Sandaang Araw Para sa Milk Tea
Isang bagong bukas na milk tea house ang pinagkakaguluhan sa malaking pamilihan sa Novaliches. Halos araw-araw ay hindi nawawalan ng kostumer sina Maxine, ang tagagawa at tagabenta ng milk tea. Maliit lamang ang kanilang kiosk ngunit talaga namang dinarayo ito.
Sa lahat ng mga mamimili ng milk tea, isang bata ang nakatawag ng pansin ni Maxine. Ang batang ito, sa tantiya niya, ay nasa walong taong gulang, may hawak na sako, at marungis ang pananamit. Madalas niya itong nakikitang nangangalakal ng basura, o kaya naman ay nagtatawag ng pasahero sa mga pampasaherong dyip o bus. Kapag nakapagpasakay siya, inaabutan siya ng mga tsuper ng dalawang piso.
Tuwing umaga, dumaraan ang bata sa tapat ng milk tea house. Sinisipat-sipat ang mga panindang milk tea. Hindi bababa sa isandaang piso ang halaga ng isang baso ng milk tea, wala pa rito ang mga padagdag.
Hanggang sa isang araw, nagtanong na ang batang gusgusin sa halaga ng mga milk tea na kanilang ibinebenta.
“Magkano po ang tsokolate?” tanong nito. Buknoy pala ang pangalan nito, at nakatingin ito sa grande size na chocolate milk tea.
“170 pesos ang isa, pero para sa iyo, 100 na lang,” nakangiting sabi ni Maxine. Kahit marusing ang bata, natutuwa siya rito dahil masipag ito hindi katulad ng ibang mga kaedad nito na walang ginawa kundi magpalaboy at suminghot ng rugby.
“Ah ganun po ba? Wala pa po akong pera eh… pwede po bang maghulog sa inyo ng tig-piso araw-araw para makaipon ako ng pambili ko niyan?” tanong ni Buknoy.
Gusto sanang ibigay ni Maxine ng libre ang milk tea sa bata, subalit nakita niya sa mga mata nito ang dignidad. Gusto nitong paghirapan ang pambili ng milk tea. Pumayag si Maxine.
Kaya naman, gabi-gabi, dumaraan si Buknoy sa milk tea house upang maghulog ng piso kay Maxine. Hindi raw niya kayang lakihan ang kaniyang hulog dahil may iba pa raw siyang pinaglalaanan. Hindi raw mahalaga sa kaniya ang makainom ng milk tea, ngunit nais niyang tikman, bilang pabuya sa kaniyang sarili. Lihim na humanga si Maxine sa ipinakitang dignidad at pagpapahalaga sa sarili ni Buknoy.
Dumaan ang mga araw at nabuno na ni Buknoy ang ika-100 araw. Sa loob ng halos tatlong buwan ay nakaipon na si Buknoy para sa kaniyang milk tea. Nasasabik na sinimsim at ininom ni Buknoy ang chocolate milk tea na matagal na niyang inasam. Kalahati lamang ang kaniyang ininom.
“Bakit kalahati lang ang ininom mo?” usisa ni Maxine kay Buknoy.
“Ibibigay at ipapatikim ko po sa mga katulad kong palaboy. Gusto ko pong matikman din nila ang milk tea. Ang sarap po pala!” nakangiting sabi ni Buknoy sa tindera. Naantig ang puso ni Maxine sa kabutihan ng puso ni Buknoy. Nagpakuha siya ng selfie rito at nagpaalam na itatampok siya sa social media. Pumayag naman ang bata. Gusto raw niyang maging viral.
Hindi nga nagkamali si Buknoy dahil ilang oras lamang magpost ni Maxine sa kaniyang Facebook account, agad na naging viral ang kuwento ni Buknoy at kung paano siya nagsikap na makapag-ipon sa loob ng 100 araw upang makainom lamang ng milk tea. Pinuntahan ng iba’t ibang mga reporter mula sa mga network at pahayagan si Maxine kaya sumikat pang lalo ang kanilang milk tea house. Kinapanayam siya ng mga ito, at ipinahanap naman si Buknoy.
Naitampok na nga si Buknoy at si Maxine sa iba’t ibang mga sikat na news magazine show sa iba’t-ibang mga network. Napag-alaman na ulilang lubos na pala si Buknoy, at naging tahanan na nito ang lansangan. Isang mag-asawa naman na walang sariling anak ang nagpahayag ng kagustuhang kupkupin si Buknoy. Matapos dumaan sa mga legal na usapin, kinupkop nila ang bata.
Isang araw, nagtungo si Buknoy sa milk tea house. Nagpasalamat siya kay Maxine.
“Maraming salamat po! Dahil po sa inyo, nabago ang buhay ko!” pagpapasalamat ni Buknoy kay Maxine.
“Wala kang dapat ipagpasalamat, Buknoy. Nabago ang buhay mo dahil sa magagandang katangian mo bilang bata. Isa kang inspirasyon para sa aming mga nakatatanda,” nakangiting sabi ni Maxine.
Bago umalis, bumili muna ng maraming milk tea si Buknoy para ibigay sa mga batang palaboy na naging kaibigan niya sa lansangan. Nakangiting tinanaw ni Maxine ang mga batang kalye na masayang-masaya sa iniinom nilang milk tea. Nakaramdam ng kaluguran sa kaniyang puso si Maxine.