“Ate Marie?” katok ng batang si Jessa sa bahay ng kapitbahay nilang si Ate Marie, alas nueve y media ng gabi.
“Oh, Jessa, bakit?” bungad naman ni Marie nang mapagbuksan ang labing isang taong gulang na anak ng kapitbahay nilang si Aling Fe. Pupungas-pungas pa siya sa kaniyang mga mata, dahil naalimpungatan lamang siya mula sa pagkakahimbing dahil sa katok ng batang si Jessa.
“Ate, baka raw po pupuwedeng mangutang si mama ng isang daan saʼyo. Hindi pa po kasi umuuwi si papa, e. Hindi pa po kami kumakain. Iyak na po nang iyak si baby kasi wala pa pong gatas, e,” saad naman ng bata na agad na ikinagulat ni Marie.
“Ha? Anong oras na ah! Naku, sandali. Pumasok ka munaʼt hintayin mo ʼko rito. May ibibigay ako saʼyo.”
Dumiretso si Marie sa kaniyang kusina at agad na kikuha ang iniluto niyang pininyahang manok kanina, para sana pang-umagahan niya bukas. Ibinalot niya iyon kasama ng kaning natira niya kanina. Awang-awa siya sa batang si Jessa nang mabungaran niya itong nakahawak sa tiyan, tanda na gutom na gutom na ito.
“Jessa, oh. Pasensiya ka na, ha? Magsasaing sana ako kaya lang baka gutom na kayo, kaya ito na lang ang ibibigay ko. Malinis naman ito,” sabi ni Marie kay Jessa sabay abot ng ibinalot niyang mga pagkain. Inabutan niya rin ito ng pera. “Huwag na ninyong bayaran ʼyan, ha? Halikaʼt sasamahan kitang bumili ng gatas.”
“Salamat po, Ate Marie. Malaking tulong po ito sa amin,” maluha-luha pang pasasalamat ni Jessa sa kaniya.
Sinamahan niya si Jessa sa tindahan na bumili ng gatas para sa kapatid nitong kapapanganak lang.
“Oh, Marie, sinoʼng pinagagatas mo?” biglang napatanong ang tinderang si Aling Asunsyon sa kaniya.
“Naku, hindi ho ako. Para ho iyan sa kapatid ni Jessa. Wala pa raw ho kasi ang papa niya, e. Nangungutang sa akin. Naawa naman ako,” sagot na lamang ni Marie.
“Aba, e, talagang napabait mo, Marie. Pagpalain ka ng Diyos,” sabi pa ni Aling Asunsyon.
“Sana nga ho.”
“Mahirap magtinda-tinda sa online hindi ba? Mabutiʼt may ekstra ka pang pangtulong? Aba, e lagi kong nababalitaang tumutulong ka bastaʼt alam mong nangangailangan talaga, e. Bakit mo ba ʼyan ginagawa?” pang-uusyoso pa ni Aling Asunsyon habang nagbabalot ito ng binibili ni Marie.
“Naku, Aling Asunsyon, hindi naman ho kailangan ng dahilan kung gusto ko talagang tumulong. Basta na lang ho kasi iyan dumarating. Kung mayroon naman akong ibibigay kapag may nanghihingi ng tulong, bakit hindi ho, ʼdi ba? Kung ako ngang kahit walang pinag-aralan ay binibigyan ng Diyos ng pagkakataong kumita, ibig sabihin ay marami akong blessings na dapat i-share. Kaya nga ho, sabi ko sa sarili ko, tutulong ako kahit ito lang ang mayroon ako.”
Napangiti naman ang kausap sa naging sagot niya at nagpatango-tango habang ibinibigay sa kaniya ang kaniyang binili. Matapos niyang mabayaran ang binili ay agad na silang nagpunta sa bahay nina Jessa upang iabot mismo sa ina nito ang kaniyang ibinigay. Nag-aalala din kasi siya sa kalagayan ng pamilya kaya gusto niya mismong makita ang mga ito.
“Maraming salamat sa ʼyo, Marie. Hindi ko talaga alam kung paano ako makakabayad sa kabaitan mo sa amin,” maluha-luhang pahayag ng ina ni Jessa.
“Wala ho iyon. Aalis na ho ako nang makakain na rin po kayo, kain ka na, Jessa ha? Sige,” paalam ni Marie.
Halos makilala si Marie sa kanilang lugar dahil sa pagiging mabuti niyang kabaranggay. Halos lahat ng pagtanungan tungkol sa kaniya ay alam kung saan sila ituturo. Walang sinuman ang may masamang tingin kay Marie sa lugar na iyon, dahil na rin sa pagmamahal sa kaniya ng mga tao, lalo na ng mga natulungan niya.
Mag-isa lamang si Marie sa bahay. Wala naman kasi itong pamilya dahil lumaki lamang ito sa ampunan. Ni hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makatapos ng pag-aaral dahil sa hirap ng buhay, ngunit ganoon pa man ay hindi iyon naging kabawasan sa kaniyang pagkatao, dahil tumanda si Marie na may mabuting puso at malinis na kalooban.
Dahil doon, hindi nagtagal at maraming kalalakihan ang nabighani sa dalaga. Nakilala ni Marie si Paul na siyang kapareho niyang mabuting tao rin. Hanggang sa ikasal ang mga ito ay nanatiling maganda ang kanilang reputasyon sa lugar na iyon na kanilang maipagmamalaki sa magiging mga anak nilang dalawa. Yamang kahit sino ay hindi kayang nakawin sa kanila.