Nilamon ng Labis na Depresyon
Masipag at masunurin si Andre sa trabaho. Wala sa bokabularyo niya ang salitang tamad at late, dahil naniniwala siyang kapag mahal mo ang trabaho mo, mamahalin ka rin nito.
“Good morning guard,” masiglang bati ni Andre kay manong guard.
“Good morning din Sir Andre,” nakangiting tugon naman ng guard sa kaniya.
Gusto ni Andre na simulan ang umaga niyang masaya upang masaya lang ang buong araw. Hanggang sa hindi inaasahan ay biglang nagkaroon ng problema sa kaniyang trabaho. Gumuho ang itinatayong building na siya ang may hawak. Ayon sa source ay kurapsyon ang dahilan. Tinipid ang mga materyales kaya hindi matibay ang pundasyon ng naturang gusali.
“Pinagkatiwalaan kita, Andre! Hinayaan kita sa lahat dahil malaki ang tiwala ko sa’yo pero bakit ganito ang nangyari? Hindi mo binantayan ang taong pinagkatiwalaan mo. Ano na lang ang sasabihin ng mga investors natin? Iisipin nila na hindi tayo marunong tumupad sa usapan at nangungurakot tayo! Isang malaking kasiraan ito sa’tin!” galit na singhal ni Mr. Dela Fuente kay Andre.
“P-pasensiya na po kayo sir,” ang tanging sambit ni Andre. Pati siya ay walang maisip na sabihin.
“Akala ko pa naman ay magaling ka,” huling wika ni Mr. Dela Fuente bago ito umalis sa harapan niya.
Ganun talaga ang mga amo. Ilang beses na niyang napatunayan ang galing niya rito. Ilang pera na ang naipasok niya sa kumpanya at maraming beses na itong natuwa dahil sa mga magaganda niyang nagawa. Ngunit dahil sa isang beses na pagkakamali ay nakalimutan na nito kung paano siya naging magaling noon. Malungkot na naglakad si Andre pabalik sa kaniyang opisina. Masyado siyang nagtiwala kay Ramon, ang kaniyang foreman. Pinagkatiwala niya rito ang lahat dahil ilang beses na rin niyang napatunayan ang katapatan nito sa trabaho. Kaya hindi niya lubos maisip kung bakit nagawa nitong kurakutin ang pera at magtago ngayon. Kailangan niyang mag-isip ng paraan.
Mula noon ay naging malungkutin na si Andre. Daig pa niya ang taong pasan ang buong daigdig. Nahanapan naman niya ng solusyon ang problema ngunit hindi na niya nagawang ibalik ang tiwala ni Mr. Dela Fuente. Hindi na ulit nagtiwala ang amo niyang pahawakin siya ng malalaking trabaho. Kulang na nga lang ay hilingin nitong mag-resign na lang siya.
“Palpak ka kasi kaya tingnan mo ngayon, hindi na nagtiwala pa ulit sa’yo ang amo natin. Masyado ka kasing nagmamagaling, kaya sobrang sakit ng pagbagsak mo e!” natatawang wika ni Tyron, isa sa kasamahan niya.
“Ano pa ba ang silbi mo sa kumpanyang ‘to Andre kung wala ka nang proyektong hinahawakan ngayon?” segunda naman ni Ruel.
“Malamang p’re hinihintay na lang ni Mr. Dela Fuente na magpasa ka ng resignation letter. Hindi ka niya magawang tanggalin kaya ikaw na ang magkusang umalis kung may hiya ka pa sa sarili mo,” dagdag pangungutya naman ni Dylan at sabay na nagtawanan ang tatlong lalaki.
“Mag-iingat din sana kayong hindi magaya sa’kin. Hindi sa lahat ng panahon ay nasa itaas tayo. Pare-pareho lamang tayong trabahante sa kumpanyang ito. Kahit gaano ka kagaling at ilang beses na bumilib ang amo natin sa taglay niyong kakayahan. Isang maling hakbang lang ang pwedeng sumira ng lahat. Kaya humalakhak kayo ng todo ngayon habang nasa itaas pa kayo. Kasi sa totoo lang ang sakit talagang lumagapak,” seryosong wika niya at hindi na hinintay ang sasabihin ng mga ito. Agad na siyang tumalikod upang layasan ang mga kasamahang akala mo kung sino makapagsalita.
Pag-uwi sa bahay ay labis na kalungkutan ang lumukob sa puso ni Andre. Ilang araw na siyang malungkot at umiiyak mag-isa habang sinisisi ang sarili sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Dahilan upang mawalan ng tiwala sa kaniya si Mr. Dela Fuente. Hindi na niya alam kung paano pa ibabalik ang kaniyang dating sigla. Kinuha niya ang kaniyang cutter upang lasl*sin ang kaniyang pulso. Tatapusin na niya ang lahat ng kaniyang paghihirap. Ayaw niya sa pakiramdam na malungkot mas nanaisin pa niyang m*matay na lang.
Kinabukasan ay nagising si Andre na nasa Hospital.
“Anak, salamat sa diyos at buhay ka,” masayang sambit ng kaniyang ina na si Melba.
“Ma?” labis na pagtatakang wika ni Andre. Akala niya’y p*tay na siya? Kaya bakit hanggang ngayon ay buhay pa siya?
“Huwag mo nang uulitin iyon, anak. Hindi sapat ang problema upang kit*lin mo ang buhay na handog sa iyo ng Panginoong Diyos,” humahagulhol na wika ni Melba habang yakap-yakap ang anak. “May bahaghari sa dulo ng bawat sakunang dumarating. Hintayin mo lang anak, magiging maayos din ang lahat,” patuloy nito. Walang masabing humagulhol na lang rin ng iyak si Andre dahil sa sinabi ng ina.
Nagbakasyon muna ng dalawang linggo si Andre upang makabawi ng lakas. Nang bumalik siya sa trabaho ay agad siyang pinatawag si ni Mr. Dela Fuente sa opisina nito kaya labis na kaba ang lumukob sa kaniyang dibdib. Pagagalitan ba siya nito at sasabihing mag-resign na lang?
“Andre, maayos na ba ang pakiramdam mo?” bungad na tanong ni Mr. Dela Fuente.
“Opo,” maiksing sagot naman ni Andre.
May inabot itong isang sobre at saka nagsalita. “Ipinagkakatiwala ko sa’yo ang malaking proyekto na ito, Andre. Alam kong magaling ka at wala akong ibang maisip na pagbibigyan ng proyektong ito. Sana ipangako mo sa’kin na hinding-hindi mo ako bibiguin sa pangalawang pagkakataon na ibinigay ko sa’yo,” wika ni Mr. Dela Fuente.
Hindi malaman ni Andre kung iiyak ba siya o tatawa dahil sa second chance na ibinigay ng amo niya sa kaniya. “Pinapangako ko pong hinding-hindi na ako magiging pabaya sa pagkakataong ito. Maraming-maraming salamat po talaga sir,” mangiyak-iyak niyang wika.
“You deserve a second chance, Andre. Kaya sana huwag mong sayangin ito,” nakangiting wika ni Mr. Dela Fuente, sabay tapik ng braso niya.
At gaya nga ng ipinangko niya rito ay mas pinagbutihan niya ang trabaho at hindi na basta ipinagkatiwala sa iba. Tama ang kaniyang ina. Hindi sapat ang problema upang tapusin ang buhay na ibinigay ng Panginoon. Binigyan ka niya ng pagsubok dahil alam niyang kaya mo iyong lampasan. Huwag magpadala sa labis na depresyon. Manalig at magtiwala sa Diyos Amang may likha. Kakayanin mo ang lahat kapag matatag ang pananampalataya mo sa kaniya.