Matalik na magkaibigan sina Jasel at Billy simula pa lamang nang sila ay magkaisip. Magkapitbahay kasi sila at magkaibigan din ang kanilang mga ama.
Noon pa man ay talagang malapit na sa isaʼt isa ang turingan ng dalawa, lalo pa at parehas silang solong anak ng kanilang mga magulang. Tumanda na lamang ang dalawa at nagka-asawa, nagka-anak ay sila pa rin ang pinakamatalik na magkaibigan sa lahat.
“Pare, gusto ko talagang magbukas ng negosyo. Maganda kasi ang offer sa akin ni Epong tungkol doon sa itatayo niyang tindahan ng bigas sa kanto. Makikisosyo ako,” minsan ay nabanggit ni Jasel sa kaibigang si Billy, nang magkita sila sa tindahan.
“Aba, pare, mukhang maganda ʼyan, ah!” komento naman ni Billy.
“Ikaw, pare, ayaw mo bang makisyoso? Aba, e, malaki-laki rin ang kikitain doon kung sakali dahil tayo ang pinakaunang magkakaroon ng malakihang bigasan dito sa lugar natin, kung sakali,” pangungumbinsi mayamaya ni Jasel kay Billy.
“Pag-iisipan ko muna. Hindi kasi natin kilala pa ʼyang si Epong, e. Baka mamaya niloloko lang tayo niyan.” Napakamot pa si Billy sa ulo.
“Naku, hindi iyon. Huwag kang negatibo mag-isip, pare.”
Pilit pang kinumbinse nang maigi ni Jasel si Billy kayaʼt kalaunan ay napapayag niya rin ito. Hindi nga nagtagal at nakapagbigay sila ng pera kay Epong sa pamamagitan ng paglo-loan sa kani-kanilang pinagtatrabahuhang kompanya.
Lumipas ang ilang araw na inabot na ng linggo at buwan ngunit walang malaking bigasang naitayo sa sinabing lokasyon ni Epong kaya naman agad na hinagilap ng dalawa ang lalaking bigla na lamang naglaho na parang bula!
“Pare, naloko tayo!” nanggagalaiting hiyaw ni Billy sa kaibigang si Jasel.
“Bwisit na Epong ʼyan! Bakit ganito ang ginawa niya, e, ang ayos-ayos ng usapan namin?!” ganting hiyaw naman ni Jasel.
“Nagpapapaniwala ka kasi agad doon, Pareng Jasel, e, hindi mo pa naman lubos na kakilala ʼyon! Ang masama pa nito, idinamay mo pa ako!” Nakailang palatak si Billy sabay lamukos sa kaniyang sariling mukha.
“Bakit mo ako sinisisi, pare? Parehas lang tayong naloko rito ah!” kunot-noong sagot naman ni Jasel sa matalik na kaibigan.
“Hindi naman kasi sana ako maloloko kung hindi mo ako pinilit. Palibhasa, hindi mo iniisip ang pamilya mo, dahil nagtatrabaho naman ang asawa mo kahit wala kang kita, e ako? Alam mo namang ako lang ang provider ng pamilya ko!”
“At ano ang gusto mong palabasin, pare? Na inutil ako? Aba, hindi ko naman kasalanan kung tamad ʼyang asawa mo!”
Patuloy na nagsagutan ang dalawa hanggang sa mahantong na sila sa pisikalan. Kung hindi pa sila nakita ng kani-kaniya nilang mga asa-asawa ay baka hindi na sila tumigil pa sa pakikipambuno sa isaʼt-isa.
Simula nang mangyari ang mga bagay na iyon ay natigil ang komunikasyon ng magkaibigang sina Jasel at Billy. Animo lahat ng kanilang pinagsamahan ay naglaho nang dahil sa pera. Pareho silang nasasaktan ngunit mas pinili nilang magalit sa isaʼt-isa. Pumagitna ang pera sa pinakamatatag na pagkakaibigan noon ng dalawa at sa isang iglap ay nasira ito.
Ganoon pa man, nang silaʼy mahimasmasan na, parehong nakakaisip ang dalawa tungkol sa kanilang mga pinagsamahan. Hindi naman kasi sila sanay na sila ay nag-iiwasan sa tuwing magkakasalubong sa daan. Nang gabing iyon, lumabas ng bahay ang dalawang magkaibigan upang magtungo sa bahay ng isaʼt isa nang muli silang magkasalubong sa daanan…
“Pare?!” parehas nilang nabigkas nang silaʼy magkagulatan.
Wala nang sali-salita paʼt agad na nagyakap ang dalawa. Pareho silang nabunutan ng tinik sa lalamunan nang sila ay pareho nang magkapatawaran.
“Pasensiya ka na talaga, pare, kung idinamay kita sa kamalasan ko. Akala ko kasi talaga, magiging maayos ang lagay ng hanap-buhay na ʼto,” nayuyukong pag-amin ni Jasel sa kaniyang maling nagawa. Tinapik siya ni Billy sa balikat.
“Pare, ako nga ang dapat na humingi sa ʼyo ng tawad. Papaano kung tumama ka at nagtagumpay ang negosyo? Siguro hindi ko nagawa ʼyon saʼyo. Hindi dapat kita sinisi sa bagay na ginusto ko rin naman,” paliwanag naman ni Billy.
Hindi na nila hinabaan pa ang usapan at pareho na lang silang nagpasyang kalimutan ang lahat. Itinuring na lamang nilang pagsubok sa kanilang pagkakaibigan ang pagkawala ng kanilang mga perang hindi naman tataas sa tig-sampung libo ang halaga.
Madali lamang namang kitain ang pera, ngunit ang tapat at totoong pagkakaibigan ay inaabot ng dekada bago mabuo.
Matapos ang pangyayaring iyon ay ipinangako ng dalawa sa isaʼt-isa na hindi na sila kailan man masisira ng kahit ano.