“Myrna, kumusta ang tulog mo kagabi?” masiglang tanong ng biyenan ni Myrna na si Pamela.
“Maayos naman po ang tulog ko kagabi, mama,” nakangiting sagot ni Myrna.
“Mabuti naman kung ganun. Halika na rito at kumain na tayo,” aya ni Pamela sa kaniya na agad naman niyang sinunod. “Nga pala Myrna, pupunta ako mamaya sa Manila Hotel, makikipagkita ako sa mga amiga kong mayayaman. Pwede ba akong humingi ng pabor sa’yo?” tanong ni Pamela.
“Oo naman po, mama. Ano po ba iyon?” walang pag-aalinlangang wika ni Myrna.
“Maaari mo ba akong pagandahin mamaya? Alam mo naman na sosyal ang aking mga amiga at ayoko namang mapintasan nila akong losyang,” nakangising wika ni Pamela sa manugang.
“Oo naman, mama. Ako po ang bahala sa inyo mamaya. Pagagandahin ko kayo at pababatain upang may maibuga naman kayo sa mga amiga ninyo,” wika ni Pamela.
“Salamat naman kung ganun, Myrna. Kaya gustong-gusto kita kasi mabilis kang kausap,” masayang wika ng biyenan.
Katulad nang napag-usapan ay pinaganda nga niya ang biyenan na si Pamela, at tuwang-tuwa naman ito sa naging resulta. Mabait sa kaniya ang biyenan at minsan man ay hindi sila nagkaroon ng alitan. Lagi itong concern sa kaniya at madalas itong may dalang pasalubong kapag pumupunta ito sa kung saan-saang lugar. Kaya minsan, pinagseselosan siya ng dalawang bilas dahil mas paborito daw siyang manugang ni Pamela, dahilan upang kainisan siya ng mga ito. Sa kanilang tatlo, si Myrna lamang ang hindi nakakaangat sa buhay. Kaya tinatawag siya ng dalawa niyang bilas na isang charity case.
“Kumare, ang ganda naman ng aura mo ngayon!” buong paghangang wika ni Esabella ang kumare ni Pamela.
“Oo gawa iyan ng manugang kong si Myrna,” agad namang sagot ni Pamela.
“Ang swerte mo talaga sa manugang mong iyon. Galing na nga sa mayamang pamilya ay napakabait pa. Hindi kagaya sa mga manugang kong ang sasama ng mga ugali,” nakabusangot na wika naman ng isa pang kumare ni Pamela.
“Oo naman. Maswerteng-maswerte ako kay Myrna, kahit naman sa dalawa ko pang manugang ay maswerte ako,” tipid ang ngiting wika ni Pamela sa mga kaibigan.
“Ang galing nga ng mga manugang mo. Lahat galing sa mayayamang pamilya,” wika ni Esabella.
“Ganun kagaling ang mga anak ko sa pagpili ng mapapangasawa,” agad namang sagot ni Pamela. Kahit na ang totoo ay hindi naman talaga galing sa mayamang pamilya si Myrna, hindi niya kayang sabihin sa mga kaibigan ang katotohanan dahil nahihiya siya at ayaw niyang makantiyawan.
“Mama, kumusta ang lakad ninyo?” tanong ni Myrna sa biyenan pag-uwi nito.
“Maayos naman, anak. Gandang-ganda sila sa’kin at inggit na inggit sila dahil may manugang akong kagaya mo,” buong pagmamalaking kwento ni Pamela sa manugang.
“Nakakahiya naman kung ganun ma,” nahihiyang wika ni Myrna.
Minsan sa sobrang bait ng biyenan niya napapaisip si Myrna kung manugang niya lang ba ito o totoo niyang nanay. Lubos ang pasasalamat niya dahil napakabait nito sa kaniya.
“Myrna, sumama ka pala sa’kin ah, sa susunod na pagkikita namin ng mga kumare ko,” wika ni Pamela na agad namang sinang-ayunan ni Myrna.
Makalipas ang isang linggo ay nagkaroon ulit ng pagkikita ang magkakaibigan kaya sinama na siya nito upang ipakilala sa mga sosyal nitong amiga.
“Ikaw na ba si Myrna? Ang dami naming magagandang naririnig mula sa’yo. Alam mo bang ang swerte ng biyenan mo sa’yo kasi bukod sa galing ka sa disente at mayamang pamilya ay napakabait mo pa,” masayang wika ng kaibigan ng kaniyang biyenan.
“Ha?” nauutal niyang wika.
“Hindi ba, Pamela? Sabi mo mayaman ang pamilya niya at may business pa sila sa ibang bansa at bukod dun ay napakabait pa niya sa’yo. Kung magkakaroon ako ng ganiyang manugang ay napakaswerte ko na talaga,” segundang wika pa ng amiga nito.
Nagtatanong ang mga mata ni Myrna na napatingin siya sa kaniyang manugang na si Pamela. Ano ba ang pinagsasabi ng mga ito? Hindi naman siya galing sa mayamang pamilya at wala rin silang negosyo sa ibang bansa kaya bakit nagsisinungaling ang manugang niya sa mga amiga nito?Akmang ibubuka na niya ang bibig upang sumagot nang biglang nagsalita ang manugang.
“Bakit ba iyan ang pinag-uusapan natin? Change the topic na lang muna tayo. Naiilang na ang manugang ko e,” iwas ni Pamela sa usapan kaya agad nagtawanan ang mga ito at nagsibalik sa kani-kanilang upuan.
“Bakit ganun ang mga sinasabi nila, mama? Bakit kailangan mong magsinungaling sa kanila? Bakit kailangan niyo pong itago ang tunay kong pagkatao? Kinakahiya niyo po ba ako sa kanila, mama?” halos mangiyak-iyak na wika ni Myrna sa manugang. Ang buong akala niya ay tanggap nito ang buong siya at tunay ang pinapakita nitong kabaitan sa kaniya. Mali pala ang lahat.
“Makinig ka sa paliwanag ko anak,” wika ni Pamela.
“Sa lahat ng pinakita mo ma, alin doon ang totoo?” desperadang tanong ni Myrna.
“Pino-protektahan lang kita Myrna, alam mo naman na mga matapobre ang mga kaibigan ko. Kapag nalaman nila ang katotohanang hindi ka nanggaling sa mayamang pamilya ay hindi nila pahahalagahan ang kabaitan mo bilang manugang ko. Wala silang pakialam sa kabaitan ng isang tao kung isa naman itong kapos-palad. Ang mahalaga sa kanila ay ang yamang taglay ng isang tao. Pero hindi ko alintana ang kahirapan mo, Myrna. Mahal kita na parang tunay na anak, kaya sana intindihin mo kung bakit kinailangan kong magsinungaling para maprotektahan ka sa mga taong may matataas na standards sa buhay,” paliwanag ni Pamela dahilan upang matahimik si Myrna.
Naiintindhan niya ang kaniyang manugang. Tama ito at kahit minsan naman ay wala itong ipinakitang masama sa kaniya. Kinailangan lang nitong magsinungaling upang hindi ito makantiyawan at hindi rin siya husgahan ng mga taong nakapaligid dito.
“Pero mali pa rin ang ginawa niyo, mama. Hayaan niyong ako na mismo ang magtatama sa maling iniisip ng mga amiga mo,” wika niya at saka naglakad patungo sa grupong nag-uusap.
“Hello po ako nga po pala si Myrna, ang manugang ni Mrs. Pamela. Kaklaruhin ko lang po sana ang lahat ng maling akala ninyo tungkol sa’kin. Hindi po ako galing sa mayamang pamilya. Pero may sarili sakahan at lupa po ang mga magulang ko. Hindi naman kami ganun kayaman kumpara sa inyo at sa biyenan ko pero galing po ako sa disente at mapagmahal na pamilya. Tinuruan po kaming magkakapatid ng mga magulang namin na huwag mang-mata ng ibang tao kung ‘di tignan sila ng pantay-pantay dahil pare-pareho lang naman tayong tao. Pasensya na rin kayo kung nagsinungaling ang manugang ko tungkol sa’kin.
Naiintindihan ko siya, kahit naman siguro ako kapag nagkaroon ako ng matapobreng mga kaibigan. Pipiliin ko rin na protektahan ang mga mahal ko sa buhay. Ang tataas kasi ng standards sa mundo na kung tutuusin kapag namat*y tayo’y damit lang naman na nakasuot sa’tin ang mabibitbit natin patungo sa kabilang buhay. Iyon lang po. Ipinaliwanag ko ang sarili ko para hindi naman ako makaramdam ng hiya kapag nagkita-kita tayong muli. Maraming-maraming salamat sa oras,” mahabang paliwanag ni Myrna at nakangiting nilingon ang biyenan na may malawak ding ngiti sa labi.
Minsan mas maiging magpakatotoo sa mundong puno ng mapang-husga. Nagduda man si Pamela sa intensyon ng kaniyang biyenan ay agad naman niya itong naintindihan. Hindi man niya tunay na ina si Pamela, alam naman niya sa puso niyang kakampi niya ito. Dahil sa nangyari ay mas lalo pa silang nagkalapit na dalawa.