“Drey, may nakuha ka na bang trabaho?” tanong ni Andrew sa kaibigan niyang binibihisan ang bunso nitong anak. Napagdesisyunan niyang puntahan ito sa bahay upang mangutang sana para pangkain ng kaniyang pamilya.
“Wala pa nga, eh. Naiinis na nga ako, eh. Bakit kasi pinairal ko ang katamaran ko noon, edi nganga ako ngayon. Walang trabaho, tambay at umaasang may biyayang babagsak sa langit. Ni wala man lang akong mapakain sa pamilya ko,” pailing-iling na sagot nito, bakas sa mukha nito ang pagkadismaya sa sarili.
“Naku, hindi ka nag-iisa. Pakiramdam ko nga iiwan na ako ng asawa ko dahil wala rin kaming makain. Balak ko sana mangutang sa’yo habang naghahanap pa ako ng trabaho, eh. Akala ko may sobra kang pera ngayon,” tugon ni Andrew.
“Diyos ko, sana nga meron,” buntong hiningang sambit nito, “Baka may naiisip ka d’yang pwede nating pagkakitaan?” dagdag pa nito dahilan upang mag-isip siya, mayamaya, tila may naisip siyang maaari nilang pagkakitaan.
“Meron! Halika sumama ka sa akin!” sambit niya, agad naman sumunod ang kaniyang kaibigan sa kaniya.
Magkababata ang dalawang lalaki na pawang may sari-sarili nang pamilya sa ngayon. Parehas rin silang elementarya lang ang natapos bunsod ng katamaran noong kabataan nila. May kaya naman noon ang pamilya ng dalawa at handa silang pag-aralin hanggang kolehiyo, sa katunayan nga magkasosyo sa negosyo ang kanilang mga magulang. Ngunit sadyang natalo sila ng katamaran at mas piniling manatili sa bahay. Kaya naman nang magkaisip na sila at nagsimula nang magkaroon ng pakialam sa hinaharap, ganoon na lamang sumasakit ang ulo nila sa pagsisisi at paghihinayanang sa pag-aaral at panahon na sinayang nila noon.
Nais man nilang mag-aral muli dahil mga binatilyo pa lamang sila noong mapagtanto nilang kailangan pala talaga nila mag-aral, huli na ang lahat. Bumagsak na ang negosyo ng kanilang mga magulang at pati ang naitabing pera pang-aral nila ay nawaldas na upang masagip lamang ang negosyo ngunit sa huli, sumuko na lamang ang kanilang mga magulang dahil nabaon na sila sa utang.
Mapahanggang sa ngayong may pamilya na sila, ganoon pa rin ang kanilang pagsisisi. Lalong sumakit ang kanilang ulo dahil sa mga daing ng mga kumakalam nilang sikmura.
Kaya naman itong si Andrew, tila nakaisip ng kanilang pagkakakitaan. Sinama niya ang kaibigan sa palengke at bumili ng peke pera gamit ang perang natitira sa kaniya. “Ano namang gagawin natin d’yan, Andrew?” tanong ni Drey, tila hindi niya mawari ang nais gawin ng kaibigan.
“Ibabayad natin itong isang libo doon sa mga matatandang nagtitinda ng gulay. Sigurado, susuklian nila tayo. May pang-ulam na tayo, may pera pa tayo!” nakangising sagot niya sa kaibigan.
“Sigurado ka? Baka mahuli tayo!” pag-aalinlangan ng kaniyang kaibigan.
“Ano ka ba? Walang-wala na tayo! Tara na!” yakag niya rito, wala naman itong nagawa kundi sumunod na lang, wala rin naman kasi siyang ibang maisip na paraan upang makakain ang kaniyang pamilya.
Ginawa nga nila ang plano ni Andrew. Bumili sila ng gulay sa pinakamatandang tindera at agad naman silang sinuklian. Ngiting-ngiti ang dalawa habang binibilang ang perang sinukli sa kanila kapalit ng pekeng pera.
Ngunit habang naglalakad sila, may isang maskuladong lalaki na nakadamit pang-opisina ang humarang sa kanila. Gulat na gulat sila sa sinabi nito.
“Hindi lang kayo ang naghihirap sa mundo. Pati yung matandang pinagbilhan niyo gamit ang pekeng pera, gumagawa ng paraan upang kumita sa malinis na paraan tapos lolokohin niyo lang? Ibalik niyo ‘yan kung ayaw niyong mauwi sa kulungan,” dahilan upang mataranta ang dalawa at dali-daling bumalik sa pwesto ng matanda. Agad nilang isinauli ang mga gulay pati na rin ang perang napaghatian na nila.
Sinundan sila ng naturang lalaki at noong makitang sinunod siya ng mga ito, tinawag niya ang dalawa at pinasakay sa kaniyang kotse. Noong una’y takot na takot ang dalawa dahil akala nila, idederetso na sila nito sa pulisya, ngunit laking gulat nila nang dalhin sila nito sa isang mataas na gusali saka sinabing, “Ako ang may-ari nito, simula ngayon, dito na kayo magtatrabaho.”
Halos lumuwa ang mata ng dalawa sa ganda ng kanilang pagtatrabahuhan. Hindi mawari ni Andrew ang dahilan ng lalaki kung bakit sa likod ng kanilang panloloko kanina, nagawa pa nitong bigyan sila ng trabaho kaya minabuti niyang tanungin ito. Labis nilang ikinagulat ang sagot nito.
“Dati rin akong kawatan, hindi nakapag-aral bunsod ng katamaran pero may tumulong sa akin sa likod ng masama kong gawain kaya bilang kabayaran sa kaniya, tutulungan ko kayo. Hindi pa naman huli ang lahat para magbago kayo, ‘di ba? Sana huwag niyo akong biguin. Nawa ang itatanim kong punla sa inyo ay magbunga ng tagumpay,” sambit nito sabay saludo sa kanila.
Doon nagsimulang magkakulay ang pangarap ng dalawa. Kahit pa janitor lamang sila sa gusaling ‘yon, ginawa nila ang lahat upang maibigay ang serbisyong nais ng lalaking ‘yon.
‘Yon ang naging dahilan upang unti-unting makapag-ipon ang dalawa para sa kanilang pamilya. Kung dati’y swerte na kung nakakakain ang pamilya ng dalawang bes sa isang araw, ngayon, kumpleto na ang kanilang kain.
Dahil rin sa kanilang kasipagan, limang buwan lang ang nakalipas, inilipat sila ng lalaking ‘yon sa kaniyang opisina. Ginawa niyang drayber si Drey dahil marunong itong magmaneho na naisasama niya kung saan-saan, habang ginawa niya namang kanang kamay si Andrew dahil sa angking talino nito.
Ganon na lamang ang saya at pasasalamat ng dalawa dahil ang buhay na akala nila’y wala ng pag-asa, nagkabuhay pa. Nadala man sila ng kahirapan noon, malaki na ang kanilang pinagbago ngayon.
Bilang tao, madalas nawawalan tayo kaagad ng pag-asa sa buhay at napapakapit sa masamang gawin para lamang magkapera, nawa’y huwag nating gawing solusyon ang panloloko sa iba upang umangat dahil may taong dadating na labis na magbibigay sa atin ng swerte.