agad siyang nagtaas ng boses dito.

“Edi sana hindi ka na nagpunta rito! Hindi ka ba nahihiya na lahat sila ay may ambag na handa tapos ikaw, makikikain ka lang?” sigaw niya rito na ikinagulat ng lahat.

“Sa katunayan, ayaw niya talagang dumalo rito, Kameron, dahil nga wala siyang maiaambag na pagkain. Pinilit ko lang siya dahil akala ko, gusto mong kumpleto tayong magkakatrabaho rito sa selebrasyon ng kaarawan mo. Pero ngayon, napatunayan kong mali pala ang akala ko. Kung tutuusin, hindi naman talaga namin obligasyon na mag-ambagan sa kaarawan mo. Kaya, bakit kailangan mong paalisin ‘yong tao? May dahilan naman siya at mas importante ‘yon kaysa sa’yo. Saka matanong ko lang, ikaw ba, may ambag ka sa pagdiriwang na ‘to?” sabat ng kanilang manager na nagbigay ng pangongonsenya sa kaniya.

“Ma’am, pasensya na po, nadala lang ako ng emosyon,” nakatungo niyang sagot.

“Pasensya ka na rin, Kameron, hindi ko kayang makakita ng taong tinatapakan at pinapahiya,” tugon pa nito saka agad na inaya pauwi ang lalaking sinigawan niya.

Buong akala niya’y ang dalawang iyon lang ang aalis ngunit maya maya, nagsialisan na rin nang walang paalam ang iba pa niyang katrabaho na talagang bumiyak sa kaniyang puso.

“Gusto ko lang naman magkaroon ng perpektong selebrasyon sa kaarawan ko. May handa nga ako ngayon, wala naman ang mga taong noon ko pa gustong makasama sa araw na ito,” iyak niya habang pinagmamasdan ang sandamakmak niyang handa mula sa mga katrabaho.

“Pupwede mo naman kasing ipagdiwang ang kaarawan mo sa simpleng paraan, anak. Sa paghahangad mo ng bagay na hindi para sa’yo, pupwede kang masaktan at makasakit ng tao,” sabat ng kaniyang ina na talagang nagpaluha na sa kaniya.

Hindi man kasing saya ng inaakala niya ang selebrasyong iyon dahil wala ni isa sa kaniyang mga katrabaho ang natira, maligaya pa rin siyang mapagsaluhan ang mga pagkaing naroon kasama ang kaniyang buong pamilya.

Wala man siyang maiharap na mukha sa mga katrabaho dahil sa ugaling pinakita niya, nilakasan niya ang kaniyang loob at isa-isang humingi ng tawad sa mga ito lalo na sa katrabahong siguradong nasaktan niya.

“Ayos lang ‘yon, Kameron, ako dapat ang humingi ng tawad sa’yo dahil nasira ko ang kaarawan mo,” kamot-ulong sagot nito.

“Naku, hindi, Kuya Kado, gusto ko ngang magpasalamat sa’yo dahil malaking aral ang itinuro sa akin no’n!” tugon niya na nagbigay ng ngiti sa labi nito. Napansin niya ring nakangiti sa kaniya ang kanilang manager na talagang nagpaalis sa bigat na nasa dibdib niya.

Simula no’n, hindi na siya muling naghangad ng engrandeng selebrasyon ng kaniyang kaarawan. Wala na rin siyang inobligang mag-ambagan para sa araw na iyon. Bagkus, natuto siyang pahalagahan ang mga bagay na mayroon siya at mga taong nasa paligid niya na talagang nagbigay sa kaniya ng taos pusong saya.

Advertisement