Inday TrendingInday Trending
Bakit Mo Ako Sinuplong, Anak?

Bakit Mo Ako Sinuplong, Anak?

“Anak, debut mo na ngayong taon, ‘di ba? Gusto mo bang paghandaan natin ‘yon? Imbitahan mo ang mga kaibigan mo!” sabik na sabi ni Mang Pao sa kaniyang anak na dalaga habang gumagawa ito ng takdang-aralin.

“Naku, papa, huwag na po. Malaking pera ang magagastos doon. Baka magalit po si mama. Ayos lang po sa akin kahit kumain na lang tayo sa labas basta magkakasama tayo,” tugon naman ni Ayesha saka bumalik sa kaniyang pinagkakaabalahan.

“Huwag mong isipin ang mama mo, baka sa nga sa mga panahong ‘yon, hiwalay na kami,” walang emosyong sambit ng kaniyang ama dahilan upang mabitawan niya ang kaniyang hawak na panulat sa sobrang gulat. Bahagya naman itong narinig ng kaniyang inang kakalabas lamang ng kwarto dahilan upang mag-alburuto ito.

“Oo, talaga! Hindi ko na matitiisan pa ang kalokohan mo! Ni hindi ko alam kung ilang babae ang kinakalantari mo sa isang gabi!” sigaw nito, bahagya itong pumiyok dahil sa pagpipigil ng iyak.

“Tumigil ka d’yan kung ayaw mong masaktan. Hindi ikaw ang kinakausap ko!” bulyaw ng kaniyang ama saka siya muling kinausap “Ano, anak? Tutuloy natin ‘yon ha?” sambit nito ngunit dahil sa nalaman niya at nasaksihang pangyayari tila nanlamig siya at patuloy na umagos ang kaniyang luha. Ni hindi man lang niya nasagot ang ama, magkahalong galit at pagkagulat ang kaniyang nararamdaman. Agad niyang niligpit ang kaniyang gamit saka tumakbo sa kaniyang silid at doon labis na umiyak.

Nag-iisang anak si Ayesha. Simula pa lamang noong bata siya, nasaksihan na niya kung paano labis na mahalin ng kaniyang ama ang kaniyang ina dahilan upang ganoon napalapit ang loob niya rito. Sa katunayan nga, lagi niyang pinapanalangin na sana kapag nasa tamang edad na siya ay makatagpo siya ng lalaking katulad ng ama niya.

Ngunit lahat ng ‘yon ay tila nawalang parang bula nang malaman niyang nambababae pala ang kaniyang ama at ganoon nasasaktan ang kaniyang ina. Kaya naman pala lagi niya itong nakikitang mugto ang mata at palaging tulala. Ang buong akala niya’y may sakit lamang ito, yun pala, puso nito ang sugatan.

Labis din siyang nagtataka sa kagustuhan ng ama na ipagdiwang ng engrande ang kaniyang kaarawan. Kung susumahin, kulang ang isang taong sweldo nito upang ipanggastos doon pati na rin sa pang-araw-araw nilang pagkain. Bukod pa roon, kailan lang bumili ng sasakyan ang kaniyang ama na ang balita niya, ginagamit niya sa paghatid sundo sa mga babae nito.

Simula noon, tila ninais ng dalaga na malaman ang lahat. Sinimulan niyang tanungin ang kaniyang ina. Umamin naman itong nagloloko talaga ang kaniyang ama. Sa katunayan nga raw, palagi itong nasa motel kasama ng iba’t-ibang babae ngunit hindi nito alam kung saan nakukuha ng asawa ang ganoong kalaking pera.

Hindi na matiis ng dalaga ang sakit na nararamdaman para sa ina kaya naman, kinalikot niya ang mga papeles ng ama pati na rin ang laptop nito nang minsan itong pumasok sa trabaho.

Halos pinagsakluban siya ng langit at lupa nang makita ang isang dokumentong naglalaman lahat ng ninakaw ng kaniyang ama sa kumpanyang pinagtatrabahuhan niya. Umabot ito ng mahigpit dalawang milyon na marahil ipapanggastos sa kaniyang kaarawan.

Hindi malaman ng dalaga ang gagawin, halos napaiyak na lamang siya sa kahihiyan para sa kanilang pamilya. Ngunit maya-maya bigla siyang napatigil ng marinig na may sasakyang tumigil sa tapat ng kanilang bahay.

Agad siyang kumuha ng kopya ng nasabing dokumento at saka lumabas ng silid. Nakita niya namang may mga kausap na pulis ang kaniyang ina at tila hinahanap ang kaniyang ama. Maya-maya pa umalis na ang mga ito at kinuha lamang ang numero ng kaniyang ina.

Hindi alam ng dalaga ang kaniyang dapat gawin, puno ng kaba at takot ang kaniyang puso. Naisip niyang tatay niya ‘yon at mahihirapan sila kung makukulong ‘yon, pero mali at dapat niyang pagbayaran ang kaniyang ginawa.

Kaya naman nang makatanggap ng mensahe ang ina na nasa pulisya na ang kaniyang ama, ‘ika niya, “Mama, ako na po ang pupunta.”

Pagdating niya sa presinto, saktong iginigiit ng kaniyang ama na wala siyang kinalaman doon. Dahilan upang ilapag niya sa lamesa ang isang flashdrive na naglalaman ng mga dokumentong makakapagpatunay sa kaso ng kaniyang ama. Gulat na gulat naman ito at halos hindi makapaniwala sa kaniyang ginawa.

“Tatay mo ako, pa-paano mo nagawa sa akin ‘to?” mangiyakngiyak na tanong nito.

“Tatay kita kaya ayokong nagnanakaw ka. Mahihirapan kami kapag nakulong ka pero mas mahihirapan kami kapag pinagpatuloy mo pa ang masamang gawain mo, papa. Parang awa mo na, umamin ka na,” sambit niya habang pigil-pigil ang mga luha.

Tuluyan ngang nakulong ang kaniyang ama ngunit kahit pa ganoon, hindi siya pumalyang dalawin at dalhan ito ng pagkain araw-araw. Labis namang nagsisi ang kaniyang ama sa lahat ng kaniyang mga ginawa.

Ilang taon ang nakalipas at nakapagtapos na ng pag-aaral ang dalaga kasabay ng paglaya ng kaniyang ama. Pinansiyahan ito ng kaniyang mga kapatid dahil sa pangako nitong hindi na muling gagawa ng anumang makakapagpabalik sa kaniya sa piitan.

Humingi rin ito ng tawad sa kaniyang asawa dahilan upang mabuo ulit ang kanilang pagmamahalang nagkaroon na ng lamat. Wala nang mas sasaya pa sa dalaga nang makitang buo at masaya ang kanilang pamilya.

Kahit pa kadugo mo ang nasasakdal sa maling gawain, mahirap man, kailangan mo siyang hayaang matuto. Sa huli naman, para rin sa kaniya lahat ng ‘yon.

Advertisement