Inday TrendingInday Trending
Sasabay sa Boss o Sasablay sa Asawa?

Sasabay sa Boss o Sasablay sa Asawa?

“Guys, mauuna na ako. May kailangan kasi akong sunduin. Mag-ingat kayo pauwi,” sabi ni Allan sa kaniyang mga empleyado na noon ay abala pa sa pagtapos ng kanilang mga sariling trabaho.

Manager si Allan sa isang kumpanya at may hawak itong departamento. Madalas na nauuna siyang umuwi sa mga ito dahil maaga siyang pumapasok sa trabaho. Malayo-layo rin kasi ang binabyahe niya araw-araw.

Pauwi na noon si Allan nang makita niya ang isa niyang empleyado na si Mela na palabas na rin ng opisina. Naalala niya na madadaanan niya ang lugar nila Mela, kaya inalok na niya itong sumabay sa kaniyamg kotse upang makatipid sa pamasahe.

“Mela, gusto mo bang sumabay? Madadaanan ko yung lugar niyo papunta sa pupuntahan ko. Sakay ka na, para makatipid ka ng pamasahe,” sigaw ni Allan habang nakahinto ang kotse at nakabukas ang bintana upang marinig ito ni Mela.

Dahil minsan lang mag-alok ang boss ay pumayag na rin si Mela na makisabay na lamang. Bukod sa makakatipid sa pamasahe ay hindi na niya ka-kailanganin na makipag-agawan pa sa mga nag-aabang na mga pasahero sa kalsada.

“Salamat, Sir Allan. Kakapalan ko na po ang mukha at makikisabay na po ako,” sagot naman ni Mela.

Sumakay si Mela at dahil sa nakakotse ay mabilis na narating ni Mela ang kanilang lugar. Nagpasalamat naman siya sa kaniyang boss dahil hindi ito nagdalawang isip na tulungan at isabay siya sa biyahe.

Nang makarating sa bahay ay laking gulat ng asawa dahil halos maaga ng kalahating oras si Mela na dumating sa kanilang bahay.

“Love, aga mo ata ngayon ah? Mabilis lang siguro biyahe mo,” wika ng asawa nitong si Lando.

“Hindi. Nakasibay kasi ako sa boss ko. Nakakotse kasi, eh sayang naman inalok na akong sumabay. On the way naman daw kasi. Kaya libre na pamasahe, maagang pang nakauwi,” kwento naman ni Mela na nagbibihis na ng pambahay at nagsimula nang mag-asikaso sa kanilang tahanan.

“Buti naman kung ganoon. Maaga kang nakauwi. Bait ng boss mo ha,” nakangiting sabi ni Lando na noon ay naglalambing na sa asawa.

Lumipas ang ilang araw at muli na namang magsusundo si Allan sa parehong lugar na pupuntahan niya. At inaalok na rin niya agad si Mela na baka gusto nitong sumabay. Dahil pahirapan ang pag-commute pauwi, pumayag naman ulit si Mela. Malaking tulong rin kasi ito sa kaniya.

Hanggang dumalas ang pagsundo ni Allan, kaya kasabay nito ay ang pagdalas din ng pagsabay ni Mela sa kaniyang boss. Ngunit wala man malisya para sa kanilang dalawa at sa mga katrabaho nila, hindi pa rin talaga maiiwasan ang mapanghusga at mapanirang mga mata ng mga tao.

Nang minsan ay nakita ng kumpare ni Lando ang asawa nitong si Mela na bumaba sa isang kotse na nakaparada sa highway. Nagtaka ito dahil lalaki ang nakita nitong nagda-drive, kaya agad itong nagsabi kay Lando. Agad namang pinaliwanag ni Lando na boss lamang ni Mela ang nakita nito at ipinaliwanag din na isinasabay lamang nito si Mela upang makapatipid sa pamasahe.

Ngunit hindi nagtapos ang mga kwento-kwento. Dahil dumalas ang pagsabay ni Mela sa kaniyang boss, mas napansin tuloy ng mga tao sa kanilang lugar. Hindi namamalayan ni Mela, pinagtsitsismisan at pinagku-kwentuhan na pala siya ng mga tao.

“Naku, Lando. Mukhang iba na ata ang paghahatid ng boss ni Mela sa kaniya ha. Kulang na lang ay araw-araw,” wika ng isang maingay na babae na laging nakatambay sa harap ng tindahan.

“Baka hindi mo namamalayan pare, nagkakamabutihan na pala ‘yang dalawa at naagaw na ng iba sayo ang misis mo,” sulsol naman ng kumpare nito na bumibili ng mantika noon sa tindahan.

Bukod pa rito ay maraming komento pa ang narinig ni Lando mula sa mga kapitbahay na nakakakita sa madalas na paghatid ng boss ni Mela sa kaniya. Habang naririnig at pinagbibingi-bingihan ito ni Lando, unti-unti naman nasasaktan ang kaniyang puso sa pag-iisip na baka may namamagitan na nga sa asawa niya at sa boss nito sa trabaho.

Nais man maging kalmado ni Lando subalit tila napuno na ng selos, sakit ang galit ang kaniyang puso at nang makauwi si Mela galing trabaho ay ibinuhos niya ang galit sa asawa.

“Ano, maaga ka na namann nakauwi? Hinatid ka naman ba ng boss mo ha? Balita ko Mela na napapadalas na ‘yang paghahatid sayo ng boss mo,” gigil na sabi ni Lando pagkauwi na pagkauwi ni Mela galing sa trabaho.

“Ano ba ‘yang mga pinagsasabi mo, Lando? Nakikisabay lang naman ako kasi nga on the way. Kung alam mo lang na sobrang laking tulong ng pagsabay ko para hindi na ako makipagagawan at makipagsiksikan sa pagko-commute,” sagot ni Mela na takang-taka sa pinagsasabi ng asawa.

“Wag mo akong pinagmumukhang tanga, Mela. Kung hindi ikaw, possible na kaya ka sinasabay ng boss ay dahil may gusto siya sayo,” patuloy na sigaw ni Lando na halos maiyak na ang anak nila ni Mela na noon ay nasa kwarto at nanunuod ng tv.

“Diyos ko naman! Pati ba naman ‘tong ganitong bagay, gagawan mo ng issue?! Ipinaalam ko naman sayo na nakikisabay lang ako diba? Wala ka bang tiwala sakin?” sagot naman ni Mela na napapasigaw na rin dahil sa inis.

“Wag mo akong pinagloloko. Alam mo bang halos maging laman ka na ng mga dyaryo dahil sa pangtsitsismis sayo ng mga kapitbahay natin. Buti nga at naikwento nila sakin ang madalas na paghatid sayo ng boss mo, kung ‘di ay mananatili ako mangmang dahil akala ko ay minsan ka lang naisabay sa kotse nito,” patuloy na sigaw ni Lando.

Pilit naman ipinaliwanag ni Mela sa asawa na wala talagang namamagitan sa kanila ng kanilang boss. Sinuyo pa nga niya si Lando na hindi na siya muling makikisabay sa boss niya kung hindi kompartable si Lando. Ngunit nagpatuloy pa rin si Lando sa pagsisigaw hanggang sa tila ba ay sagad at medyo malalim at nakakasakit na ang mga pasaring nito.

“Gustong-gusto mong sumasabay sa boss mo! May milagro siguro kayong ginagawa sa kotse niya!” gigil na gigil sa selos na sinabi ni Lando sa asawa ang mga salitang ito.

Kahit tuloy pinipilit unawain ni Mela ang mainit na ulong asawa niya ay tila nag-init ang kaniyang mga tenga nang marinig ang mga katagang ito.

“Hoy Lando! Sumosobra ka na ha! Ganiyan ba kababang babae ang tingin mo sakin ha?! Para saan pa na naging mag-asawa kung hindi mo rin lang pala kayang magtiwala sa akin? Mas naniniwala ka pa ata sa mga kumpare at mga kapitbahay mong halos pagtsismisan na lahat mg tao dito sa ating lugar,” galit na sigaw na rin ni Mela. Labis siyang nasaktan sa mga narinig na salita mula sa asawa.

“Sa tagal nating magkasama sa hirap at ginhawa, Lando. Hindi mo lubos maisip na magagawa mong ibintang at sabihin sakin ang mga salitang ‘yan,” saad ni Mela na sa mga sandaling iyon ay umiiyak na to at tila ba ay nagbabalot ng gamit.

Dahil sa sakit na nararamdaman, minabuti ni Mela na umalis na lamang muna sa kanila at umuwi muna sa kaniyang ina at doon magpalipas ng ilang gabi, isinama niya ang kaniyang anak at dali-daling umalis. Hindi siya pinigilan ni Lando na noon ay puro inis at galit lamang ang nararamdaman.

Lumipas ang isang buong araw at gabi na hindi nag-uusap at nagkikita ang mag-asawa. Labis na sumama ang loob ni Mela sa binitawang salita ng kaniyang asawa. Samantalang, miss na miss na sila ni Lando.

Nilakasan ni Lando ang loob at nagtungo ito sa opisina ni Mela upang ito ay sunduin at suyuin para sila ay bumalik ng mag-ina sa kanilang tahanan. Habang nag-aabang sa labas ng opisina ay napansin nito ang boss ni Mela na papalabas ng building na mukhang papauwi na.

Agad niyang nilapitan at tinatanong kung nasaan ang asawa.

“Ay nasa loob pa si Mela, marami daw kasi tinatapos na trabaho. Mamaya pa ‘yon lalabas, hindi kasi siya sumasabay na sakin. Kaya hindi na rin siya agad lumalabas upang umuwi. Hintay ka lang, sir. Pauwi na rin siguro ‘yon,” sagot ng boss ni Mela sa kaniya na mahinahon at wala itong kamalay-malay na asawa pala ni Mela ang kausap nito.

“Sige po, salamat sir,” sagot ni Lando sa kinausap na boss.

Maya-maya habang naghihintay kay Mela, napansin niya ang boss nito na may kausap sa telepono at tila nakikipag-away ito sa kausap. Nang mga sandaling iyon ay hindi sinasadyang narinig ni Lando ang pinaguusapan ng boss ni Mela at ang kausap nito sa telepono.

Narinig ni Lando na kaya pala dumadaan ang boss ni Mela na si Allan sa kanilang lugar ay dahil may pinupuntahan itong hospital malapit doon. At tuwing ikalawang araw, kung kailan sumasabay si Mela sa boss, ay ang mga araw pala ng pagsundo ng boss ni Mela sa asawa nito na nagda-dialysis at ch*mo.

Nang marinig ito ay biglang nahiya si Lando sa kaniyang ginawa at ibinintang sa kaniyang asawa si Mela. Maya-maya nga ay lumabas na si Mela at sinalubong ito ni Lando. Agad na humingi ng tawad si Lando sa kaniya, at iķinwento na nito ang narinig kanina tungkol sa boss ng kaniyang asawa.

Ang boss ni Mela ay laging sinusundo ang asawa nito sa hospital. May malala pala itong sakit at kinakailangan ng matinding gamutan. Laking gulat ni Mela sa nalaman. Samantalang si Lando naman ay labis ang paghingi ng kapatawaran sa kaniyang asawa, dahil pinag-isipan niya ng masama ang pagtulong na binibigay ng boss ni Mela.

“Love, patawarin mo ako. Nagpadalos-dalos ako sa aking mga nararamdaman. Patawarin mo rin ako kung naparamdam ko sa iyo na wala akong tiwala. Sadyang hindi ko lang kakayanin na mawala ka sa akin at maagaw pa ng iba,” wika ni Lando habang walang sawang sinusuyo si Mela habang sila ay nasa biyahe papauwi.

“Love, lagi mong tatandaan na kayo lang ng anak natin ang kaya kong mahalin ng ganito, todong-todo. Sana mahal ay mas pagtibayin natin ang ating relasyon at mas palalimin natin ang tiwala sa isa’t isa at gawing sentro ng ating pamilya ang Panginoon, upang malampasan ang bawat pagsubok na ibibigay sa ating pagmamahalan,” dagdag pa nito.

Ngumiti lamang ang babae at tumango. Senyales ng pagpapatawad at muling pagtanggap niya sa asawa. Magmula noon ay mas napagtibay pa ang relasyon ng mag-asawa.

Advertisement