Inday TrendingInday Trending
Habilin Ng Don Bago Pumanaw

Habilin Ng Don Bago Pumanaw

Pinatawag ng mayamang ama na si Don Francis ang lima niyang mga anak sa kaniyang mansiyon. Nang marinig ng mga ito na pag-uusapan ang mana ay kani-kaniya itong handa. Hindi tulad ng dati na kapag nag-iimbita ang ama para sa salu-salo na ni hindi ang mga ito tumutugon, ngayon ay lahat ay natataranta sa pag-aasikaso ng leave sa trabaho, ang iba naman sa kanilang mga negosyo at ang isa pa ay abala sa paghahabilin sa mag-aalaga ng kaniyang mga anak.

“Gusto ko ay maayos lahat ang mga kwarto ng aking mga anak,” utos ni Don Francis sa mga kasambahay.

Abalang-abala din ang Don sa pag-aayos ng lahat pati na sa pakikipag-usap niya sa kaniyang abogado. Masaya siya sa muling pagkikita ng mga anak dahil hindi na siya nadadalaw man lang ng mga ito mula noong magsipaglakihan na. Kaya naman nang malaman niyang mayroon siyang malalang sakit, gusto niya ang makasama sila sa huling araw ng kaniyang buhay. Itinago niya ito sa mga anak at sinabi lamang na aayusin na ang lahat ng kaniyang ari-arian.

Dumating ang araw ng Biyernes, inaasahan ang pagdating ng magkakapatid na sina Donato, Daryl, Dexter, Diane, at Daniel. Unang dumating ang panganay na anak na si Donato kasama ang mga anak nito. Maligayang sinalubong ito ni Don Francis, tuwang-tuwa siyang hinagkan ang mga ito. Pangalawang dumating ay ang nag-iisang babae na si Diane, kasama ang fiance nito. Ganoon din ang ligaya ng ama nang makita muli si Diane. Magkasunod namang dumating si Daryl at Dexter na nag-uusap sa daanan tungkol sa kanilang mga negosyo. Muling nakakitaan ang matanda ng kasiyahan sa kaniyang mga labi. Maya-maya pa ay malapit ng mag-tanghalian, kaya naman, nagkayayaan na rin ang lahat para kumain.

Habang kumakain, nagku-kuwentuhan ang magkakapatid. Isa itong pangyayari na ngayon lamang nangyari sa harapan mismo ni Don Francis.

“Wala na akong mahihiling pa,” nasabi ng butihing Don sa sarili.

Maya-maya pa ay biglang dumating ang bunsong anak na nakasuot ng itim na kamiseta, sira-sirang pantalon, malaking sapatos at punong-puno ng hikaw ang tainga nito. Pati labi at ilong ay may palawit din na makikita dito. Katulad sa iba, hinagkan ng ama ang kaniyang bunsong anak na si Dexter. Ngunit kapansin-pansin na ang ibang mga kapatid ay hindi natuwa sa nakitang bunsong kapatid.

“Halika anak, kumain tayo dito,” imbita ng ama kay Dexter.

Mabagal na naglakad si Dexter papuntang lamesa at bigla na lamang tumahimik ang lahat at saka nag-usap-usap maliban kay Dexter. Ramdam niya na ayaw sa kaniya ng mga kapatid. Napansin ito ng ama at talaga naman nalungkot ang kaniyang puso.

Mababatid ang kalungkutan sa mukha ni Dexter ngunit kapag tumitingin naman sa kaniyang ama, napapalitan ito ng ngiti dahil sa init ng pagtanggap nito sa kaniya.

“Di bale na, basta alam kong kailangan kong pumunta dahil pinapapunta ako ni Papa. Iyon ang mahalaga at hindi ang mga kapatid kong walang ginawa kundi sisihin ako sa nangyari kay Mama,” pang-aalo ni Dexter sa sarili.

Pumanaw kasi ang kanilang ina dahil sa panganganak kay Dexter. Kaya naman mula noon, hindi matanggap ng magkakapatid ang nangyari at sinisi ang lahat ng iyon sa bunsong kapatid.

Pagkaraa’y maririnig ang mahinahong tinig ng ama.

“Oh, ito Dexter, kumain ka pa nang marami!” wika ng kaniyang ama habang pinagsasandukan siya ng pagkain.

“Okay na ho,” sagot naman niya.

“Hindi ko matiis na makasama ka sa iisang bubong. Oh ito ang limang libo. Siguro naman sapat na ‘yan para umalis ka na dito?” pagmamataas ni Diane kay Dexter.

Parehong nabigla ang ama at si Dexter sa ginawang ito ng ate. Walang tugon dito ang bunso at pagkatingin ay napansin niya na ang lahat ay nakatingin sa kaniya na parang hinuhusgahan siya. Binagsak ni Dexter ang kubyertos na hawak, kinuha ang limang libong piso at saka mabilis na lumabas ng bahay. Hahabulin pa sana siya ng ama ngunit pinigilan ito ng iba pang mga anak.

“Pa! Wag mo na siyang pigilan!” sabi ni Donato.

“Bakit? Dahil ba hindi ko siya totoong anak? Dahil ba anak siya sa ibang lalaki ng mama niyo?” sagot naman ng ama.

“Alam mo naman pala, Pa eh! Bakit kung makapag-alaga ka diyan sa lalaking salot na ‘yan eh sobra-sobra?” pagsabat ni Daryl.

“Hindi nga namin alam bakit nandito siya eh! Hindi ba’t bibigyan mo na kami ng mana? Bakit nandito ‘yong anak sa labas na ‘yon?!” muling pagmamataas ni Diane.

“Dahil iyon ang hiniling ng mama niyo!” malakas na sagot ng ama.

Ang lahat ay napatigil nang tumaas na ang tono ng ama.

“Iyon lang ang tangi niyang hiniling sa akin. Dahil alam niyang hindi niyo siya matatanggap kahit na kailan…” mahina na ang tinig ng ama habang siya’y nagpapaliwanag.

“Masakit iyon para kay Dexter, na lumaki ng walang ina, na mabuhay ng hindi siya tanggap ng mga kapatid niya hanggang nagyon. At hiling ko, kahit sa huling sandali ng buhay ko, sana matutunan niyo rin siyang tanggapin. Sana sa mga nalalabing araw ko, makita kong tanggap niyo na siya bilang isa sa mga kapatid niyo. Para naman kapag nagkita na kami ng mama niyo ay mayakap niya ako at matuwa siya sa akin,” dagdag pa ng ama habang umiiyak sa sama ng loob.

“Pa, anong pinagsasabi mo? Hindi ka pa mawawala!” malakas na sabi ni Diane.

“Mga anak.. may taning na ang buhay ko…” mahinang sagot ng ama.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na may sakit ang ama ngunit lahat ay nabigla sa sinabi nito.

“Sana maging maayos ang ating pamilya bago ako tuluyang lumisan. Ang makita kayong lahat na sama-sama at nagdadamayan, iyon ang nais kong baunin sa langit,” pagpapatuloy niya.

Maya-maya pa ay muling nagpakita si Dexter na noon pala’y nasa likod lang ng pintuan. Narinig niya ang lahat at mabilis itong tumungo sa ama upang yakapin ito.

“Sorry po, Pa. Sorry po, sa inyong lahat. Sorry po, ako ang dahilan ng lahat ng kaguluhan sa pamilyang ito…” paulit-ulit nitong sambit.

Tuluyan namang lumambot ang matigas na puso ng magkakapatid. Ang lahat ay napaiyak at isa-isang humingi ng tawad kay Dexter pati na sa ama na labis ang kalungkutan sa nangyari sa kanilang pamilya.

Nang maramdaman ang init ng yakap ng mga anak, nakahinga ng maluwag ang Don. Alam niyang naipabatid na niya ang huling habilin niya sa mga ito. Hindi niya alam na ang pagkakataning pa pala sa kaniyang buhay ang magiging susi para mabuo na ang kaniyang pamilya. Nais niya lang na talaga tumimo sa puso ng mga ito na ang tunay na pamilya ay hindi lamang nasusukat sa dugo o apelyido, kung hindi sa pagmamahal ng bawat isa.

Advertisement