Ang Aral Para Kay Lalaitera
Laitera si Lala. Lahat na ata ng bagay ay napapansin at pinipintasan niya. Marami ang galit sa kanya dahil sa kanyang ugali ngunit masyadong mataas ang kanyang tingin sa sarili para humingi ng tawad.
Para sa kanya, siya ang “pinaka” sa lahat. Pinakamaganda, pinakamakinis, pinakamatalino. Naniniwala siyang higit siya kanino man. Palibhasa ay lumaking may pera. Madalas ay pinapagalitan siya ng kanyang ina, ngunit hindi siya kailanman nakikinig dito.
“Ang panget mo! Tingnan mo nga yang kutis mo? Kung hindi galis, saksakan naman ng itim! ‘Di ka ba naliligo, ha?” sinundan niya ng pagtawa ang kanyang pangungutya sa isang eskwela.
Si Carmi. Maitim ito, sunog ang kutis at maraming sugat sa katawan dahil may sakit ito sa balat. Marami ang nakakaalam ngunit imbes na kaawaan o simpatiyahan ito ay ginawa niya pang katatawanan.
“Alam mo? Malapit na ang pasko! Sige, dahil mabait ako. Reregaluhan kita ng pang-hilod.”
Natahimik ang paligid. May mga nagpipigil ng tawa, ang iba ay umiiling.
“Ano ba, Lala? Bakit ba ako na naman ang pinagdidiskitahan mo?” tanong nito sa mahinang boses. Ngumisi lang siya at lalong nagpaulan ng masasakit na insulto.
“Nakakairita kasi ‘yang mukha mo. Teka, mukha ba ang tawag diyan?”
Lumakas ang halakhakan.
Yumuko ang inaaping si Carmi bago suminghot. Lalong natutuwa si Lala, kapag umiiyak na ang inaapi niya.
“Maganda ka lang pero ‘yang ugali mo? Saksakan ng pangit!” sabi nito.
Natatawang inaya niya ang mga kaibigang si Kristel at Nadia para umalis. Iniwan si Carmi matapos ipahiya.
“Grabe ka naman, Lala! Hindi ka ba natatakot sa karma?” tanong ni Kristel.
Umirap siya sa kaibigan. “T*nga ka talaga! Hindi totoo ang karma.”
“Sus! Totoo ‘yun, ano! O sige, kulam? ‘Di ka rin naniniwala?” walang katapusan ang usisa nito.
Umiling siya at ngumisi. Tahimik lang si Nadia sa isang tabi. Sa kanilang tatlo, ito ang pinakatahimik. Ang pinakamisteryosa sa lahat. Ngunit ayos lang, pasok ito sa katangian ng mga gusto niyang maging kaibigan.
Maganda, matalino at mayaman.
“Ano ka ba? Bali-balita kaya na mangkukulam ‘yun si Carmi!”
Narinig niya ang balitang iyon sa ibang estudyante. Hindi siya naniniwala sa mga bagay na iyon. Ang karma, kulam, multo o aswang ay pawang gawa-gawa lamang ng tao.
“Mukha lang siyang mangkukulam, Kristel,” ngisi niya habang naalala ang buhok nitong halos gawin nang pugad ng ibon. Kadiri.
Humalakhak silang dalawa ngunit natigil ng magsalita si Nadia sa unang pagkakataon ngayong araw.
“Eh pa’no nga kung totoo, Lala? Sa tabas ng bibig mo, hindi na ako magtataka.”
Alam niyang nagbibiro lang ito dahil sa mapanuksong ngiting nakapaskil sa labi, ngunit kinabahan siya bigla.
“Bakit? Mangkukulam ka ba? May kilala ka bang mangkukulam, ha? Harap mo sa akin!” hamon niya rito.
Umiling ito. “Wala naman, pero malay mo ‘di ba? Hindi pa natin na-engkwentro ang lahat ng bagay na nasa mundong ito.”
Nauna itong maglakad bago sila nilingon ni Kristel. “Una na ‘ko, ha? Kita tayo bukas.”
Maya-maya ay naghiwalay na rin sila ng kaibigan para umuwi. Maaga pa lamang ay inaantok na siya kaya matapos kumain ng hapunan kasama ang magulang ay nagpaalam na siya para matulog sa kanyang silid.
Kinabukasan ay nagising siya sa alarm ng oras. Kinapa niya ang cellphone at binuksan ang camera para kuhanan ng litrato ang kanyang mukha, kagaya ng kanyang nakasanayan, ngunit napasigaw siya ng makita ang kanyang sarili.
Ibang-iba ito sa magandang si Lala. Ang nakita niya ay ang sarili ngunit higit na kagaya ng dati. Hindi na makinis ang kanyang mukha, at wala na ang mala-porselana niyang kutis.
Nananaginip ba siya?
Tumayo siya sa kama at tinignan ang salamin. Ilang beses kinurot ang sarili sa pagbabaka-sakaling isa itong masamang panaginip. Ngunit walang nagbago.
Naalala niya ang babaeng iyon! Si Carmi!
Siya ang may kasalanan!
Kaya naman tinapalan niya ng kolorete ang mukha, nagbihis at tinakpan ng belo ang kaniyang ulo. Kailangan nilang magharap! Kitang-kita niya ang diri sa mukha ng mga taong nakakasalamuha.
“Ako nga ‘to! Bakit ayaw niyong maniwala? Sinumpa ako ng Carmi na ‘yun!”
Hindi naniniwala si Kristel habang pinapanood lang siya ni Nadia.
“Sinungaling! Ang panget-panget mo! Pwede ba, galingan mo naman? Hindi naniniwala ang kaibigan ko sa sumpa!” anito.
Kanina niya pa kinukumbinsi kaya nga lang ay masyado itong mapilit.
“Tara na, Kristel, umalis na tayo rito. Hindi ba at pupunta pa tayo sa burol ni Carmi?” sabi ni Nadia at niyaya na ang kaibigan paalis.
Lumingon pa ito sa kanya ngunit hindi na siya nakapagsalita ng iwan na siya. Ano? Anong nangyari kay Carmi?
“Manong!” tawag niya sa guwardiya ng paaralan.
Kumunot ang noo nito. “Ano? ‘Di ka naman pala nila kilala eh, alis na! Dali!” anito.
Umiling siya, “Ano pong nangyari? Anong nangyari kay Carmi?”
Sandali itong nag-isip ngunit sa huli ay mabigat na bumuntong-hininga.
“Ah, yung babaeng kulot? Wala eh. Nagpatiwak*l. Kawawa nga e, ang bait pa naman ng batang ‘yun!” malungkot nitong sabi.
“Bakit raw po?” kinakabahan niyang tanong.
Matagal bago dumating ang sagot, “Ang dami mo namang tanong!” kinamot nito ang ulo sandali.
Umiling siya at nagpilit hanggang sa sabihin nito ang mga katagang: “Dahil sa’yo!”
Bumuhos ang kanyang luha at nanlabo ang kanyang paningin. Hindi niya ginusto iyon. Hindi niya akalain na hahantong dito ang lahat.
Siya ang may kasalanan ng lahat. Magsisi man siya ay wala ng saysay iyon dahil ‘di na maibabalik ang buhay ni Carmi.
Nang dumilat siya ay habol niya ang kanyang hininga, mabilis ang pintig ng kanyang puso at ang pawis niya ay tumatagaktak.
Nakita niya ang sarili sa salamin.
“Panaginip lang. Panaginip lang ang lahat.” Muli siyang umiyak. Ang panaginip ay nagturo ng aral sa kanya. Huwag mamintas at mang-api ng kahit na sino.
Habang naglalakad sa paaralan ay nakasalubong niya si Carmi. Natigilan siya nang maalala ang panaginip. Ngunit bago pa man siya makapagsalita ay umiwas na ito ng daan.
“Carmi!” Bumilis ang lakad nito kaya sinundan niya.
“Bakit? ‘Wag na ako, Lala. Tama na,” pagod nitong sinabi.
Umiling siya at bumuhos ang kanyang luha.
“Patawad. Patawarin mo ako.”
Nabigla ito sa kanya. Wala siyang ginawa kundi humingi ng tawad habang umiiyak, kahit pa magkandakalat ang mga kolorete niya sa mukha.
Niyakap siya nito kasabay ng pagpapatawad.
Mula sa malayo ay nakita niya si Nadia na nanonood sa kanila, nagkatinginan sila. Mula sa malayo, sa unang pagkakataon ay nakita niya ito na ngumiti.
Simula noon ay tumigil na sa panlalait ng kapwa si Carmi. Naging maingat na siya sa mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig upang makasigurong hindi siya makakapanakit ng damdamin ng sinumang tao.