Inday TrendingInday Trending
Kailangan ng Pera Para Sumaya!

Kailangan ng Pera Para Sumaya!

Parehas na naturingang masisipag sa buhay ang mag-asawang sina Edrian at Miles. Halos apat na taon rin bago sila nagpakasal dahil nag-ipon muna silang mabuti at dalawang taon naman bago nagbuntis si misis.

“Mahal, alam kong maninibago ka ngayon na mananatili ka sa bahay. Pero i-enjoy mo lang ang buhay nanay, ha? Ako na ang bahala sa inyo ni baby,” wika ni Edrian sa kaniyang asawa.

“Kinakabahan ako, hindi ko alam kung kaya ko ba. Baka maiyak ako kapag wala na akong trabaho, wala nang perang dadaan sa mga kamay ko. Diyos ko! Ang pinakabangungot ko sa buhay ay ‘yung pati napkin ko ay hihingin ko sa’yo. Pero sana ‘wag naman, kasi may ipon pa naman ako, kaya natin ‘to,” pahayag naman ni Miles sa asawa habang hawak ang kaniyang tiyan. Ilang oras na lang ay makikita na nila ang kanilang pinakahihintay na supling.

Planadong-planado na nila ang mga gastusin at mangyayari. Nakabili na sila ng gamit at nakapagbayad na rin ng kanilang magiging bill sa ospital. Hanggang sa lumipas ang labing limang oras na pagli-labor ni Miles ay lumabas din sa wakas ang bata.

At sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkaroon ng maraming komplikasyon ang kanilang anak.

“Mahal, kailangan nating galawin ‘yung savings natin. Ang laki na ng bill ni baby,” wika ni Edrian sa babae.

“Sige lang, ako na ang bahalang magpalit nun,” mabilis na sagot naman ni Miles.

“Ako na ang bahala, magpahinga ka lang at magpalakas kayo ni baby,” baling ng lalaki.

Hindi na sumagot pa si Miles at tumalikod na lamang sa mister saka inisip kung paano na sila ngayong ang daming gastusin.

Lumipas ang halos dalawang linggo at nakauwi na ang mag-anak. Umabot ng halos kalahating milyon ang kanilang binayaran. Nagkaroon kasi ng butas sa puso ang kanilang anak at nagalaw ang lahat ng ipon nilang mag-asawa na dapat ay pampatayo na nila ng bahay.

“Mahal, kung pwede sana humanap ka na ng katulong,” pahayag ni Miles sa asawa.

“Bakit, mahal? ayaw mo bang alagaan ang anak natin? Sabi ng doktor, mas maganda kung breastfeeding ang gagawin natin para mas mabilis at siguradong gagaling si baby,” paliwanag naman ni Edrian sa asawa.

“Ang dami nating gastos, wala na tayong pera. Bawat hinga natin kailangan natin ng pera,” baling sa kaniya ng babae.

“Kaya nga ako nandito, ‘di ba? May trabaho naman ako, may negosyo naman tayo. Bakit hindi mo muna bigyan ng pansin si baby? Saka kapag nagkatulong tayo ay madadagdagan lang ang gastusin natin,” sagot naman ni Edrian saka ito umupo para kumalma.

“Alam kong maraming kang iniisip pero hayaan mo ako, kaya ko ‘to bilang tatay. Kaya ko ‘to,” dagdag pa niya.

Ngunit hindi nakinig si Miles sa asawa. Kinuha niya ang laptop at nagtrabaho siya sa bahay kahit nga napapabayaan na niya ang kaniyang anak. Nagbitaw kasi ito sa luma niyang trabaho para nga tutukan ang kaniyang pagbubuntis ngunit hindi naman niya inaasahan na magkakaroon ng komplikasyon ang anak at mauubos ang kanilang pera.

“Mahal, ‘yung anak mo naman! Kanina pa umiiyak ‘yan, ano bang nangyayari?” galit na salubong ni Edrian. Naabutan niyang nagko-computer ang asawa at umiiyak ang kanilang dalawang buwang sanggol na anak.

“Hayaan mo lang umiyak, kailangan niya ‘yan sa baga niya. Saka busy ako, nagtratrabaho ako, kailangan ko ng pera,” sagot naman ni Miles sa asawa. Ni hindi man lang niya sinulyapan ang anak dahil abalang-abala siya sa kaniyang ginagawa.

“Sabi ng doktor, huwag hayaang umiyak ng sobra kasi masama sa puso ng bata. Bakit ba kating-kati kang magkaroon ng pera! Akala ko ba mahal mo ang anak natin, bakit hindi mo man lang mabigyan ng atensyon itong anak mo?!” doon na tuluyang sumabog ang galit ni Edrian. Tumaas ang kaniyang boses at pumatak ang kaniyang luha.

“Puro ka na lang walang na tayong ipon, wala na tayong pera, puro ka na lang pera! Kailan ka ba hihinto sandali para anak mo, para sa atin?” dagdag pa ng lalaki.

Doon biglang napahinto si Miles sa kaniyang ginagawa, para siyang nagising mula sa masamang panaginip nang mapagtanto niyang umiiyak ang kaniyang asawa.

“Hindi naman sa ganun, kasi ano… Kasi gusto lang kitang tulungan sa pera, alam ko kasing nahihirapan ka kasi ang daming naging gastusin kaya nagtratrabaho ako,” paliwanag ng babae.

“Kailan mo ba ako pagkakatiwalaan na kaya ko kayong buhayin? Alam kong malaki ang kinikita mo, alam kong kaya mong kumita ng malaki. Pero pwede bang kahit ngayon lang, iparamdam mo naman sa akin na ako ang tatay at lalaki sa pamilyang ito? Kung sa tingin kong nahihirapan ako, magsasabi ako sa’yo. Kung gusto mo talagang tulungan ako at ang pamilya natin, asikasuhin muna natin si baby dahil hindi naman siya habambuhay na ganito kaliit. Magtiwala ka naman sa’kin, mahal, kaya ko ang issue ng pera, kailangan ko lang ngayon ay magpakananay ka,” nagsusumamo na wika ni Edrian.

Mabilis na tumayo ang babae at niyakap niya ang kaniyang mag-ama. Hindi niya akalain na ganun na pala ang mensaheng naipaparating niya sa mister. Hindi niya kailanman gustong ipakita na wala siyang tiwala rito ngunit dahil mas tinatalo siya ng takot na mawalan ng pera ay hindi na niya magampanan ang mas kailangan sa mga oras na iyon. At ‘yun nga ay ang maging nanay sa kanilang anak at iparamdam sa kaniyang mister na may tiwala siya rito.

Simula noon ay natutunan ni Miles na huminto saglit at ipagkatiwala ang pinansyal na katayuan nila sa kaniyang mister habang siya naman ang nag-aasikaso sa kanilang anak at sa kanilang tahanan. Ngayon, mas malinaw sa kaniya ang sikreto ng maayos na pagsasama at ‘yun ay ang pakikipag-usap sa iyong asawa. Pagbibigay ng tiwala at suporta. Sa isang pamilya rin ay may kani-kaniyang responsibilidad at hindi sa pera lamang lahat nakatuon ang mga ito.

Advertisement