Inday TrendingInday Trending
Ang Liwanag sa Buhay Ko

Ang Liwanag sa Buhay Ko

Unang beses na nakita pa lang ni Carlos ang dalaga ay para bang may malakas na pwersa ang humahatak sa kanya para sundan ito ng tingin. Hindi niya maalis ang kanyang mga mata sa dalaga sa tuwing mahahagilap ito ng kanyang mga mata.

Isang engineer si Carlos. Kaka-graduate niya palang noong isang taon at pinalad naman siyang makapasa sa board exam nila sa unang beses niyang pagkuha sa nasabing licensure exam.

“Kuya bakit ka ba balik nang balik dito sa school ha? Matagal ka naman nang graduate ha?” tanong sa kanya ng nakababata niyang kapatid na si Carol. Isa itong accountancy student sa parehong unibersidad kung saan siya nagtapos.

“Ah eh… may inaasikaso lang akong mga documents,” pagdadahilan niya sa kapatid. Binigyan naman siya nito ng nagdududang mga tingin.

Magsasalita pa sana siya ng bigla nalang lumapit ang dalagang nakabighani sa kanya sa kanyang nakababatang kapatid.

“Oh Carol, ‘wag mong kakalimutang magreview ng mabuti ha? Ikaw pa naman ang napiling lalahok sa Basic Accounting Competition natin sa nalalapit na JPIA Days,” paalala ng dalaga sa kanyang kapatid. Napatingin naman sa kanya ang dalaga na para bang ngayon lang siya nito napansin, nagmamadali kasi ang dalaga kanina ng makita ang kapatid niya.

“Ay ate, kapatid ko nga po pala, si Kuya Carlos. Graduate rin po siya dito last year lang,” pagpapakilala sa kanya ng kanyang kapatid sa dalaga. Ngumiti naman ang dalaga.

“Hi,” matipid na bati ng dalaga sa kanya at agad na ibinalik ang tingin sa kanyang kapatid, ”Oh sige Carol, alis na ako, ha? Mag-aral ka ng mabuti!” muling pagpapaalala nito sa kanyang kapatid.

Pagkaalis ng dalaga ay nakita niyang nakatingin sa kanya ang kaniyang kapatid habang nakataas ang mga kilay.

“So… siya ba ang documents na tinutukoy mo?” nakakalokong tanong sa kanya ng kapatid. Napakamot na lang siya sa kanyang batok dahil nabuko siya ng nakababatang kapatid.

Unang beses niyang nakita ang dalaga noong inihatid niya ang kapatid sa kanilang unibersidad. Simula ng makita niya ang dalaga ay hindi na ito nawala pa sa kanyang isipan, kaya naman sa tuwing may pagkakataon siya ay siya na mismo ang nagprepresentang ihatid at sunduin ang kapatid sa eskwelahan.

Napag-alaman niyang isa rin itong accounting student gaya ng kanyang kapatid. Hindi niya alam ang pangalan ng dalaga, ang tanging alam niya lamang ay nasa huling taon na ito ng kanyang kursong kinuha.

Dahil nga torpe ay nagpatulong siya sa kapatid niya para mapalapit sa dalaga. Napag-alaman niyang Guia pala ang pangalan ng dalaga. At dahil malapit naman sila ng kanyang kapatid at spoiled pa nga ito sa kanya ay walang atubili naman itong sumunod sa pakiusap niya.

“Hello, napakabait mo namang kuya sa kapatid mo, talagang halos araw-araw mo pa talaga siyang hinahatid at sinusundo, ‘no?” puri pa sa kanya ni Guia ng minsang naabutan niyang magkasabay sila ng kapatid niya nang sinundo niya. Tinext kasi siya ng kapatid niya at sinabing magkasama nga sila, kaya naman agad niyang tinapos ang kanyang trabaho at sinundo ang kapatid.

“Hindi naman masyado, sakto lang,” nahihiya niyang sagot sa dalaga na tumawa lang din sa pagpapakumbaba niya. Aalis na sana ito nang pigilan niya.

“Uhm ano, nagugutom ka ba?” mabilis niyang tanong sa dalaga. Napangiti naman ito.

“Bakit, manlilibre ka ba?” biro pa nito sa kanya.

“Sure! Tara, sama ka sa’min?” paanyaya niya sa dalaga.

“Hindi ba nakakahiya sa inyo?” nag-aalangang sagot nito sa kanya. Umiling naman agad siya.

“Hindi ‘no! Tsaka pasasalamat ko na rin sa pag-aasikaso mo sa makulit kong kapatid,” sabi niya sabay gulo sa buhok ni Carol na ikinasimangot naman ng mukha ng kapatid.

Kumain silang tatlo sa isang fastfood restaurant na malapit lang din sa unibersidad. Mas lalo niyang nagugustuhan ang talaga habang tumatagal. Mas naging malapit sila sa isa’t isa sa mga sumusunod na araw. Sa wakas kasi ay nakuha niya na ang number ng dalaga.

Pag nakakausap niya ang dalaga ay para bang biglang gumagaan at sumasaya ang araw niya. Madalas niya kasi itong puntahan sa kanilang unibersidad.

Ito ang nagsisilbing ilaw niya ngayon sa kanyang buhay. Dati kasi ang dilim ng buhay niya. Ang dami niyang problema, past relationship, family problems, at trabaho. Pero simula nang dumating si Guia sa buhay niya, parang lahat ay biglang umayos. Lahat ay naging magaan, madali at masaya lang.

Tuluyan ng nahulog ang loob niya sa dalaga.

“Uhm ano… Guia, pwede ba kitang ligawan?” kinakabahan niyang tanong sa dalaga isang araw na magkasama silang dalawa. Bigla namang nawala ang ngiti sa mga labi ng dalaga.

“Ha? Hindi ko ba nasabi sa’yo? May boyfriend kasi ako,” naguguluhang sagot sa kanya ng dalaga. Nabigla naman siya sa narinig at para bang nadurog ang puso niya.

Pero hindi siya nawalan ng pag-asa. Nanatili siyang kaibigan kay Guia. Patuloy na nagpapakatanga sa babaeng siyang nagsisilbing liwanag sa buhay niya. Naging magbestfriends sila at sa kanya madalas mag open up si Guia kapag nagkakaproblema ito at ang kanyang nobyo.

Alam niyang labis na nahihirapan na si Guia sa nobyo niya pero nananatiling matatag ang dalaga dahil naniniwala raw itong magbabago pa ang lalaki. Mas lalo pa siyang napapahanga ng dalaga dahil sa ipinakikita nitong tapang at tiwala sa nobyo.

“Ang swerte naman ng nobyo mo sa’yo. Sana all may Guia,” wala sa sariling sabi niya kay Guia.

“Maswerte din naman ang magiging nobya mo ha? Mabait ka, gwapo, at sobra kung magmahal. Hintayin mo lang siya,” nakangiting sagot sa kanya ng dalaga at hinawakan ang kanyang kamay.

Pagkatapos nang araw na iyon ay hindi na ulit pa sila nagkita dahil kinakailangang umalis ng bansa ni Carlos. May offer kasi siyang natanggap sa ibang bansa na hindi niya kayang tanggihan. Nagtagal siya doon ng limang taon.

Pagkauwi niya ng Pilipinas ay dumiretso siya sa simbahan. Ibinilin niya na lamang ang kanyang mga gamit sa kanyang pamilya. Kinakailangan niyang umabot sa kasal bago pa siya mahuli.

Pagkarating niya ng simbahan ay saktong nasa altar na ang bride kasama ang groom nito.

“And you, Guia Salazar, take this man as your lawfully wedded husband?” tanong ng pari sa dalaga. Napatingin si Guia sa may bandang dulo ng simbahan kung nasaan siya. Alam niyang nakikita siya ng dalaga. Tumango siya sa dalaga na para bang sinasabing, “Okay lang. Be happy.”

“I do,” sagot ng dalaga habang nakatingin sa mata ng maswerteng lalaking napangasawa nito.

Hindi na tinapos ni Carlos ang kasal at agad ng lumabas ng simbahan ng may ngiti sa labi. Hindi man sila nagkatuluyan ng babaeng labis niyang minahal, masaya naman siya dahil alam niyang masaya na rin ito. At naniniwala rin siyang isang araw, darating din ang babaeng nakatadhana para sa kanya na mas higit niyang mamahalin kaysa sa pagmamahal niya kay Guia. Kailangan niya lang maghintay at magtiwala.

Advertisement