Inday TrendingInday Trending
Nang Dumating Siya Sa Buhay Ko

Nang Dumating Siya Sa Buhay Ko

Isang mahusay na sapatero si Mang Lucio. Araw-araw ay dinadagsa ng mga tao ang kanyang pwesto sa palengke para magpagawa ng sapatos dahil sa matibay, pulido at malikhain niyang paggawa.

“Bilib talaga ako sa galing mo sa paggawa ng sapatos. Paano mo ba naiisip ang ganyang istilo?” tanong ng isa mga kustomer niya.

“Napakalaki ng iyong utak, ginoo. Ikaw pa lang ang nakakagawa ng ganitong uri ng sapatos. Nakakamangha!” wika naman ng isa pang babaeng kustomer na ‘di makapaniwala habang tinitingnan ang isa sa mga gawa niyang sapatos.

Sa lahat ng papuri, matipid na ngiti lamang ang iginagawad ni Mang Lucio. Laking tuwa naman ng kanyang anak na si Cherry sa mga papuri sa kanyang ama. Para sa bata ay ipinagmamalaki niya si Mang Lucio ‘di lang bilang mahusay na sapatero kundi bilang mabait at mapagmahal na ama.

Madalas ay kinaiinggitan si Cherry ng kanyang mga kaklase at kalaro dahil mayroon siyang ama na isang mahusay na sapatero. Lagi kasing bago ang sapatos niya tuwing sasapit ang pasukan, araw ng kaarawan, araw ng Kapaskuhan at sa tuwing nakakatanggap ng medalya ng karangalan sa eskwelahan.

“Buti ka pa Cherry, laging bago ang sapatos mo. Ako, lagi na lang pamana ng ate ko. Sa akin kasi napupunta ang lahat ng pinagkaliitan niya,” himutok ng isang kaklaseng babae.

Siya kasi ang nag-iisang anak ng mag-asawang Mang Lucio at Aling Marina kaya lahat ng gustuhin niya ay nasusunod gaya na lamang ng palaging paggawa sa kanya ng magagandang sapatos ng ama. Ngunit ‘di inasahan ng bata na magbabago iyon sa pagdating ng isang bagong biyaya.

“Talaga, magkaka-anak na ulit tayo? Magkakaroon na ng kapatid si Cherry?” masayang tanong ni Mang Lucio sa asawa.

“Oo, Lucio. Ipinagbubuntis ko ang bunso nating anak,” sagot ni Aling Marina.

Mabilis na lumipas ang siyam na buwan at iniluwal na ang sanggol. Laking tuwa ni Mang Lucio nang lumabas sa sinapupunan ng asawa ang isang sanggol na babae. Mayroon itong maputi at mamula-mulang balat.

“Kay gandang bata! Manang-mana sa iyo ang anak natin,” sambit ni Mang Lucio.

Hindi maintindihan ni Cherry ang mararamdaman kung matutuwa o malulungkot sa pagdating ng kanyang kapatid. Sa isip niya ay may kahati na siya sa pagmamahal at atensyon ng kanyang mga magulang. May kaagaw na rin siya sa pagsusuot ng magagandang sapatos na gagawin ng kanyang ama.

Sa paglaki ng kanyang kapatid na pinangalanang Jennifer ay nagtataglay ito ng maamo at magandang mukha. Marami ang nakapansin na mas angat ang ganda nito kaysa sa kanya.

“Napakaganda talaga ni Jennifer, manang-mana sa ina. Higit na maganda kaysa sa nakatatanda niyang kapatid,” sabi ng isa sa kanilang tsismosang kapitbahay. Mabuti sana kung ang kapitbahay lang nilang mga tsismosa ang nagsasabi noon, pero naririnig din niya na sinasabi rin iyon ng iba nilang kamag-anak.

Hindi iyon nakaligtas sa pandinig ni Cherry kaya nagkaroon siya ng hinanakit sa mga taong nakapaligid sa kanya. Nagkaroon din siya inggit sa kanyang bunsong kapatid.

Nang sumapit ang ikapitong taong kaarawan ni Jennifer ay niregaluhan ito ni Mang Lucio ng isang napakagandang sapatos. Sinadya talagang gastusan ng mga mamahaling materyales ang ginawang sapatos na para lamang sa bunsong anak.

“Maligayang kaarawan, anak! Ito ang sapatos na nilikha ko para sa iyo,” sabi ni Mang Lucio sabay abot ng isang kahon na binalutan ng makulay na papel.

“Naku, maraming salamat po itay!” tuwang-tuwang sabi ni Jennifer.

Kitang-kita ni Cherry ang napakagandang regalo ng ama sa kapatid.

Hindi niya naiwasang hindi magmukmok sa araw na iyon. Imbes na makihalubilo sa mga bisita ay mas ginusto niyang pumasok sa sariling kwarto at nagkulong.

Maya-maya ay may kumatok sa pinto at may narinig siyang boses na nagsalita mula sa labas.

“Cherry anak, ang itay mo ito. Maaari bang pumasok?” sabi nito sa malakas na tono.

Wala siyang nagawa kundi buksan ang pinto ng kanyang kwarto at pinapasok ang ama.

“Bakit po itay?”

“Akala mo ba ay hindi ko napapansin na nagseselos ka sa kapatid mo? Noon pa man na ipinanganak siya ay halata ko na hindi ka kumportable na nagkaroon ka ng kapatid. Bakit anak, anong problema?” tanong nito.

Hindi na napaglabanan ni Cherry ang matinding kalungkutan at napa-iyak na sa harap ni Mang Lucio.

“Aaminin ko po na nagseselos po ako kay Jennifer. Mula po nang dumating siya sa buhay natin, pakiramdam ko po ay may kahati na ako sa atensyon at pagmamahal niyo ni inay. Siya rin po ang palaging bukambibig at pinupuri ng ating mga kamag-anak. May kaagaw na rin po ako sa mga ginagawa niyong magagandang sapatos,” hayag ni Cherry.

“Iyan ang iniisip mo? Na ang iyong kapatid ay isang karibal? Hindi iyan totoo, anak. Dumating siya sa buhay namin ng iyong ina at sa buhay mo dahil gusto ng Diyos na magkaroon ng isa pang miyembro ang ating pamilya. Dumating siya sa buhay natin para mahalin tayo. Hindi mo dapat ituring na karibal ang iyong kapatid, sa halip ay mahalin mo siya dahil kapag dumating ang araw na tuluyang kaming pumanaw ng inyong ina ay siya na ang makakasama mo sa buhay. Huwag mong kainggitan kung niregaluhan ko siya ng sapatos dahil bilang anak ko rin siya ay karapatan din niya na magkaroon ng magagandang bagay mula sa akin. Pareho namin kayong mahal ng iyong ina. Kayo ang pinaka-importanteng biyaya sa amin,” paliwanag ni Mang Lucio.

Tila naunawaan na ni Cherry ang nais ipakahulugan ng ama. Dali-dali niyang niyakap ang ama at hinalikan sa pisngi.

“Patawarin niyo po ako, itay. Hayaan niyo po, hindi na po ako maiinggit at hindi ko na pagseselosan si Jennifer. Mamahalin ko na po siya gaya po ng pagmamahal niyo sa kanya at pagmamahal niya sa atin,”saad niya.

Magkasamang lumabas sa kwarto ang mag-ama. Nang makita ni Cherry ang kapatid ay niyakap niya ito nang mahigpit at binati sa kaarawan nito.

Mula noon ay hindi na nakaramdam ng inggit at selos si Cherry. Palagi na niyang kasama ang kapatid na si Jennifer sa kanyang paglalaro. Magkasama ring pinagsasaluhan ng dalawa ang magagandang sapatos na ginagawa sa kanila ng kanilang ama.

Advertisement