Inday TrendingInday Trending
Hindi Pa Huli ang Lahat Para Kay Donya Lorena

Hindi Pa Huli ang Lahat Para Kay Donya Lorena

Nakatulala si Donya Lorena sa resulta ng medical check up matapos niyang magpakonsulta dahil sa nararamdamang kirot sa kaniyang tiyan. May maliit na tumor umano sa kaniyang obaryo at kailangan itong maagapan upang hindi mauwi sa mas malalang karamdaman.

“Anong balak mo ngayon Lorena?” tanong ni Guadalupe, ang kaniyang alalay. Matagal na itong naninilbihan sa kanilang pamilya. Itinuturing niya itong parang kapatid.

“Hindi ko alam, Guada. Natatakot ako. Marahil, parusa sa akin ito ng Diyos sa lahat ng mga pagkakamali at kasalanan ko sa buhay,” naluluhang sabi ni Donya Lorena.

Lumaking may kutsarang ginto sa kaniyang bibig si Donya Lorena. Mula sila sa angkan ng mga haciendero at haciendera, naging matapobre noon si Donya Lorena. Marami siyang mga naagrabyadong mga magsasaka sa kanilang bukirin. Magaspang ang kaniyang ugali. Iyon ang naging dahilan kung bakit lumayo sa kaniyang poder ang tatlong mga anak na sina Felipe, Alvaro, at Vanessa. May mga sarili na itong pamilya, at kahit kailan, hindi man lamang siya dinalaw ng mga ito dahil sa malaking kasalanang nagawa niya sa kaniyang asawa at ama ng mga ito. Pinagtaksilan niya si Don Guztavo at hindi ito mapapatawad ng kaniyang mga anak.

“Sasabihin mo ba sa mga anak mo ang sitwasyon mo?” tanong ni Guadalupe.

Nangilid ang luha ni Donya Lorena pagkarinig sa kaniyang mga anak. Matagal na niyang pinagsisihan ang mga kasalanan niya, ngunit hindi pa rin siya mapatawad ng mga anak.

“Para ano pa? Palagay ko’y kahit mam*tay ako ngayon, wala na silang pakialam sa akin, sa bigat ng kasalanan ko sa kanila. Dahil sa akin, nam*tay sa sakit sa puso si Guztavo nang malaman niya ng pagtataksil ko sa kaniya. Wala akong kuwentang babae. Wala akong kuwentang ina,” nangingilid ang luhang sabi ni Donya Lorena.

Niyakap ni Guadalupe si Donya Lorena.

“Huwag kang mawalan ng pag-asa, Lorena. May awa ang Diyos. Mapapatawad ka rin ng mga anak mo. Ako na ang bahalang magpatawag sa kanila kung nahihiya ka,” sabi ni Guadalupe.

Labag man sa kalooban niya, wala siyang nagawa nang kontakin ni Guadalupe ang tatlong magkakapatid. Hindi niya sinabi ang dahilan. Ngunit naisip ng magkakapatid na marahil ay tungkol ito sa mana, kaya agad silang umuwi ng Bicol.

Si Guadalupe ang sumalubong sa tatlong magkakapatid pagdating nila.

“Kay lalaki na ninyo! Masaya ako’t muli ko kayong nakita!” natutuwang bulalas ni Guadalupe sa tatlo. Naupo sila sa sala. Ipinahanda ni Guadalupe sa ibang mga kawaksi ang komedor para sa isang masarap na hapunan.

Bumaba mula sa ikalawang palapag ng kaniyang mansyon si Donya Lorena. Nais niya sanang yakapin at hagkan ang mga anak subalit nagdalawang-isip siya. Naunahan siya ng hiya. May tila pader na nakapagitan sa kanila.

“Bakit po kayo nagpatawag ng meeting ma? Pasensya na ho busy po ako eh kailangan ko pong bumalik kaagad sa Maynila,” seryosong bungad ni Felipe, ang panganay na anak. Naupo si Donya Lorena kaharap ang kaniyang mga anak.

Ibinigay ni Guadalupe kay Felipe ang kopya ng resulta ng medical check up ng kanilang mama at sinabihan niya itong ipasa sa mga kapatid.

“Mga anak, may tumor na nakita sa aking obaryo. I might be dy*ng…” naluluhang sabi ni Donya Lorena.

Natulala naman ang magkapatid sa nakitang resulta at sinabi ng kanilang ina.

“Nagpasecond opinion na ho ba kayo ma?” bakas sa mukha ni Vanessa, ang bunso, sa pag-aalala.

“Hindi pa. Pero I might do it soon. The reason why I requested you all to come here, para naman makita at makasama ko kayo sa huling sandali ng buhay ko,” nabasag ang tinig ng donya at tuluyang naluha.

“Gusto kong sabihin sa inyo mga anak na nagsisisi na ako sa lahat ng mga nagawa kong pagkakamali sa buhay. Alam ng Diyos, alam ng papa ninyo ang buong puso kong pagsisisi. Tao lamang ako, nagkakamali. Pero ang hindi ko matanggap, ang paglayo ninyo sa akin. Sana mapatawad ninyo ako sa mga kasalanan ko sa pamilya natin,” humahagulhol na sabi ni Donya Lorena.

Nagpatuloy ang donya. “Araw-araw, gabi-gabi akong nagdarasal na sana ay nasa mabuti kayong kalagayang mga anak ko. Walang araw na hindi ko kayo naiisip. Nasasabik ako sa inyo. Pero may kaniya-kaniya na kayong buhay ngayon. At hindi ko alam kung napatawad na ba ninyo ako. I’m sorry mga anak. I’m sorry kung pinagtaksilan ko ang papa ninyo. Nagawa ko lamang iyon dahil sa negosyo. Pero pinagsisihan ko na iyon. Pinagsisihan ko na!”

Tumayo ang tatlong magkakapatid at niyakap nila ang ina.

“‘Ma, matagal ka na naming pinatawad. Mahal na mahal ka namin. Pasensya na kung ngayon lang kami nakadalaw mula nang palayasin ninyo kami dahil nag-asawa kami kaagad para makatakas mula sa inyo,” sabi ni Alvaro. Sumang-ayon naman dito sina Felipe at Vanessa.

Kinabukasan, sinamahan ng tatlong anak si Donya Lorena para sa isang second opinion ng check up. Napag-alaman nila na wala namang tumor ito sa obaryo. Bumalik sila sa unang doktor na nagbigay ng unang medical interpretation kay Donya Lorena.

“I’m so sorry Donya Lorena, nagkamali ako ng interpretation sa nakita namin sa inyo. Hindi iyon tumor kundi kulani lamang,” hingi ng dispensa ng doktor.

Sa halip na magalit ay pinasalamatan pa ni Donya Lorena ang doktor dahil kung hindi sa pagkakamali nito, hindi sila muling magkikita-kita at magkakaayos ng kaniyang mga anak.

Simula noon ay naging maganda na ang relasyon ni Donya Lorena sa kaniyang mga anak. Nakilala at nayakap niya ang mga apo at manugang sa mga ito.

Advertisement