Inday TrendingInday Trending
Mapagbirong Tadhana

Mapagbirong Tadhana

“Ano ang hayop na mahilig mamula?”tanong ni Manny.

“Hmm. Baboy?” sagot ni Ding na nakataas pa ang kilay.

“Ha? Bakit baboy, pre?” sabat naman ni Boyet

“Wala lang. Wala akong maisip!” ani ni Ding habang natatawang kinakamot ang ulo.

“Eh ano pala, o?” dagdag pa nito.

“Eh di pulang manok!” hirit ni Manny at sabay-sabay nagtawanan muli ang magku-kumpare na likas na palabiro.

Ganito ang buhay nila halos araw-araw. Ayon sa kanila, mga batikang tambay daw sila sa kanilang baranggay. Kahit na bente dos, bente tres at bente singko anyos na ang mga ito, hindi nila iniisip ang kinabukasan. Para sa kanila, ang pagiging masaya at paghalakhak araw-araw ang siyang totoong dahilan kung bakit sila nabubuhay.

“Aanhin natin ang sandamakmak na pera kung mapapagod lang naman tayo at magkakasakit?” wika ni Boyet.

“Alam mo, pre, tama ‘yan. Yung iba diyan kayod ng kayod, ayun sa sobrang pagkayod, napapaluhod ngayon sa sakit ng katawan!” pabirong sambit naman ni Manny. Sinundan nito ay ang muling malakas na halkhak ng magba-barkada.

“Hay… Ayos na muna tayo sa mga pa-raket-raket lang kay Kapitan. Kung ano ang ipagawa, o kung may ipagawa, edi magtrabaho! Pero hangga’t wala dito lang tayo at magpahinga!” wika naman ni Ding.

Pagkaraan ay may dumaan na isang dalaga, tulad ng dati, tinukso-tukso ng mga ito ang dalaga dahil sa maitim na kulay nito. Ganoon din ay ang iba-ibang mga taong dumaraan. Isa na rito sa Kiko, isang binabae na kilala nilang ubod ng sipag at seryoso sa buhay.

“Pre, pre! Si Kiko! Dali huthutan muna natin pangkain,” biglang sabi ni Boyet matapos makitang parating si Kiko.

“Pst. Pst. Pst!” sabay-sabay ang tatlong sinisitsitan ang binabaeng dumadaan.

Yumuko lamang si Kiko at binilisan ang kaniyang paglalakad. Ngunit napatigil siya dahil hinarang na siya ng tatlo.

“Ikaw ang sungit mo no! Para naman tayong hindi magka-klase noon!” sigang wika ni Manny kay Kiko.

Hindi umiimik dito si Kiko at tulad ng mga nakaraan, hinugot niya ang kaniyang wallet mula sa backpack at saka kinuha ang bente pesos mula rito. Iniabot niya ito kay Ding.

“Grabe naman, Kiko. Ang sipag-sipag mo magtrabaho tapos bente lang? Saan aabot ‘to? Isang softdrinks pa nga lang ubos na ‘to eh!” malakas na sabi ni Ding na naiinis dahil sa bente pesos na inabot ni Kiko.

Wala namang nagawa si Kiko kundi muling mag-bigay. Inabot niya ang singkwenta pesos na natitira sa kaniyang wallet.

“Iyon naman pala eh. Thank you!” sabi naman ni Boyet.

“Thank you, Kiko! Bait talaga!” dagdag pa ni Manny.

Pagkatapos nito ay maluwag na nilang pinadaan si Kiko.

“Mga wala talagang kwenta ang mga lalaking iyon! Mga batugan na nga, mga perwisyo pa!” himutok naman ni Kiko sa kaniyang sarili at saka tumingin ng masama sa tatlo at mabilis na naglakad palayo.

Masaya naman nagtungo ang tatlong magbabarkada sa tindahan upang bumili ng makakain. Nagtatawanan ang mga ito dahil ginagaya nila ang mga reaksyon ni Kiko. Para bang hindi sila nakokonsensiya sa ginagawa at kinakaya pa na insultuhin ito. Maya-maya pa, hindi pa man sila nakakalayo, biglang bumagsak sa kalsada si Boyet. At dahil alas onse na rin ng gabi, wala nang tao sa paligid.

“Haha! Boyet, akala mo maniniwala kami sa mga paganiyan-ganiyan mo? Ano kami, bata?!” sambit ni Manny habang nagtawanan naman silang dalawa ni Ding.

“Hay naku, Boyet. Hindi dapat ganiyan ang galawan, ganito dapat, manigas ka pa ng kaunti!” dagdag pa ni Ding na tawang-tawa matapos umarte na parang inaatake.

Ngunit hindi pa rin tumitigil si Boyet. Humihingi ito ng tulong sa mga kaibigan subalit hindi siya pinaniniwalaan ng mga ito. Kahit na seryoso na ang kaniyang lagay, ay hindi siya sineseryoso ng mga kaibigan. Habang nagdidilim na ang paningin, nasusulyapan na lamang niya at kaunting naririnig ang halakhak ng mga kaibigan.

“Hoy, Boyet! Tumayo ka na diyan at bumili na tayo!” natatawang sabi ulit ni Ding.

“Naku, Boyet. Bahala ka nga diyan! Manigas ka diyan magdamag!” sabi naman ni Manny.

Naglakad papalayo sina Manny at Ding, habang si Boyet ay naiwang nakalagpak sa gitna ng kalsada na noo’y naninigas at inaatake na parang hindi makahinga. Sa isang banda, nakita niya si Kiko na tumatakbo nang mabilis papunta sa kaniya at tuluyan na siyang nawalan ng malay.

Kinabukasan, gumising si Boyet sa ospital, kung saan nakita niya ang kaniyang ina at dalawang kaibigan na nakayuko at malungkot.

“Anong meron?” nakangiti ngunit mahinang sabi ni Boyet.

Agad naman na nilapitan siya ng ina at ng mga kaibigan.

“Boyet! Ayos ka lang ba? Ikaw talagang bata ka! Sandali at tatawagin ko ang doktor,” pagmamadaling sabi ng ina saka mabilis na lumabas ng silid.

Natira ang magkakaibigan sa silid. Muling yumuko at mababatid ang kalungkutan sa mukha ni Manny at Ding.

“Anong meron at parang nasa lamay kayo?” pagbibirong sabi ni Boyet.

“B-boyet, pasensya ka na. Hindi kami naniwala sa’yo,” mahinang sabi ni Manny.

“Oo nga, Boyet. Patawad kasi akala namin nagbibiro ka lang tulad ng mga nakaraan na lagi tayong nagbibiruan na inaatake o kaya naman ay hinihika,” sambit naman ni Ding.

Ngumiti si Boyet matapos marinig ang sinabi ng mga kaibigan.

“Nakita kong si Kiko ang tumulong sa akin. Sa tingin ko, maling-mali iyong ginagawa natin sa kaniya. Kasi kahit ang sama na ng pakikitungo natin sa kaniya, tinulungan pa din niya ako. Kung hindi dahil sa kaniya, malamang pumanaw na ang kaibigan niyong guwapo,” pagbibiro pa ni Boyet.

Nagtawanan muli ang mga magkakaibigan, dala-dala ang leksyon na hindi sa lahat ng oras at pagkakataon ay nagbibiro at dinadaan sa tawa at halakhak ang lahat dahil mas malupit ang tadhana kapag ito’y nagbiro.

Advertisement