Ang Pagbabalik ni Tatay
May gumagalang holdaper sa kanilang lugar. Kaya naman hangga’t maaari ay sinusubukan ni Astrid na umuwi ng maaga mula sa eskwelahan. Kaso ay may mga araw talaga na sadyang madaming kailangang tapusin. Kagaya ngayon.
Sumalubong kay Astrid ang malamig na hangin nang makababa siya ng jeep kaya naman mas lalo niyang nayakap ang hawak-hawak niyang mga libro.
Tiningnan niya ang oras. Pasado alas onse na. Kaya pala halos wala nang tao sa kanyang dinaraanan.
Maliwanag ang paligid. Bukas ang mga ilaw sa bawat poste at maliwanag ang bilog na bilog na buwan.
Muling umihip ang malakas na hangin na nagbigay sa kanya ng mumunting kilabot. Napakalamig na talaga kapag malapit na ang Disyembre, naisip niya pa.
Tanging kuliglig lamang at yabag ng mga paa ni Astrid ang maririnig sa paligid.
Nagpatuloy si Astrid sa paglalakad nang may maramdamang tila may naglalakad din sa kanyang likuran.
Dahan-dahan siyang lumingon ngunit wala naman siyang nakita kaya naman nakahinga siya nang maluwag. Ngunit hindi naalis ang kanyang pakiramdam na may tao sa kanyang likod.
Kinabahan siya. Naalala ang gumagalang holdaper.
Maya-maya lang ay laking pasasalamat niya na nakarating na siya ng bahay nang ligtas. Pag-uwi niya ay nadatnan niya ang ina na nanonood ng TV.
“Bakit ngayon ka lang, anak?” Agaran nitong usisa pagdating niya.
“’Nay, madami kaming ginagawa sa school nitong mga nakaraang araw,” paliwanag niya sa ina.
“Subukan mong umuwi nang mas maaga, Astrid. Alam mo naman na kalat ang balita na may gumagala daw na holdaper sa atin ngayon.”
Naalala ni Astrid ang kanyang pakiramdam na may sumusunod sa kanya. Ngunit hindi niya ikinuwento iyon sa ina sa takot na mas lalo lamang itong mag-alala sa kanya.
“Sana nandito si tatay, para may susundo sa atin, ‘no, ‘ma?” tanong niya sa ina.
“I-text mo ako kapag gagabihin ka ng uwi para masundo kita,” suhestiyon ng kanyang ina. Tumango naman si Astrid bilang pagsang-ayon.
Malungkot na ngumiti ang kanyang ina. Hindi ito nagsalita.
Nasa kulungan kasi ang kaniyang ama. Kasalukuyan nitong pinagbabayaran ang kasalanang hindi nito ginawa.
Mula nang makulong ito ay hindi na nila ito muling nakausap. Hindi nito tinatanggap ang kanilang pagbisita. Kalimutan na daw nila ito at ayaw nito na makilala silang mag-ina bilang kamag-anak ng isang kriminal.
Alam niyang gabi-gabi pa rin na umiiyak ang kanyang ina dahil dito pero nirespeto nito ang gusto ng kanilang padre de pamilya. Isa pa, wala naman silang magagawa dahil hindi na talaga ito nagpakita sa kanila simula noon.
Miss na miss niya na ang kanyang ama.
Marahil upang umiwas na mapag-usapan ang kanyang ama ay nagyaya ng ang kanyang nanay na matulog.
Kumusta na kaya si tatay? Iyon ang laman ng kanyang isip bago nilamon ng antok.
Pasado alas diyes ng gabi. Magtetext sana si Astrid sa ina na sunduin siya mula sa terminal ng jeep ngunit nadismaya siya nang makitang lowbat na ang kanyang cellphone. Ngayon ay kakailanganin niya na namang maglakad mag-isa.
May pagmamadali sa lakad ni Astrid. May namataan kasi siyang lalaking naka-sumbrerong itim nang bumaba siya ng jeep, at tila may hinihintay rin ito.
Nagsimula itong maglakad sa likuran niya. Abot-abot ang kaba ni Astrid hanggang sa makarating siya sa bahay. Akala niya ay mabibiktima na siya ng holdaper.
“Astrid, nararamdaman mo rin ba minsan na may sumusunod sa’yo?”
Nagpaliwanag na lamang siya sa ina kung bakit hindi siya nakapagpasundo. Muli ay pinigilan niya ang sarili na magkwento sa ina ng karanasan subalit nagulat siya sa sunod na itinanong nito.
Matagal bago siya sumagot. “Hindi naman po, ‘nay,” pagsisinungaling niya.
“Mabuti naman,” aniya na tila nakahinga ng maluwag.
“Basta, magtext ka pag pauwi ha? Susunduin kita.” May pinalidad sa tono nito.
Nakahiga si Astrid sa kanyang kama. Paano kung nasundan kami ng holdaper at pasukin kami ng magnanakaw rito? Nakaramdam ng kilabot si Astrid sa naisip.
Lumabas siya ng kwarto at sinigurado na nakakandado ang mga pinto at nakasara ang mga bintana.
Hinahawi niya pasara ang kurtina nang mapansin na may tao sa labas. Ang lalaking naka-sumbrero!
Sa takot ay halos hindi siya nakatulog nang gabing iyon.
Kaya naman nang sumunod na gabi ay sinigurado na ni Astrid na magpapasundo siya sa kanyang ina sa may kanto nila. Nakahinga siya nang maluwag nang mamataan ang ina na nag-aabang sa kanya.
Masaya silang nagku-kwentuhan nang maya-maya ay may umantabay sa kanilang paglalakad. Nagdeklara kaagad ang lalaki ng holdap habang nakaamba ang kamay nito na may hawak na kutsilyo.
Hintakot na natigagal ang mag-ina. Akmang kakapkapan sila ng holdpaer nang mula sa likod ay may pumalo sa ulo nito, dahilan para bumagsak ang holdaper.
Napalingon si Astrid dito. Ang lalaking naka-sumbrero!
Nang masiguro ng lalaki na mahimbing na ang holdaper ay tumayo na ito at nagsimulang maglakad paalis.
Nagulantang siya nang marinig ang ina na sumigaw. “Mario!”
Napahinto ang lalaki ngunit hindi lumingon.
Mario ang pangalan ng kanyang ama.
“Alam kong binabantayan mo kami ni Astrid nitong mga nagdaang araw! Nakalaya ka na pala, bakit hindi mo man lang kami sinabihan?” naghihinanakit na wika ng kanyang ina.
Hindi nagsalita ang lalaki. Maya-maya ay nagpatuloy sa paglalakad, halatang walang balak manatili.
“Mario!” Nagpatuloy ito sa paglalakad.
“‘Tay!” subok na sigaw ni Astrid.
Huminto ang lalaki. Maya-maya ay lumingon. Nanlaki ang mga mata ni Astrid. Ang tatay niya nga!
Tumakbo na si Astrid palapit sa ama at sinugod ito ng mahigpit na yakap.
“Miss na miss na kita ‘tay, bumalik ka na sa amin…” pakiusap ni Astrid sa ama habang patuloy ang pagbalong ng luha.
Nang kumalas siya sa pagkakayakap sa ama ay nilapitan naman ng ama kanyang nanay at niyakap.
Napangiti si Astrid. Mukhang sa wakas ay muli nang mabubuo ang kanilang pamilya.
Matapos nilang isuko sa kapulisan ang holdaper ay napagkwentuhan nila ang pananatili ng ama sa kulungan sa loob ng limang taon.
“Nakipagtulungan ako sa magagaling na abogado para mapawalang sala. Gusto kong makabalik kaagad sa inyo,” pagkukwento ng kanyang ama.
“Peero bakit po hindi kayo agad agad bumalik sa amin?” takang tanong ni Astrid sa tatay.
“Kasi baka hindi niyo na ako kailangan.” Napayuko ang ama sa sinabi nito.
Marahang natawa si Astrid. “May pamilya po bang hindi nangangailangan ng tatay?”
Hindi nakasagot ang kanyang ama.
Napangiti si Astrid. Sa wakas, makakatulog na ulit siya ng mahimbing. Dahil nagbalik na ang kanyang amang alam niyang handa siyang ipagtanggol mula sa panganib anumang oras.