Inday TrendingInday Trending
Mayaman Na Wala Naman Palang Yaman

Mayaman Na Wala Naman Palang Yaman

“Sige, sa sabado. Punta kayo sa bahay para mag swimming. Sasabihan ko yung mga kasambahay namin na magluto ng mga pagkain,” pagbibida ni Brian sa kaniyang mga katrabaho.

“Wow! Grabe! Bigtime talaga si Brian. Ang lakas naman namin sayo,” galak na galak na sabi ng katarabaho niyang si Gilbert.

“Oo naman, pamasahe na lang niyan ang gagastusin niyo. Ipapasundo ko sana kayo sa fortuner ko na kotse kaso naka-monthly maintenance kasi yon sa sabado,” pagku-kuwento ni Brian.

“Naku, hindi na. Magko-commute na lang kami. Nakakahiya na masyado,” sagot naman ng babae niyang katrabaho.

Sabik ang lahat sa darating na sabado dahil makakapaglibang sila pagkatapos ng mahaba at nakapagod na linggo sa trabaho. Ngunit sumapit ang biyernes ng umaga nang biglang sabihin ni Brian na hindi pala pwede sa bahay nila sa sabado. Uuwi daw kasi galing USA ang mga kamag-anak niya at doon sila sa kaniyang bahay magkikita-kita. Naunawaan naman ng mga kaibigan ni Brian, at napagkasunduan na sa ibang araw na lang gaganapin ang kanilang swimming.

Hanggang sa tuwing malapit na ang na-planong swimming sa bahay ni Brian ay magkakaroon ito ng mga dahilan kung bakit hindi biglang pwede sa kanilang bahay. Ngunit kahit na ganoon, naging maunawain naman ang kaniyang mga kaibigan at napagdesisyunan na lang na lamang na sa resort na lamang sila magswimming upang matuloy na ito agad.

Hindi lang sa pagkakataon na ito nagkaroon ng alibi si Brian. Madalas ay ibinibida niya na may dalawa itong kotse. Kaso sa tuwing sinasabi nito na sususnduin siya ng drayber niya ay sasabihin nito na traffic hanggang sa makakauwi na lang ang mga kaibigan nito na hindi man lang nasisilayan ang kaniyang kotse.

Kahit na ubod ng yabang ni Brian ay pilit pa rin itong inuunawa ng kaniyang mga kaibigan. Alam naman nila na ganun na talaga ang kaibigan, at mapera naman kasi ito kaya para sa kanila ay natural na lamang sa isang katulad ni Brian na magyabang.

Hanggang sa unti-unti nang hindi nagtutugma ang mga kwento at binibda ni Brian sa kaniyang mga kaibigan na nagdulot ng pagdududa sa kaniyang estado talaga sa buhay.

Nagpadala kasi ito ng larawan sa isa nilang kaibigan. Kwento nito, larawan daw ito ng kaniyang bahay. Kung titignan ang larawan ay tila ba napakagarbo ng bahay nila Brian. Maganda ang malaking bahay, at naka-tiles pa mismo ang mga pader at sahig nito. Ngunit habang pinagmamasdan ang larawan ng bahay ni Brian dahil ibinibida niya ito, tila napansin ng isa niyang kaibigan na may sulat sa pinakasulok ng larawan, at nang tignan nila ito ng maigi ay isa pala itong palantandaan na ang larawan ay kinuha lamang sa internet.

Pilit na itinago ng magkakaibigan ang pagdududa sa kaibigang si Brian kung tunay nga ba itong mayaman. Unti-unti nilang pinagtutugma-tugma ang mga kwento at pagdadahilan ni Brian sa tuwing ipapakita niya sa kanila ang yaman nito, na laging nauuwi sa pagkaudlot.

Lumipas ang ilang buwan at patuloy pa rin sa pagbibida si brian na siya ay mapera. At unti-unti rin napapansin ng mga kaibigan nito ang mga katunayan na hindi nga ito mayaman. Ayaw man manghusga ng mga ito, ngunit tila ba may mali na sa ikinikilos o pag-uugali ng kaibigan na kinakailangan pa nitong magpanggap na siya ay mayaman.

Subalit tadhana at pagkakataon na rin ang magtutulak sa kanilang pagkakaibigan upang tunay na malaman ang pagkatao ng kaibigan.

Araw ‘yon ng sabado nang biglang magkayayaan ang magkakaibigan na manood ng sine. Hindi nakasama si Brian dahil mayroon daw siyang meeting na dapat puntahan. Hindi na rin naman siya pinilit ng mga kaibigan dahil ayaw ng mga ito na maabala pa siya.

Hindi nila sukat akalain na makikita nila si Brian sa mall na kanilang pinuntahan.

“Hoy, ‘di ba si Brian ‘yon?” wika ng isa sa kanila habang may itinuturo sa malayo.

Nang maaninag ang itinuturo ng kaibigan sa malayo, nasilayan nga nila si Brian. Ngunit di makapaniwala ang mga ito sa nakita. Si Brian ay naglalakad sa likod ng isang mayaman na matandang babae. Nagmistulang bodyguard ito dahil sa unipormeng suot na kawangis ng damit ng iba pang kasamang lalaki. Kasama rin nila ang mga nakauniporme na kasambahay.

Habang bitbit-bitbit ni Brian ang napakaraming paperbag na pinamili ng mayamang babae, hindi niya namalayan na mga kaibigan na pala niya ang madadaanan nilang grupo.

“Brian?” pabulong na tawag ng isa sa kanila nang dumaan si Brian sa kanilang harapan. Bigla naman napalingon si Brian at laking gulat niyang makita ang mga kaibigan. Halos hindi maipinta ang kaniyang naging reaksyon lalo na at nakita siya ng mga kaibigan na isa siyang bodyguard.

Nagpanggap si Brian na hindi kilala ang mga ito dahil baka mapagalitan siya ng matandang babae. Iniwas niya ang tingin sa mga kaibigan at dumiretso sa paglalakad sa loob ng mall.

Gulat na gulat naman ang mga kaibigan ni Brian na natulala sa nakita. Kinabukasan, nang magkita-kita ang magkakaibigan, nagdahilan si Brian na tiyahin niya daw ang babaeng mayaman na nakita nila, at pinilit lamang siya nito na magsuot ng damit na katulad ng mga pangbodyguard.

Sa pagkakataon na ‘yon, pinili na ng magkakaibigan na kausapin na nang maigi si Brian.

“Brian, hindi mo kailangan magpanggap kung sino at ano ka,” panimula ng isa sa kanila.

“Wag mo nang lokohin ang sarili mo, hindi mo kailangan gawin ‘yon dahil kaya namin tanggapin kung sino ka ba talaga,” dugtong ng isa naman sa kaniyang mga kaibigan.

Nang sandaling ‘yon, bakas sa mukha ni Brian ang pagkalugmok at pagkalungkot.

“Brian, maging totoo ka lang sa sarili mo, para sa sarili mo,” sabi pa ng isa sa kanila.

Unti-unti nang bumuhos ang mga luha ni Brian at hindi na nito kinaya pang kimkimin ang nararamdaman.

“Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag sa inyo, pero tama ang nakita niyo. Nagta-trabaho ako bilang bodyguard sa isang mayaman na matrona tuwing sabado at linggo. Wala talaga akong sariling bahay at kotse, at nakikitira lamang ako sa aking amo,” kwento ni Brian sa mga kaibigan na punong-puno nang kahihiyan.

“Mahirap lang talaga ako. Sa katunayan nga ay gawa-gawa ko lang ang mga kwento ko sa inyo tungkol sa kayamanan ko, maging ang mga larawan na pinapadala ko sa chat group natin,” dagdag ni Brian.

“Sana…”

“Sana, mapatawad niyo ako sa panloloko ko sa inyo. Kayo na lang ang meron ako,” naiiyak na sabi ni Brian.

“Brian…” naiiyak na rin sabi ng isa sa kanila.

“Hindi mo kailangan maging mayaman para lang maging magkaibigan tayo. Sa katunayan nga Brian, matagal na namin napapansin yan sayo. Hinihintay lang namin na sa iyo manggaling ang totoo,” paglalahad ng kaibigan nito.

Sa mga sandaling ‘yon, napatunayan ni Brian na higit na matimbang ang pagmamahal at pagtanggap kaysa sa kahit anong yaman sa mundo. Mula man ito sa isang espesyal na tao o pamilya o kaibigan man ito magmumula.

Mula noon, natutunan nang mahalin ni Brian ang simpleng pamumuhay na mayroon siya.

Advertisement