Sinuong ng Mangingisda ang Bagyo para May Pang Matrikula ang Anak; Isang Hindi Inaasahang Tulong ang Darating
Inabutan na ng dilim si Mang Narsing sa dagat ngunit wala pa ring huli ang kaniyang lambat. Sa mga panahong ito’y dapat ay nakauwi na siya ngunit nagpasya siyang manatili muna nang saglit. Nagbabakasakali kasi siyang makabingwit man lang ng kahit isang malaking isda.
Hindi nawawalan ng pag-asa ang ginoo. Hindi rin kasi siya p’wedeng umuwing kulang ang dala dahil bukod sa bayad sa bangka ay kailangan pa niyang maghulog sa iba pang utang. Iniintindi pa niya ang papalapit nang bayaran sa matrikula sa kolehiyo ng dalagang anak na si Mela.
Ayaw na ayaw pa naman niyang pinag-iisip ang anak tungkol sa mga bayarin sa eskwela. Ang nais ni Mang Narsing ay ituon nito ang isip sa pag-aaral. Bago kasi yumao ang kaniyang asawa ay ipinangako niyang iibahin niya ang buhay ng kanilang anak. Pagtatapusin niya ito ng pag-aaral nang sa gayon ay hindi nito maranasan ang hirap na dinaanan nilang mag-asawa.
Hatinggabi na at alam na ni Mang Narsing na nag-aalala na ang kaniyang anak kaya umuwi na siya. Kaunti man ang huli’y kahit paano’y may maiuuwi pa rin siya. ‘Yun nga lang, kailangan niyang magtago muli sa kaniyang pinagkakautangan.
Pagdating sa bahay ay agad siyang sinalubong ng anak.
“‘Tay, bakit ngayon lang po kayo umuwi? Kanina pa po ako nag-aalala sa inyo. Hindi po ba’t nag-usap na tayo na hindi na kayo aabutin ng ganitong oras sa dagat?” bungad ni Mela na nakahinga na nang maluwag nang makita ang ama.
“Alam ko, anak, pero pasensya ka na. Matumal kasi ang huli ngayon kaya inabot ako ng ganitong oras,” sagot naman ni Mang Narsing.
“Dahil po ba ito sa pang matrikula ko, ‘tay? Sabi ko naman po sa inyo, kung nahihirapan na po kayong pag-aralin ako’y hihinto na muna ako nang sa gayon ay makatulong ako sa inyo. Magtatrabaho na lang po ako,” wika mula ng dalaga.
“Hinding hindi ka hihinto sa pag-aaral, anak. Gusto mo bang hindi matahimik ang nanay mo sa huling hantungan? Baka biglang bumangon ‘yun! Gagawin ko ang lahat para makapagtapos ka. Huwag ka nang mag-alala,” saad pa ng ama.
Nararamdaman ni Mela ang pagpupursige ng kaniyang ama. Kaya naman ginagalingan din niya sa pag-aaral. Ngunit batid din niyang hirap na ito. Nais sana niyang siya na lang ang magtrabaho para hindi na masyadong mapagod ang ama.
Halos apat na oras lang ang tulog ni Mang Narsing at muli siyang pumalaot. Umaasa na sa pagkakataong ito’y makahuli siya nang marami.
Nagpunta si Mang Narsing kina Mang Domeng, may-ari ng arkilahan ng mga bangka. Hindi niya maiwasang tumingin sa mga bangkang de motor. Lagi lang kasi siyang nagsasagwan kaya papunta pa lang sa laot ay pagod na pagod na siya. Ngunit mas mahal kasi ang arkila ng de motor kaysa sa regular na bangka lang.
“Narsing, kailan mo ibibigay ‘yung kulang mo? Aba’y ilang linggo nang kulang ang ibinabayad mo!” sambit ni Mang Domeng.
“Pasensya ka na muna, Domeng, medyo gipit lang talaga ako ngayon. Matumal ang huli, e,” sagot naman ng ginoo.
“Lagi namang ganyan ang sinasabi mo! Kapag sa susunod na linggo ay hindi ka pa nakabayad ng buo ay hindi na muna kita paaarkilahin ng bangka!” naiinis na wika ni Domeng.
Nahihiya na rin si Mang Narsing dahil sa kaniyang pagkakautang ngunit kinakapalan na lang niya ang mukha sa ngalan ng panggastos para sa kaniyang dalaga.
Habang inaayos ni Mang Narsing ang bangka ay sinigawan siya ng kapwa bangkerong si Kadyo.
“Narsing, papalaot ka na ba? Aba’y damihan mo na ang huli. Ang sabi sa balita’y sa makalawa raw ay may bagyo!” sigaw ng kumapare.
“Malakas daw ba ang bagyong tatama rito?” tanong naman ni Narsing.
“Maaari dahil pinaghahanda ang lahat!” tugon ni Kadyo.
Lalo nang nangamba si Mang Narsing. Imposible nang makaipon siya sa tamang panahon para sa pangmatrikula ng anak.
Agad na pumalaot ang ginoo upang makapagsimula nang manghuli ng isda. Kahit paano’y marami siyang huli sa araw na iyon ngunit hindi pa rin sasapat para sa lahat ng kaniyang pinagkakagastusan.
Kinabukasan ay naglakas loob si Mang Narsing na pumunta sa ilang kaanak upang manghingi ng tulong.
“Utang na naman, Narsing? Ang haba na ng listahan mo rito sa akin! Wala na akong ipapautang sa iyo!” saad ng kaniyang hipag.
“Wala lang pangmatrikula si Mela. Kailangan niyang makabayad para makakuha siya ng pagsusulit. Sayang naman kung mahihinto siya. Babayaran ko naman agad kapag nagkapera,” pakiusap ng ginoo.
“Iyan din ang sinabi mo sa akin noon! Naghulog ka lang sandali tapos ay kinalimutan mo na! Wala akong ipapautang sa iyo! Ang dapat kasi ay pahintuin mo na ‘yang si Mela kung hindi mo pala kayang pag-aralin! Pati kami ay dinadamay mo sa inyong problema!” bulyaw pa ng ginang.
Kahit sinong kamag-anak ay walang nais na magbigay ng tulong kay Mang Narsing, kaya naman kahit papalapit na ang bagyo ay pumalaot pa rin siya.
“Narsing, masyadong delikado. Baka mamaya ay abutan ka ng bagyo sa dagat!” wika ni Kadyo.
“Mag-iingat naman ako. Babalik ako kaagad dito sa pangpang bago pa magsimula ang bagyo,” tugon naman ng ginoo.
Walang nakapigil kay Mang Narsing na pumunta ng laot at manghuli ng isda. Simula pa lang ay maganda naman ang kaniyang huli, ngunit hindi niya inaasahan na mas maaga palang darating ang bagyo.
Dahil sa lakas ng ulan, hangin at alon ay agad na pinataob nito ang payak na bangka ng ginoo. Pilit na kumakapit si Mang Narsing sa kaniyang bangka upang hindi siya tuluyang lamunin ng mga alon.
Samantala, patuloy naman ang pag-aalala ni Mela sa kaniyang ama. Nang dumating ang malakas na bagyo ay agad siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad upang puntahan ang kaniyang ama sa dagat.
“Nagsabi na kaming hindi na p’wedeng pumalaot dahil malakas ang bagyo pero matigas pala ang ulo niyang ama mo! Hindi maaaring ipusta namin ang buhay namin para lang sa tatay mong hindi sumusunod sa awtoridad! Kailangang pang hintaying humupa ang bagyo bago namin siya mapuntahan,” saad ng lalaki.
“Pero baka sa panahong iyon ay hindi na makita ang tatay ko! Malaki ang tyansa na hindi na siya makaligtas! Parang awa n’yo na po! Tulungan ninyo ang tatay ko!” pagtangis ni Mela.
Ngunit imbes na tulungan siya ng mga ito’y pinagtawanan pa siya at pinagtabuyan.
“Hintayin mo na lang na lumutang ang bangk*y ng ama mo! Kung hindi siya kakainin ng mga pating sa dagat ay aanurin din naman yan sa pangpang!” saad ng isang lalaki.
Gusto sanang saktan at pagmumurahin ni Mela ang lalaki ngunit wala na siyang dapat pang sayanging panahon. Nararamdaman niyang hindi na maganda ang lagay ng kaniyang ama sa dagat.
Sa kabilang dako naman ay nakikipaglaban naman para sa kaniyang buhay si Mang Narsing. Hinang hina na siya ngunit palaging nasa isipan niya ang anak.
“Kailangan pa ako ni Mela,” saad nito sa kaniyang sarili.
Ngunit ilang oras na ang lumipas at hirap na hirap na rin si Mang Narsing. Ramdam niyang malapit na ang kaniyang katapusan kaya naman wala na siyang nagawa pa kung hindi manalangin. Hindi para sa kaniyang sarili kung hindi para pa rin sa kaniyang anak.
“Diyos ko, ibibigay ko na po sa Inyo ang aking buhay. Ipangako Mo lang sa akin na hindi Mo kailanman pababayaan ang anak ko. Gabayan Mo siya nang sa gayon ay maging maganda ang kaniyang kinabukasan. Yakapin Mo siya nang sa aking paglisan ay hindi niya maramdaman ang sakit,” sambit ni Narsing.
Susuko na sana si Mang Narsing nang makakita siya ng ilaw. Isang malaking bangka ang paparating. Nang makita siya ng mga sakay nito’y agad siyang iniligtas. Ngunit sadyang hirap na siya kaya tuluyan na siyang nawalan ng malay.
Pagdilat ng ginoo ay laking pasasalamat niya dahil buhay pa siya. Agad niyang nakita si Domeng na siyang sumagip sa kaniyang buhay.
“M-maraming salamat, Domeng! H-hindi ko akalain na ililigtas mo ang buhay ko!” naiiyak na sambit ni Narsing.
“Magpasalamat ka dito sa anak mo. Siya ang pumilit sa akin para sagipin ka. Hindi siya aalis hangga’t hindi ka nahahanap. Nakipagkasundo siya sa akin na hindi na siya mag-aaral pa at magtatrabaho na lang para sa akin bilang kabayaran sa paghahanap sa iyo,” pahayag ni Mang Domeng.
Hindi maunawaan ni Narsing ang nararamdaman. Hindi niya makuhang maging masaya dahil kapalit naman nito ang pangarap ng kaniyang anak.
“Ngunit hindi ko hahayaan na mahinto ka ng pag-aaral, Mela. Pinahanga ninyo ako ng iyong ama. Gagawin lahat ni Narsing para lang mabigyan ka ng magandang buhay at ikaw naman ay handa kang isuko ang pangarap mo kapalit ng buhay ng iyong ama. Tutulungan ko kayong dalawa. Narsing, kalimutan mo na ang utang mo sa akin. Bibigyan pa kita ng isang bangkang de motor nang sa gayon ay makapangisda ka nang maayos. Ikaw naman, Mela, may mga kakilala akong tao na p’wedeng tumulong sa pag-aaral mo. Ilalapit kita sa kanila nang sa gayon ay hindi na alalahanin ng tatay mo ang pagpapaaral sa iyo. Sana’y makatulong ako sa inyong mag-ama,” wika ni Mang Domeng.
Parehong tumulo ang mga luha nina Mang Narsing at Mela sa labis na kagalakan. Hindi nila akalain na ang unos na dumating ay magiging dahilan pa upang maging maayos ang kanilang pamumuhay.
Mula noon ay hindi na nga inalala ni Mang Narsing ang pag-aaral ni Mela. Mas naging ayos na rin ang kaniyang pangingisda dahil sa kaniyang bagong bangka.
Naging inspirasyon ng marami ang pagmamahalan ng mag-ama. Lalo pa nang tuluyan nang makapagtapos ng pag-aaral si Mela at naiahon na niya ang ama sa kahirapan.