Inday TrendingInday Trending
Walang Kulay Na Pangarap

Walang Kulay Na Pangarap

“Hoy, Seo, imbis na mag-aral ka dahil may exam ka bukas, anong ginagawa mo? Gumuguhit ka na naman ng mga damit!” saway ni Aling Perla sa kaniyang anak na wala nang ginawa kundi gumuhit buong araw.

“Ang ganda kaya, mama. ‘Pag ako nakapagtapos ng pag-aaral, magpupursigi talaga ako para maging isang tanyag na designer ng mga damit!” masiglang sagot ni Seo saka itinaas ang kaniyang guhitang papel na naglalaman ng iba’t-ibang niyang guhit.

“Kahit anong pagpupursigi mo, hindi ka magtatagumpay! Malabong maging tanyag ka sa mga guhit mong ‘yan na wala man lang kulay!” tugon niya habang binababa ang mga pinamili sa palengke.

“Eh, paano ko po makukulayan kung lahat ng nakikita ko ay puti at itim lamang?” tugon ng binata saka napatungo, bakas sa mukha niya ang pagkadismaya sa sarili.

“Kaya nga, itigil mo na ‘yang pangarap mong ‘yan! Ang mga guhit mong ‘yan ay parang pangarap mo, walang kulay at kailanman hindi magkakakulay! Kahit sa pagtanda mo, mananatiling guhit lang ‘yan sa papel, na wala kulay at kakainin ng anay. Kung ako sa’yo, mag-aral ka na, unahin mo ang exam mo kaysa sa guhit guhit na ‘yan!” sermon pa niya habang papalapit sa anak saka niya itinapon sa bintana ang guhitang papel nito upang makapag-aral na. Wala namang nagawa ang binata kundi maiyak at piliting mag-aral katulad ng kagustuhan ng kaniyang ina.

Solong anak si Seo ng mag-asawang nagtitinda ng mga meryenda sa gilid ng pinapasukan nitong unibersidad. Kaya ganoon na lamang ang kagustuhan ng ginang na makapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang anak dahil ‘ika niya, ito na lamang ang tangi nilang pag-asa upang makaahon sa kahirapan.

Ngunit dahil sa deperensya nito sa mata na hindi makilala ng kulay at tanging puti at itim lamang ang kaniyang nakikita, tila napapanghinaan ng loob ang ginang dahilan upang ganoon niya pukpukin na mag-aral ang anak.

Lalo pa siyang nangamba dahil iba ang nahiligan ng kaniyang anak. Nais nitong gumuhit at maging isang tanyag na designer na palagi niyang tinututulan dahilan upang unti-unting mawalan na talaga ng kulay ang pangarap ng kaniyang anak.

Kinabukasan, maagang nagising ang ginang upang maghanda ng kaniyang mga paninda kasama ang kaniyang asawa. Gigisingin na niya dapat ang binata upang makapag-ayos na sa pagpasok ngunit pagbukas niya sa pintuan ng kwarto nito, wala ito rito! Agad niya itong tinawagan ngunit nakapat*y na ang selpon nito. Tiningnan niya ang mga pangguhit ng kaniyang anak, at lahat yon ay wala na, dahilan upang masiguro niyang naglayas nga talaga ang kaniyang anak.

Nilibot niya ang mata sa buong silid hanggang sa makita niya ang isang maliit na papel na naglalaman ng mga katagang, “Kukulayan ko lang po ang pangarap ko, babalik ako, pangako,” dahilan upang tuluyan nang umagos ang kaniyang luha. Hindi niya mawari kung anong dapat maramdaman dahil para sa kaniya, nais niya lamang ang makakabuti para sa kaniyang anak ngunit dahil doon, nawalay ito sa kaniya. Tanging pagyakap ng asawa niya ang sunod niyang naramdaman saka mga salitang tila nakapagpagising sa kaniya, “Buhay ng anak mo ‘yon, hindi mo dapat kontrolin. Hayaan mo siyang abutin ang pangarap niya. Marunong ang anak natin, magtiwala tayo sa kaniya.”

Ginawa nga niya ang payo ng asawa at naghintay na lamang sa pagbabalik ng anak. Ni hindi niya alam kung nasaan ito o kung kumakain ba ito ng tama dahilan upang ganoon niya mangamba araw-araw.

Apat na taon ang lumipas, may isang sulat ang dumating sa kanilang bahay na may kasama isang magazine. Inuna niyang tingnan ang magazine, at pagtingin niya, nandoon ang pangalan ng kaniyang anak at mga guhit nitong damit na mayroong nagtitingkarang kulay! Hindi siya lubos makapaniwalang anak niya ang may gawa noon kaya naman, agad niyang binuklat ang sulat nito. Naiyak na lamang siya sa laman nito, “Uuwi na po ako bukas, ikukwento ko po kung paano ko nakulayan ang buhay ko. Miss ko na po kayo!”

Umuwi nga kinabukasan ang kaniyang anak. Halos mapalundag siya sa tuwa nang makita itong malusog at ngiting-ngiti. Doon nga ikinuwento ng binata ang nangyari sa kaniya.

Muntik na rin pala itong sumuko sa pangarap niya dahil walang may gustong bumili noong una ng mga guhit niya sa mga sikat na panahian. Ngunit may isang ginang ang nakakita ng potensyal sa kaniya dahilan upang tulungan siya. Naikwento niya dito ang kaniyang deperensya sa mata at agad siya nitong binilhan sa ibang bansa ng salaming nakakapagtama sa kulay ng mata dahilan upang ganoon pa gumanda ang likha ng binata na hindi kalaunan, nakilala sa buong bansa.

“Matagumpay na ako, mama. Simula na para iahon kayo sa kahirapan,” sambit pa ni Seo saka niyakap ang ina. Ganoon na lamang ang tuwa ng ginang. Labis niyang pinagsisihan ang pang-aalipusta noon sa anak imbes na suportahan ito sa pangarap nito.

Naibili siya ng anak ng bahay at lupa, at nagpatayo ng isang maliit na kainan malapit rin sa nasabing unibersidad upang maging kanilang pangkabuhayan. Halos humagulgol ang ginang sa sayang nararamdaman. Wala na siyang masabi sa tagumpay ng anak na dati’y pinipigilan niya pa.

Simula noon, buong suporta na ang kaniyang ibinigay sa anak na labis namang ikinatuwa ng binata dahilan upang lalo pa itong ganahan sa pagguhit.

Bilang mga magulang, hindi natin dapat ikahon ang ating mga anak sa ating kagustuhan. Hayaan natin silang kulayan ang kanilang pangarap, tiyak magtatagumpay sila.

Advertisement