“Joel naman! ‘Yung usok mo o, nalalanghap ni Edlyn!” sabi ng inang si Marites sabay tinakpan ang bibig ng bunsong kapatid na si Edlyn.
“’Tay kasi! Sabi na sa inyong tigilan na ‘yang paninigarilyo niyo eh, kulit!” dagdag pang saway ni Mabel sa kaniyang ama. Naiinis siya dito dahil palagi na lang may nakapasak na yosi sa bibig nito. Ilang beses na niya itong sinabihan pero hindi na raw nito kayang tumigil pa sa bisyo.
“Sus! Heto’t lalabas na! Bakit, kayo ba ang magkakasakit sa baga kung sakali?” sarkastiko pang sagot ng ama at saka tumalima palabas ng bahay.
Mula pagkabata ni Mabel ay bisyo na ng ama ang manigarilyo kahit saan. Kung minsan ay pagpasok niya sa banyo ay amoy usok, pati tuloy mga sofa nila amoy sigarilyo na rin. Hindi niya talaga gusto ang amoy niyon. Isa pa ay may lahi silang mahihina ang baga. Nag-aalala siya para sa kalusugan ng ama, ayaw naman din niyang magkasakit ito kahit matigas ang ulo nito.
Nagpaalam siya sa ina na aakyat muna sa kaniyang kwarto dahil sumasakit ang likod niya, siguro ay dahil kanina pa siya nanonood ng tv. Madalas ding sumasakit ang kaniyang ulo na idinadaan na lamang niya sa tulog. Kailangan niya din ng lakas para sa PE nila bukas sa eskwela.
Kinabukasan ay usok na naman ng sigarilyo ang bumungad sa kaniya pagbaba sa kusina. Kay aga-aga ay kape at sigarilyo ang almusal ng kaniyang ama. Sa kaniyang inis ay ibinagsak ni ang bag sa upuan upang makuha ang atensyon nito sa telebisyon.
“Aba tingnan mo ‘tong batang ‘to! Kay aga-aga, dabog ng dabog!” striktong sabi ng kaniyang ama.
“Eh paano naman ho kasi! Kay aga-aga ay sunog-baga na naman kayo!” sagot niya sa ama na hindi na napigilan ang sarili.
“Hoy Mabel! Kung makasagot-sagot ka ah! Gusto mo hindi kita ihatid sa eskwela, nang makita mo,” banta nito sa kaniya. Ito kasi ang laging naghahatid sa kanilang magkapatid sa eskwela. Si Edlyn ay nasa ikalawang baitang at siya naman ay nasa high school.
Wala namang kibo ang kaniyang ina sa sagutan nilang mag-ama at sinabihan lang siyang bilisan na ang pagkain. Magaalas siete ay nakasakay na sila sa kotse papasok sa eskwela. Katulad ng dati, ang ama niya naninigarilyo habang nagmamaneho. Binuksan na lang nito ang bintana upang doon ibuga ang usok. Agad siyang bumaba at hindi na nagpaalam dito pagkarating sa eskwelahan.
Nang umagang iyon sa kanilang klase na physical education, bigla na lang nakaramdam si Mabel ng sakit ng dibdib at likod. Tumigil siya saglit sa pagtakbo upang magpahinga ngunit inihit naman siya ng sunod-sunod na ubo. Dahil sa sobrang init ng araw at init, nagdidilim ang kaniyang paningin, hanggang siya nga ay tumumba sa lupa.
Pagkagising niya ay nag-aalalang mukha ng ina ang sumalubong sa kaniya.
“Anak? Ayos ka lang anak? Dinala ka na ng guro mo dito sa hospital dahil natagpuan ka daw nilang walang malay at may dugo sa bibig. Ano bang masakit sa iyo anak?” alalang-alalang tanong ni Marites.
Sinabi niya sa magulang na marahil ay dahil sa pagod kaya siya nahimatay. Siguro ay pagbagsak niya sa lupa kaya nagdugo ang bibig niya, kwento ni Mabel sa ina. Maya-maya pa ay nagsagawa na ng mga x-ray at tests ang mga doktor upang masiguro ang lagay ng kaniyang kalusugan. Pagkatapos niyang masuri ay pina-una siya sa kwarto atsaka kinausap ang kaniyang ina.
Nagtaka siya nang bigla siyang yakapin ng ina sabay umiyak sa kaniyang balikat.
“Ma? Bakit ka ba umiiyak? Ano po bang sabi ng doktor?” tanong niya na hindi na rin mapigilang kabahan dahil sa reaksyon ng ina.
“A-anak.. huwag ka sanang mabibigla,” sabi ng ina at hinawakan ang kaniyang kamay. Naputol ang sasabihin nito nang bumukas ang pinto at iluwa noon ang kaniyang ama. Mukhang galing ito sa takbo dahil hinihingal pa.
“Mabel? Napaano ka daw? Sabi sa akin ay sinugod ka nga daw—” isang malakas na sampal ang tumama sa mukha ng kaniyang ama. Maging siya ay nagulat sa ginawa ng ina.
“Ikaw! Ikaw ang may kasalanan ng lahat ng ito! Kung hindi dahil sa’yo hindi magkakasakit ang anak natin!” sabi ng ina habang pinagsusuntok sa dibdib ang ama. Gulong-gulo siya sa nangyayari nang mga oras na iyon.
“Anong ginawa ko?!” sabi ng ama na pilit umiilag sa kamao ng ina. “Ano bang nangyari?! Ipaliwanag mo muna kasi!” galit na ganting sigaw ng ama, mababanaag sa mukha nito ang matinding pagkataranta.
“Si M-mabel..” iyak ng kaniyang ina, “mayroon daw s-siyang c-c*ncer sa baga, stage two na daw,” sabi ng ina na halos mapaupo sa sahig kung hindi lang hawak ng asawa ang braso nito.
“A-ano?” nanghihinang tanong ng ama at saka tumingin sa kaniya. Nakatulala na lang siya ng mga oras na iyon. Hindi pa lubos na naiintindihan ng kaniyang utak ang sinabi ng ina. Siya? May c*ncer sa baga? Imposible. Masustansya siya kumain at napakabata pa niya. Ni hindi siya kailanman sumubok humithit ng sigarilyo–.
Naputol ang mga tanong sa kaniyang isipan nang maintindihan ang dahilan ng mga nangyayari. Isa lang ang maaaring pinanggalingan ng kaniyang sakit, at iyon ay ang palagi niyang paglanghap sa usok tuwing maninigarilyo ang ama.
Namumuhi siyang tumingin sa ama at napa-iyak na lang. Maging ito ay nakatingin sa kaniya at kitang-kita ang matinding sakit at pagsisisi sa mga mata nito.
“A-anak ko, Mabel…” sabi nito at akmang lalapit sa kaniya.
Dahil sa tindi ng nararamdaman ay sumigaw si Mabel at sinabihan ang ama na huwag lumapit sa kaniya. Nagwala siya at sinabing ayaw na niya itong makita pa.
“Umalis ka na dito! Sana ikaw na lang ang nagkasakit! Sana ikaw na lang ang mahirapan! Alis!” Pilit siyang pinapakalma ng ina ngunit patuloy lang siya sa pagsigaw sa ama.
“Patawarin mo ‘ko anak! Nang dahil sa bisyo ko ay ikaw pa ang nadamay. Sana nga ako na lang ang magkasakit.. anak ko patawad.” Wala nang nagawa si Joel kung hindi ang lumabas ng kwarto. Nahihirapan ang loob niyang makita ang anak sa ganoong kalagayan. Walang ibang dapat sisihin kung hindi siya.
Nang araw na iyon, ginawa ni Joel ang isang bagay na minsan sa kaniyang buhay ay hindi niya ginawa. Lumuhod siya sa simbahan at lumapit sa Diyos.
“Kung mayroon ngang Diyos, sana ay tulungan mo ang anak ko. Kasalanan ko ang lahat, kaya sana ho ay ako na lang ang parusahan niyo. Gagawin ko ang lahat para itama ang mali ko…”
Natigil panandalian si Mabel sa pag-aaral upang magpagaling. Nagsikap maigi si Joel sa pagtatrabaho upang matustusan ang pagpapagamot ng anak. Tinigil na rin niya ang bisyong paninigarilyo, nangako siyang mula noon ay magbabagong buhay na. Hindi pa man siya lubusang napapatawad ng anak ay patuloy niyang ipinagdarasal sa Diyos ang kagalingan nito, at sana, pati na rin ang pagkakaayos nilang mag-ama.