Huwag, Kumpare!
“Susan, ninang ka ng magiging anak ko ah.”
Napalingon si Susan sa officemate niyang si Julio. Nakangiti ito sa kaniya. Masayang ibinalita nito sa kanilang mga kasamahan ang pagdadalang-tao ng kaniyang misis.
“Wow! Oo naman. Walang kaso iyon. Congrats, Julio! Sige na nga, tatawagin na kitang kumpare,” nakangiting sabi ni Susan kay Julio.
“Salamat mare,” pasasalamat ni Julio kay Susan.
“Ilang buwan na ba ang pinagbubuntis ni Nina?” tanong ni Susan kay Julio. Si Nina ay asawa ni Julio.
“Isang buwan pa lang kaya hindi pa matutukoy kung anong kasarian,” tugon ni Julio.
“Pero ano bang gusto mo, lalaki o babae?” usisa ni Susan kay Julio.
“Kahit ano naman basta ang mahalaga malusog at maayos itong lumaki. Walang sakit. Walang komplikadong sitwasyon,” sabi ni Julio.
Dahil sa magandang balita, nag-aya ng inuman si Julio sa kanilang mga officemates. Gagawin ito sa bahay ng isa nilang kasamahang si Andrew, matalik na kaibigan ni Julio. Apat silang nagpaunlak. Si Susan, si Kel, si Jefferson, at isa pang kaopisinang babaeng si Realyn.
Masaya ang naging takbo ng usapan ng magkakaopisina. Ipinahayag ni Julio ang kaniyang kasiyahan dahil sa kauna-unahang anak nila ni Nina. Naging tampulan naman ng tuksuhan si Susan dahil wala pa itong karelasyon ulit matapos ang break up sa ex- boyfriend.
“So paano iyan, tigang ka ngayon Susan? Walang dumidilig sa pechay mo,” biro ni Realyn. Kasintahan nito si Jefferson na dating matinik sa babae.
“Oo nga naman, Susan. Baka naman may nanliligaw sa iyo at hindi mo lang pinapansin?” tanong naman ni Kel sa kaniya. Pinaghihinalaan ng lahat na isang binabae ito.
“Wala iyan sa bokabolaryo ko. Focus muna sa career,” natatawang sabi ni Susan.
Lasing na silang lahat. Maliit lamang ang bahay ni Andrew kaya natulog lamang silang mga panauhin sa sala. Magkatabi sina Susan at Kel. Magkatabi naman ang magkasintahang sina Realyn at Jefferson. Naghihilik naman sa kaniyang kwarto si Andrew. Si Julio naman ay nasa likod ni Kel.
Maya-maya, tumayo si Kel at lumipat sa sofa. “Doon ako sa sofa. Hindi ako sanay na matigas ang higaan.”
Nagkaroon ng espasyo sa pagitan nina Julio at Susan. Maya-maya, naramdaman ni Susan ang paglapit sa kaniyang tabi ni Julio. Lasing na lasing ito.
“Mare… pwedeng paisa?” tanong ni Julio kay Susan. Hinawakan ni Julio ang balikat ni Susan.
“Anong ibig mong sabihin?” kahit lasing ay buhay ang diwa ni Susan at alam niya ang ibig sabihin ni Julio.
“Alam mo na yun… hindi naman malalaman ni Nina. Hindi natin sasabihin. Isang beses lang mare, sige na…” bulong sa kaniya ni Julio at pilit na pumapaibabaw sa kaniya.
Nagising ang diwa ni Susan lalo’t naramdaman niya ang paghalik ni Julio sa kaniyang leeg at pagpasok ng kamay nito sa loob ng kaniyang blouse. Naipit nito ang kaniyang braso kaya napahiyaw siya sa sakit.
“Sinabi nang ayaw ko eh!” naitulak niya si Julio kaya’t napahiga ito. Hindi naman nagising ang iba pang mga kaibigang lasing na lasing.
Subalit hinawakan ni Julio ang kaniyang isang kamay at pilit siyang hinihila pabalik.
“Pakipot ka naman eh… akala mo virgin pa… isang beses lang naman…” pagpupumilit ni Julio. Isang sampal ang ibinigay sa kaniya ni Susan na nagpagising sa kaniyang diwa. Ipinasya ni Susan na lumipat ng higaan, sa tabi ng magkasintahang Realyn at Jefferson na noon ay himbing na himbing sa pagtulog.
Kinabukasan, sa opisina ay kapansin-pansin ang hindi pagkikibuan nina Julio at Susan. Ilag na ilag si Julio kay Susan.
Sa oras ng pananghalian, nilapitan ni Andrew si Susan.
“May naikuwento sa akin si Julio. Takot na takot siya eh. Baka raw magsumbong ka sa asawa niya, o kasuhan mo siya. Ano bang nangyari?” untag ni Andrew.
Napabuntong-hininga si Susan. “Muntik nang may mangyari sa akin. Muntik na niya akong pagsamantalahan. Alam mo, kayang-kaya ko siyang kasuhan ng attempted ra*pe pero syempre, magiging kumpare ko siya at ayoko ng eskandalo.”
“Gusto mo kausapin ko siya? Susuntukin ko siya para sa iyo, tarantado iyon ah,” sabi ni Andrew.
“Huwag na. Baka maeskandalo pa tayo. Mag-usap na lamang kamo kami. Pakisabi sa kaniya.”
Gayon nga ang ginawa ni Julio. Bandang uwian at wala na ang ibang mga kasamahan, kinausap nang masinsinan ni Julio si Susan.
“Mare, patawarin mo ako sa ginawa ko sa iyo. Ganoon lang talaga ako kapag nalalasing. Actually, hindi ko talaga maalala ang detalye ng mga nagawa ko sa iyo. Patawarin mo ako. Hindi na mauulit,” sinserong paghingi ng tawad ni Julio kay Susan.
“Patatawarin kita pero sana huwag na maulit ito. Magkakilala kami ng asawa mo at magiging ninang ako ng magiging anak ninyo. Isa pa, may asawa kang tao. Maging tapat ka sa asawa mo. Huwag kang mag-alala, bukod kay Andrew, walang ibang makakaalam nito,” pangako ni Susan.
Nangako naman si Julio na hindi na mauulit ang mga nangyari. Tumupad naman si Susan sa kaniyang pangako at pinatawad si Julio. Para sa kaniya, mas mahalaga ang dignidad bilang babae kaysa sa panandaliang kaligayahan.