Inday TrendingInday Trending
Laging Talunan ang Boksingerong Habol Lang ay Pagkain para sa Anak; Isang Pangyayari ang Magpapabago sa Takbo ng Kaniyang Karera

Laging Talunan ang Boksingerong Habol Lang ay Pagkain para sa Anak; Isang Pangyayari ang Magpapabago sa Takbo ng Kaniyang Karera

Hindi na naman alam ni Pedo kung paano niya itatago sa anak ang mga pasa niya sa mukha. Habang naglalakad siya pauwi ng kanilang bahay ay nasa isip pa rin niya kung paano na naman sila mabubuhay bukas ni Junjun.

Lumuwas ng Maynila upang makipagsapalaran. Nakilala ni Pedo ang dalagang si Nena na kalaunan ay naging ina ng kaniyang nag-iisang anak, ngunit hindi rin pala magtatagal na buo ang kanilang pamilya dahil sumama sa iba ang babae.

Dahil dito ay naiwan sa pangangalaga niya ang anak. Sa kanilang barung-barong na pinagtagpi-tagping yero pinalaki mag-isa ni Pedo si Junjun.

Malayo pa lang ay tanaw na ng walong taong gulang na anak ang kaniyang ama. Masaya niya itong sinalubong ngunit nawala ang ngiti sa kaniyang mukha nang makita ang mga pasa sa mukha ng kaniyang tatay.

“Nag-boksing na naman po ba kayo, ‘tay? Hindi po ba’t sabi n’yo nang hindi na po kayo magbo-boksing?” pag-aalala ng anak.

“E, napalaban ang tatay, anak. Hindi ko naman mahindian kasi tinatawag talaga ng mga taga-suporta ko ang pangalan ko! Huwag kang mag-alala, ang mga pasang ito ay walang wala kumpara sa ginawa ko sa kalaban ko! Hindi naman ito masyadong masakit dahil nadaplisan lang ako. Pero alam mo, marami ang nagsasabi na magiging magaling daw akong propesyonal na boksingero tulad ng idolo nating si Manuel Cervantes,” kwento ng ama.

Ngunit ang totoo, sa lahat ng kaniyang laban ay wala pang pinanalo itong si Pedo.

“Talaga po, ‘tay? Sana pala ay napanood ko ang laban n’yo. Paglaki ko po ay gusto ko ring maging isang magaling na boksingero tulad ninyo!” wika naman ni Junjun.

“Naku, huwag na, anak. Sayang naman ang kagwapuhan mo. Mag-artista ka na lang at ako na lang ang magboboksingero dahil wala nang masisira sa mukha ko!” pagpapatawa pa ng ginoo.

Masayang naglakad ang mag-ama patungo sa kanilang bahay. Hindi na makapaghintay si Junjun dahil galing sa boksing ang kaniyang ama. Tiyak siyang may masarap itong uwing pagkain.

“Ito ang pritong manok, anak. Tag-isa tayo! Sige na at kumain na tayo,” wika ni Pedo.

Sabay na nagdasal ang mag-ama saka kumain. Pinagmamasdan lang ni Pedo ang kaniyang anak habang mabilis na nilalantakan ang pritong manok.

“Ang sarap po talaga nito, tatay! Paborito ko po talaga ito! Sana pritong manok ang ulam natin araw-araw!” wika ng bata.

“Naku, baka naman magsawa ka rin pag nagkataon!” sagot naman ng ama.

Susubo na rin sana ng pagkain itong si Pedo nang mapansin niyang nakatingin sa kaniya ang anak na tapos nang kumain.

“Nagugutom ka pa ba, anak? Heto at kunin mo na itong kanin at ulam ko,” saad ni Pedo.

“Opo, ‘tay, pero sa inyo na po ‘yan. Alam kong gutom rin kayo,” tugon ni Junjun.

“Alam mo, anak, kanina ang daming pagkain sa gym. Kain ako nang kain! Spaghetti, ice cream, cake, menudo, mechado at kung anu-ano pa. Kaya busog na busog na ako. Sasabayan lang sana kitang kumain talaga. Kaya, heto, kunin mo na itong pagkain ko nang hindi ka matulog nang gutom,” wika muli ng ama.

Malugod na kinuha ni Junjun ang inalok na pagkain ni Pedo. Ngunit ang buong katotohanan ay wala pang laman ang kaniyang sikmura simula kanina. Tanging ang sabaw lang ng tinola na natira pa ng isang boksingero ang palihim niyang hinigop.

Nang gabing iyon ay maagang nagpahinga ang mag-ama. Hindi naman makatulog itong si Pedo dahil patuloy ang pag-iisip niya kung paano maiaahon ang anak sa kahirapan.

Kinabukasan ay maagang umalis si Pedo upang maghanap ng trabaho. Sino ba naman ang tatanggap sa kaniya gayong may pasa ang kaniyang mukha? Akala tuloy ng marami ay nakikipagbasag ulo siya.

Hanggang sa nauwi na naman siya sa gym. Doon ay may humamon sa kaniya upang makipaglaban muli.

“Bubugb*gin ko lang ‘yang si Pedo. Kahit kailan ay wala pa namang pinanalo ‘yan. Lalampasuhin ko lang ‘yan sa ring!” saad ng naghahamon.

Batid ni Pedo na totoo nga ang sinasabi ng ginoo. Aatras na sana siya nang makita niyang naroon ang pinakamagaling na coach sa buong bansa. Kilala rin ito sa pagbibigay ng ensayo sa batikang boksingerong si Manuel Cervantes.

Dahil dito ay tinanggap ni Pedo ang hamon.

“Palagi naman akong nag-eensayo. Kung hindi man ako manalo ay may iuuwi pa rin naman akong pera at pagkain. Ayos na ‘yun sa akin at hindi magugutom ang anak ko hanggang bukas. Bukas ko na lang iisipin ang pagkain namin sa mga susunod na araw,” saad ni Pedo sa sarili.

Ngunit napagtanto niyang kailangan rin niyang galingan upang magpakitang gilas sa sikat na coach na si Lito Pineda.

“Turuan lang niya ako ng kahit isang araw ay tiyak akong makakakuha ako ng sapat na ideya para mapagbuti ko pa ang pagiging boksingero ko. Kapag nagkataon ay maipapanalo ko na ang laban at lalaki na rin ang iuuwi kong premyo. Kailangan kong galingan para kay Junjun.

Ngunit ano nga ba ang ibubuga ni Pedo gayong wala pa ring laman ang kaniyang sikmura? Gutom na gutom na siya pero kailangan pa rin niyang lumaban.

Maya-maya ay nagpadala ng tinolang manok at kanin ang pamunuan para sa pagkain ng mga manlalaro. Ngunit hindi man lang ginalaw ni Pedo ang pagkain at isinilid sa kaniyang bag. Naisip kasi niya ang anak.

Ilang oras pa ang nakalipas at nagsimula na ang mabilisang laban. Sa tatlong rounds ay kailangang magpakitang gilas ng parehong boksingero.

Mananalo na sana si Pedo ngunit walang bigat ang kaniyang mga huling suntok dahil sa gutom. Kaya naman nanalo pa rin ang kalaban.

Labis na nanghihinayang ang ginoo. Bukod sa uuwi na naman siyang talunan ay hindi niya makakausap ang batikang coach. Pero ayos lang dahil kahit paano’y may mauuwi siyang pera at pagkain para sa anak.

Pauwi na sana si Pedo nang marinig niyang nagwika ang isang lalaki.

“Alam mo, asintado ka sana at mabilis ang iyong suntok ngunit kulang sa pwersa,” saad ng lalaki.

Nakayuko si Pedo nang siya ay sumagot.

“Kulang lang siguro sa ensayo. Sa susunod ay gagalingan ko pa,” aniya.

“Siguro nga, kulang sa ensayo pero ang nakikita ko, kulang ka sa protina at enerhiya. Kumakain ka ba?” tanong muli ng ginoo.

Pakiramdam ni Pedo ay iniinis siya ng lalaki. Sasagot na sana siya nang pabalang nang makita niya ang batikang coach na si Lito Pineda. Gulat na gulat siyang kaharap niya ngayon ang iniidolo.

“Sagutin mo ako, kumakain ka ba nang tama? Kanina pa kasi kita pinagmamasdan. Lahat ng pagkain at inuming ibinibigay sa mga manlalaro ay isinisilid mo lang sa bag. Pagpasok mo pa lang ng gym na ito’y halatang wala ka nang sapat na tulog at kain. Balak mo bang pabagsakin ang katawan mo? Hindi ganyan ang disiplina ng isang tunay na boksingero,” wika pa ng coach.

Hindi na naiwasan ni Pedo na mangilid ang luha sa pagsasabi ng katotohanan.

“Alam ko naman pong wala akong binatbat sa mga makakalaban ko. Pero kailangan ko pong lumaban para may pantawid gutom ako sa anak ko. Totoong gusto kong maging isang magaling na boksingero. Pero kailangan ko rin pong unahin ang kumakalam na sikmura ng anak ko,” saad pa nito.

“Wala talagang madali lalo na sa mga boksingero. Kailangan mong pagdaanan ang lahat ng hirap. Tulad ng sinasabi nila, iiyak ka talaga ng dugo upang maabot ang rurok ng tagumpay. Handa akong dalhin ka roon kung ipapangako mo sa aking ibibigay mo ang lahat at paghuhusayan mo ang bawat training nang sa gayon ay maging isa kang mahusay at disiplinadong boksingero,” wika naman ni Lito.

Hindi makapaniwala itong si Pedo sa kaniyang narinig. Sa dinami-dami ng mga boksingerong naghahangad ng atensyon ng batikang coach ay siya pa ang napansin nito.

“N-ngunit bakit po ako? Wala pa po akong laban na ipinanalo kahit isa,” kitang-kita na ang luha sa mga mata ng ginoo.

“Pero sa mata ng anak mo’y alam kong tinitingala ka niya. Alam kong ikaw ang itinuturing niyang bayani kaya huwag mo siyang biguin. Huwag mong sayangin ang pagkakataong ito, Pedo. Alam kong sa determinasyon mo’y maaabot mo rin ang tagumpay na naabot ng alaga kong si Manuel Cervantes,” sambit ng coach.

Dito na tumulo ang mga luha ni Pedo. Handa siyang gawin ang lahat sa upang maging isang magaling na boksingero. Labis ang pasasalamat niya sa magaling na coach.

Masayang ibinalita ni Pedo ang lahat sa kaniyang anak. Sa puntong iyon ay sabay na nangarap ang mag-ama. Dahil maaaring isang araw ay matupad na ang pangarap nilang makakain ng masarap araw-araw.

Sa kabilang banda ay hindi na sinayang pa ni Pedo ang pagkakataon. Nagsimula agad siya sa training sa ilalim ni Coach Lito. Hindi madali ang kaniyang pinagdaanan ngunit desido siyang pagsikapan ang lahat.

Lumipas ang mga taon at tunay ngang kinilala si Pedo sa kaniyang angking galing. Naungusan pa nga niya ang idolong si Manuel Cervantes. Gumawa ng ingay ang kaniyang pangalan hindi lang dito sa Pilipinas kung hindi sa buong panig ng mundo. Kinilala siya bilang isa sa pinakamahusay na boksingero ng kaniyang henerasyon.

Dahil dito’y tunay ngang malaki na ang pinagbago ng buhay nila ng kaniyang anak. Ngunit hindi niya pa rin makakalimutang lingunin ang kanilang pinagmulan.

“Ang lahat ng pagsusumikap kong ito, anak, ay alay ko sa iyo. Sa wakas natupad na rin ang matagal ko nang pangarap. Hindi ang maging isang kilalang boksingero kung hindi ang mabigyan ka ng magandang buhay at ipagmalaki mong ako ang tatay mo,” saad ni Pedo.

“Noon pa man ay ipinagmamalaki na kita, ‘tay, dahil hindi lahat ng tatay ay handang gawin ang lahat mabigyan lang ng magandang buhay ang kanilang anak,” saad naman ni Junjun.

Advertisement