Inday TrendingInday Trending
Sa Init ng Ulo’y Nabulyawan ng Dalaga ang Amang Tawag nang Tawag sa Selpon; Ikapanlulumo Niya ang mga Susunod na Tagpo

Sa Init ng Ulo’y Nabulyawan ng Dalaga ang Amang Tawag nang Tawag sa Selpon; Ikapanlulumo Niya ang mga Susunod na Tagpo

Ilang linggo nang inaaral ni Gail ang ginawang report dahil siya ang naatasang magpresenta ng susunod na proyekto sa mga investors. Malaking break ito para sa kaniya dahil ito na ang kaniyang pagkakataong ipakita ang kaniyang angking galing. Ilang taon na rin kasi siyang nasa kompanya ngunit ngayon lang siya nabigyan ng ganitong kalaking proyekto kaya naman sinisigurado niyang ibibigay niya ang lahat ng kaniyang makakaya.

“Nakasalalay dito ang promotion ko, Hilda, tulungan mo akong manalangin sa lahat ng santo at santa sa langit nang sa gayon ay maging maayos ang gagawin kong presentasyon,” saad ni Gail sa kaniyang matalik na kaibigan.

“Kayang-kaya mo ‘yan, Gail! Ikaw pa ba? Alam naman nating lahat na ikaw naman talaga ang magaling dito. Saka isa pa, panahon na para liwanag mo naman ang magningning! Baka sakaling p’wede ka nang magnobyo kapag na-promote ka na. Buong buhay mo kasi’y inalay mo na lang dito sa kompanya,” wika naman ni Hilda.

“Wala na sa isip ko ‘yang pagnonobyo. Alam mo namang napakarami kong responsibilidad. Kaya nga kahit trenta’y singko pa lang ako’y mukha na akong singkwenta dahil sa stress,” napapailing na wika pa ni Gail.

“Siya nga pala, bes, tinawagan mo na ba ang tatay mo? Tumawag nga pala siya sa akin kaninang umaga at kinukumusta ka. Tiyak akong namimiss ka na no’n,” wika muli ng kaibigan.

“Hayaan mo na siya! Saka ko na lang siya tatawagan kapag natapos na ako rito sa report ko. Alam ko naman kung ano ang sasabihin no’n. Manghihingi lang ‘yun sa akin ng pera at magdadahilan na naman ng kung anu-ano! Iniiwasan ko muna talaga siya nang sa gayon ay matuon ko ang isip ko sa trabaho,” saad pa ng dalaga.

Habang nag-uusap ang magkaibigan ay pinatawag na si Gail ng kanilang boss. Bigla na lang lumakas ang kabog ng dibdib ng dalaga at nangangatog ang kaniyang mga kamay.

“Gail, kaya mo! Kaya mo to, Gail!” sambit niya sa sarili.

Wala naman talagang dapat ipag-alala itong si Gail dahil matagal naman na niyang pinaghandaan ang naturang presentasyon.

Sa kaniyang pagkukumahog ay hindi niya maiwasang matabig ang ilang bagay. Dagdag pa riyan ang mapanuring mata ng mga investors na nakatitig sa kaniya.

Sinimulan na ni Gail ang pagrereport. Sa umpisa ay maayos naman ang lahat. Nagagamay na sana ng dalaga ang pagsasalita sa harap ng mga boss nang biglang magring ang kaniyang telepono.

“Sa lahat ng oras ay bakit ngayon ko pa nakalimutang i-silent ang telepono ko?” naisip ni Gail.

Ipinagwalang bahala lang ni Gail ang tumutunog na selpon at nagpatuloy sa kaniyang presentasyon. Ngunit hindi pa rin natapos ang pagtunog ng kaniyang telepono.

“P’wede bang sagutin mo na muna kung sino ang tumatawag? Nakakaabala, e!” saad ng isang investor.

“Sa susunod kapag alam mong may meeting na importante ay matuto kang i-silent mode ang telepono mo,” saad pa ng isang boss.

Hiyang-hiya si Gail sa nangyari. Nang makita niya kung sino ang tumatawag ay lalo siyang nainis. Walang iba kung hindi ang ama niyang si Danilo.

Tuluyan nang in-off ni Gail ang kaniyang selpon at nagpatuloy sa kaniyang pagpre-presenta. Mabuti na lang at natapos ang meeting nang maayos, ngunit hindi pa rin maiiwasan na nakagawa na siya ng impresyon sa mga investors.

“Wala na talaga akong pag-asang mapromote, bes, nakita mo ba ang tingin sa aking ng mga boss? Nakakahiya talaga. Hindi ko man lang na-silent ang telepono ko! Nakakainis naman si tatay! Lagi siyang wala sa hulog!” nangagalaiting saad pa ng dalaga.

Maya-maya ay tumunog na naman ang selpon ni Gail. Tumatawag na naman ang kaniyang ama. Sa pagkakataong ito ay sinagot na niya ito.

“Anak, mabuti naman at sinagot mo na. Sana’y hindi ako nakakaabala. Nami-miss na talaga kasi kita,” bungad ni Danilo.

“‘Tay, hindi ka ba marunong makiramdam? Hindi ko na nga sinasagot ang tawag mo at ang kulit kulit mo pa rin! Malamang abala ako dahil may pasok ako sa trabaho. Sinabi ko na nang ilang ulit na ako ang tatawag sa inyo at huwag ka nang tumawag sa akin. Alam ko namang manghihingi ka lang ng pera, e! Hintayin mo na lang dahil nagpapadala naman ako lagi! Inaabala mo ako pati na rin ang trabaho ko! Huwag ka na ring tumawag kay Hilda dahil naaabala rin siya!” bulyaw naman ni Gail.

Natahimik nang sandali si Danilo. Hindi niya kasi akalain na ganito ang ibubungad sa kaniya ng anak.

“P-pasensya ka na, Gail, marami lang kasi akong gustong ikwento sa iyo. Saka isa pa, siyempre, anak kita at nangungulila ako sa’yo. Siguro nga’y nami-miss ko lang ‘yung panahong narito ka pa sa bahay. P-pasensya na ulit, anak. Sige at hihintayin ko na lang ang tawag mo. Pasensya na,” walang humpay sa paghingi ng tawad ang ama.

Hindi naman sinasadya ni Gail na masaktan ang loob ng ama, ngunit sadyang naririndi na rin kasi siya sa paulit-ulit na tawag nito. Wala naman itong mahalagang sasasabihin kung hindi nagkukwento lang ng kaniyang ginawa buong araw. Paulit-ulit din ang kwento nito tungkol sa isang tagpo noong bata pa si Gail. Sa dami ng ginagawa ng dalaga sa opisina ay hindi na talaga niya kaya pang pag-aksayahan ng oras ang ama.

Ilang araw ang nakalipas at natatapos na ni Gail nang matiwasay ang kaniyang mga trabaho dahil hindi na siya kinukulit ng ama. Minsan ay sumasagi sa kaniyang isip ang sinabi niya sa kaniyang ama sa telepono at inuusig siya ng kaniyang konsensya pero naiisip din niyang tama lang iyon dahil siya na nga itong nagpapakapagod sa trabaho, may karapatan siyang h’wag sagutin ang tawag ng ama.

Hanggang sa sumunod na linggo ay wala pa ring tawag mula sa kaniyang ama sa probinsya. Umabot ng isang buwan at wala pa rin siyang balita. Kaya naman nagdesisyon si Gail na tawagan na ang ama dahil baka nagtatampo pa rin ito sa kaniya. Nais na sana niyang humingi ng tawad at ibalita na sa wakas ay nakuha na niya ang pinakahihintay na promosyon.

Sa unang tawag niya ay walang sumasagot. Hanggang sa sinagot ito ng kaniyang pinsang si Jerry.

“Kuya Jerry, nasaan si tatay? P’wede ko ba siyang makausap? Pakisabi naman sa kaniya na huwag nang magtampo at patawarin na ako. Mainit lang ang ulo ko no’n,” pahayag ni Gaill.

May isang minuto ring hindi nakapagsalita si Jerry.

“Kuya Jerry, nandyan ka pa ba? Pakibigay mo naman ang telepono kay tatay,” muling sambit ng dalaga.

“Gail, isang linggo nang wala ang tatay mo. Noong isang araw ay inilibing na namin siya. Pumanaw siya dahil sa kaniyang sakit sa puso,” hindi alam ni Jerry kung paano sasabihin ito sa kaniyang pinsan.

“Ha? Ang tatay ko? Nagbibiro ka ba, Kuya Jerry? Kasi hindi magandang biro ito! Alam kong nasagot ko si tatay pero hindi n’yo naman ako kailangang takutin nang ganito. Ibigay mo nga kay tatay ang telepono at kakausapin ko!” pagtataas ng boses ni Gail.

“Gail, wala na talaga ang tatay mo. Ang bilin niya sa amin ay huwag na huwag kang tatawagan dahil ayaw niyang malaman mo na wala na siya. Ayaw raw niyang maistorbo ka. Hintayin na lang daw namin ang tawag mo at ipaalam kung may masama mang mangyari sa kaniya. Iyan ang kaniyang bilin,” paliwanag ni Jerry.

Nang mga oras ding iyon ay hindi makapaniwala si Gail kaya bumiyahe siya pauwi ng probinsya. Pagdating niya sa bahay ay wala na nga ang kaniyang ama. Dinala siya ng pinsan niya sa sementeryo kung saan nakalibing si Mang Danilo.

“Hindi ko man lang nalaman na may malubhang sakit ang tatay ko. Ni wala man lang ako sa tabi niya nang mawala siya! Kahit sa libing niya ay hindi man lang ako nakapunta!” lubos na nagsisisi ang dalaga.

“Gail, narito ang ticket ni Tiyo Danilo papuntang Maynila. Nais ka sana niyang surpresahin. Hindi kasi niya alam kung paano sasabihin sa iyo ang tungkol sa sakit niya. Hindi na rin siya uminom pa ng gamot dahil ang sabi ng mga doktor ay wala nang lunas ang kaniyang sakit. Lahat ng pera na ipinadala mo’y iniipon lang niya. Nagbilin nga siyang ibalik ko ito sa iyo sakaling mawala siya. Ilang beses na niyang tinangkang sabihin sa iyo ang tungkol sa sakit niya pero ang sabi niya, nais ka na lang daw niyang makasama sa huling sandali. Nami-miss na raw kasi niya ‘yung mga panahong bata ka pa at ayaw humiwalay sa kaniya,” kwento pa ni Jerry.

Sa labis na pighati ay napayakap na lang si Gail sa puntod ng ama. Hindi niya alam kung paano pa ipaparating dito ang kaniyang pagsisisi sa lahat ng pagbabalewala niya rito.

“Patawad, ‘tay! Patawarin n’yo ako! Patawad!” pagsusumamo ng dalaga.

Napakasaklap lang na isiping ngayong may panahon na siya sa ama ay wala naman na ito para sana’y kaniyang makasama.

Advertisement