Isang tahimik na dalaga si Jen. Walang kaibigan, walang kasama. Madalas ay makikitang pumapasok at umuuwi siyang mag-isa. Kumakain sa canteen nang mag-isa, nag-aaral nang mag-isa at gumagala nang mag-isa, ngunit para sa kaniya ay wala siyang problema.
Mula nang pumanaw ang kaniyang ama at ina sa magkasunod na taon ay nagsimula na siyang ilayo ang sarili sa lahat. Takot na siyang napamahal dahil natatakot siyang mawalan. Ayaw na niyang maramdaman pa ang sakit na kaniyang naramdaman noong siyaʼy mawalan ng mga magulang kaya naman hindi na niya gustong ilapit pa ang sarili sa kahit na sino, maging sa mga kamag-anak niyang siyang kumupkop sa kaniya.
“Mukhang masungit ʼyan si Jen.”
“Kaya nga. Suplada!”
“Feeling yata niya, sikat siya.”
“Bakit ganoʼn siya? Por que ba alam niyang maganda siya at matalino may karapatan na siyang i-snob-in tayo?”
Ilan lang ang mga iyon sa mga naririnig niyang pahayag ng kaniyang mga kaklase sa tuwing siya ay nakatalikod. Lahat ng iyon ay ipinagsasawalang bahala na lamang niya dahil alam niyang wala namang katuturan ang mga iyon.
Matagal nang namumuhay si Jen nang wala siyang mga kaibigan ni isa man lang kayaʼt hindi na siya madaling maapektuhan pa ng kahit anong sinasabi ng ibang tao patungkol sa kaniya. Para sa kaniya ay kilala niya kung sino siya at sapat na iyon.
“Hello, Jen! Pʼwede ba akong makaupo rito sa table mo? Wala na kasing ibang table na bakante, e,” sa pang-ilang pagkakataon ay naroon na naman ang makulit niyang kaklaseng si Denise. Kahit ilang beses na niya itong ipinagtabuyan ay hindi pa rin ito nagsasawang alukin siya ng pakikipagkaibigan.
Nagkataong gutom na gutom nang mga sandaling iyon si Jen kaya naman hindi na niya nagawa pang umalis sa mesa at magtiis na lamang na hindi kumain para lang hindi na siya kausapin nito.
“S-sige,” pagsang-ayon na lamang niya sa kaklase.
“P-pumapayag ka, Jen? Oh em gee, thank you so much!” hiyaw naman ni Denise sa sobrang tuwa.
Kung para sa iba ay over acting ang ginawa nitong iyon, si Jen naman ay pinigilang matawa dahil sa pagiging kuwela ng kaklase.
“Grabe, ang sarap palang kumain kapag may kasabay ka ano? Nakakainis naman kasi iyong iba nating kaklase. Ayaw nila akong kaibiganin kasi batang squatter daw ako! Grabe!” paulit-ulit pang daldal ni Denise kahit pa may lamang pagkain ang bibig nito.
Nakaramdam ng awa si Jen sa ka-eskuwela. Kung siya kasi ay lumalayo sa mga kaklaseng nakikipagkaibigan sa kaniya, ang kaso naman ni Denise ay kabaliktaran dahil ito ang madas na nilalayuan dahil sa pagiging iba ng hitsura nito. May malaki kasi itong balat sa mukha.
“Hindi ka ba nagsasawang alukin ako ng pakikipagkaibigan kahit na iniiwasan kita?” wala sa loob na naitanong ni Jen kay Denise sa kalagitnaan ng kanilang pagkain.
“Hindi. Kasi alam ko naman kung bakit ka ganiyan. Isa pa, mas gusto kitang maging kaibigan dahil gusto ko rin namang maranasan mong magkaroon noʼn,” saad pa ni Denise.
“Mahalaga ba talagang magkaroon ng kaibigan?” naitanong muli ni Jen.
“Sa tagal mo nang kumakain mag-isa, kahit kailan ba hindi mo ginustong may makasama? Kapag may kaibigan ka, may makakakuwentuhan ka ng ganito habang kumakain o habang naglalakad man lang. Isa pa, kapag may kaibigan ka, may taong magtatanggol saʼyo katulad nang ginawa ko noʼng marinig kong pinagchi-chismisan ka ng ilan sa mga kaklase natin at ikaw ay nagpapat*y malisya lang,” sabi pa nito na parang wala lang dito ang sinabi.
“Bakit, ano ba ang ginawa mo?”
“Ni-report ko sila sa guidance office,” sagot nito sabay halakhak nang malakas.
Nagulat si Jen, ngunit natawa rin sa biglaang paghalakhak ng kaibigan. Kalaunan ay nagtatawanan na silang dalawa sa tuwa!
“Masarap palang tumawa nang may kasama. Masaya palang kumain nang may kasabay. Salamat, Denise, dahil ipinaramdam mo ulit sa aking masaya palang magkaroon ng kaibigan. Hayaan mo, simula ngayon, hindi na ako iiwas.” Nakangiti si Jen kay Denise.
“Mabuti naman! Basta bukas, sabay ulit tayong kumain, ha?”
“Oo naman!”
Simula nang araw na iyon ay hindi na kumain pang mag-isa sa canteen si Jen, dahil palagi na siyang may kasamang kaibigan. Hanggang sa nadagdagan na nang nadagdagan ang mga lumalapit sa kaniya at sumasama sa kanilang barkadahan. Ganoon pa man, sinigurado ni Jen na walang masamang maidudulot sa kanila ang barkadahang iyon na alam niyang tatagal nang mahabang panahon.