Inday TrendingInday Trending
Ikakasal Na Si Ate

Ikakasal Na Si Ate

Lahat ay abala dahil sa nalalapit na kasal ng ate ni Rose na si Lily. Ilang araw nalang at nakatakda nang maganap ang pinakahihintay ng lahat na kasalan ng taon.

Napakarami kasing pagsubok ang hinarap at nilagpasan ng kanyang kapatid at ng nobyo nitong si George bago umabot sa puntong iyon ng kanilang buhay. Sa dami ng hirap at luhang tumulo sa kanilang mga mata, sa wakas ay makakamit na din ng dalawang pusong labis na nagmamahalan ang kaligayahang nararapat lamang sa kanila.

Lahat ay nag-aabang at nasasabik sa nakatakdang pag-iisang dibdib ng kanyang ate Lily at ng Kuya George. Mga kapamilya at mga kaibigan, lahat ay nagagalak para sa dalawa.

“Nako! Sa wakas naman ay magiging masaya na din ang dalawang batang iyan, ano?” masayang pahayag ng Tita Amanda nila habang nakatingin sa kanyang ate na abalang sinusukat ang gown na gagamitin nito kasama ang kanyang mga kaibigan.

“Oo nga, sa dami ng hirap at sakit ba namang pinagdaanan ng dalawang iyan, aba nararapat lang talaga silang maging masaya sa isa’t isa,” masayang komento din ng isa pa nilang Tita.

Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng kanilang mga kapamilya ang pinagdaanan ng dalawa bago sila naitakdang maikasal. Sa katunayan, lahat nga ay natutuwa at masaya para sa kanyang ate at sa nobyo nitong si George.

Napakadami kasing naging sakripisyo ng dalawa para sa kanilang pamilya. Nagawa pa nilang minsang isuko ang kanilang pag-iibigan para lamang sa ikabubuti ng kanilang pamilya.

Pangalawang anak si Lily sa limang apat na magkakapatid. Hindi man siya ang panganay, siya ang tumatayong bread winner ng kanilang pamilya simula ng pumanaw ang kanilang ama. Mahina din ang katawan ng kanyang ina, samantalang nagtanan naman ang kanyang kuya at nobya nito kaya naman ang ate niya na ang umako ng lahat ng responsibilidad ng kuya nila sa kanilang pamilya.

“Ate Lily! Ipinabibigay po ni kuya George sa inyo,” kinikilig pang sabi ni Rose sabay bigay ng isang tangkay ng mga bulaklak sa kanyang ate. Napangiti naman si Lily sa natanggap mula sa mapapangasawa.

“Sana all may groom-to-be na gaya ni Kuya George,” singit naman ng pinsan nilang si Ana. Kinikilig din ang dalaga sa dalawa.

Hindi naging madali ang relasyon nila Lily at George. Nagsimula ang kanilang pag-iibigan mula noong nasa kolehiyo pa lamang ang dalawa. Isang nursing student si Lily at isa namang architecture student si George. Naging sobrang hirap para sa dalawa ang ipagsabay ang pag-aaral at ang pagtratrabaho ni Lily, pero nanatiling matatag si George at hindi iniwan ang nobya. Walang sawa siya nitong inunawa at sinuportahan.

“Kahit gaano kahirap, hinding-hindi ako magsasawang unawain ka. Sasamahan kita sa lahat ng laban mo sa buhay, hindi mo kailangang lumaban mag-isa dahil naririto lang ako parati sa tabi mo,” madalas na sabihin ni George sa kanyang nobya noon.

Hanggang sa naging ganap na nurse na si Lily at nagsisikap naman si George para maging isang ganap na Architect din. Nagkasakit ang ina nila Lily at kinailangang operahan ang kanyang puso. Nabaon ang kanilang pamilya sa utang dahil sa laki ng nagastos nila sa operasyon at mga gamot.

Nakahanap naman ng paraan si Lily para maiahon sa hirap ang kanyang pamilya, kinakailangan niyang umalis ng bansa at magtrabaho sa abroad.

Ginawa niya ang pinaka mahirap na desisyong ginawa niya sa tanang buhay niya, ang bitawan ang lalaking wala namang ibang ginawa kundi mahalin at unawain siya.

Ayaw niya naman kasing maging unfair sa binata at paghintayin ito ng matagal. Napaka dami niyang responsibilidad sa kanyang pamilya, hindi niya ito pwedeng talikuran na lamang.

Ilang beses nagmakaawa at lumuhod sa kanyang harapan si George, para lamang huwag niyang iwan at hiwalayan, pero pinanindigan niya ang kanyang desisyon. Umalis siya ng bansa ng may wasak na puso, ngunit tinatagan niya ang kanyang loob. Para naman kasi sa pamilya niya ang ginagawa niya, para sa kanila, lahat ay kakayanin niyang gawin.

Lumipas ang anim na taon at muling nagkita ang dalawa sa isang ospital sa Pilipinas. Nagkataon kasi na may binisitang kaibigan si Lily sa ospital nang hindi sinasadyang nakita niya si George doon.

“Hindi mo pala alam? May sakit si George sa dugo, Leukaemia bes,” malungkot na balita sa kanya ng kanyang kaibigan ding nurse.

Nabigla siya sa kanyang nalaman. Hindi niya sukat akalain na mangyayari iyon sa dating nobyo. Pinuntahan niya si George, sa kanilang muling pagkikita at napagtanto niyang ang lalaki pa rin ang laman ng puso niya. Humingi siya ng isa pang pagkakataon sa binata para patunayan ang kanyang pag-ibig rito, ngunit ipinagtabuyan siya nito.

“Baliw ka ba? Hindi mo ba nakikitang malapit na akong mam*tay? Umalis ka na. Pabayaan mo na ako,” matigas na pahayag ni George sa dalaga.

“Hindi ka mamam*tay. Lalabanan natin ‘yang sakit mo. Sasamahan kita gaya ng pagsama mo sa’kin nang mga oras na pakiramdam ko ay pasan ko ang daigdig. Sinamahan mo akong lumaban, hindi mo binitawan ang mga kamay ko kahit pilit kitang tinataboy. Ngayon, hayaan mo ako na gawin din iyon para sa’yo. Mahal na mahal kita George. Patawarin mo sana ako sa minsan kong pagbitaw sa mga kamay mo,” lumuluhang paki-usap ni Lily sa binata.

Wala nang nagawa ang binata dahil sa kakulitan ni Lily. Hindi na bumalik sa abroad si Lily. Nanatili siya sa Pilipinas para samahan ang binata sa laban niya sa kanyang sakit. Madaming operasyon at iba’t ibang klase ng treatment ang pinagdaanan ni George, pero hindi sila nawalan ng pag-asa dahil alam naman nilang magkasama silang lumalaban.

Naging napakahirap ng kanilang karanasan, pero patuloy silang nagpursige at hindi sumuko. Sadyang mabait nga ang Diyos at dininig ang kanilang mga panalangin, gumaling si George. Hindi mapantayang kaligayan at pasasalamat sa Maykapal ang naramdaman ng dalawa ng kanilang mga pamilya.

Makalipas lamang ang ilang buwan ay nagpagdesisyonan na ng dalawa na magpakasal, kaya heto silang lahat ngayon ay nagagalak sa nalalapit na happy ending nang tumayong padre de pamilya sa kanilang pamilya, ang kanyang ate Lily at ang kanyang kuya George.

Tumugtog na ang musika at nagkalat ang mga talulot ng mga rosas sa paligid habang dahan-dahang naglalakad si Lily patungo sa altar kung saan naghihintay sa kanya ang lalaking naging kasangga niya sa lahat ng pagsubok nila sa buhay, ang lalaking inaalayan niya ng kanyang buong puso at pagkatao. Ilang sandali na lamang at magiging ganap niya ng asawa si George.

Advertisement