Inday TrendingInday Trending
Anak o ATM?

Anak o ATM?

“Anak, yung tuition pala ng mga kapatid mo ‘wag mong kakalimutan ha?” Pagpapaalala ni Aling Melai sa anak na si Ynna. Ka-videochat kasi ng ale ang anak niyang OFW.

Gaya ng karamihan sa mga pamilyang Filipino na may kamag-anak na OFW, ganito madalas ang usapan nilang mag-ina o ng kaniyang mga kapatid. Hindi man lang siya magawang kumustahin muna, puro bayarin at kung ano pang paglalaanan ng pera lagi ang habol ng mga ito sa dalaga. Hindi anak o kapatid kung ituring nila ang dalaga kundi ay tila para bang isang ATM na hihingan ng pera sa tuwing may kailangan o gusto.

“Huwag po kayong mag-alala Inay at mangyari ay makapagpapadala na po ako ulit sa inyo sa susunod na linggo,” sagot ng dalaga sa ina. Halata sa mukha at boses ng dalaga ang pagod sa trabaho. Kagagaling lang kasi nito sa trabaho at wala pang tulog.

“At saka anak, yung bahay rin pala babayaran pa natin ‘yon sa katapusan. Pati na rin yung kuryente at tubig. Ano kasi anak, umabot sa limang libo ang bayarin natin sa tubig at kuryente ngayong buwan,” dagdag pa ng ina sa anak.

Napabuntong hininga nalang si Ynna. Simula ng nag-abroad siya ay para bang itinuring na siyang ATM ng kaniyang pamilya. Ang akala siguro ng mga ito ay madali lang niyang nakukuha ang perang kaniyang ipinadadala sa kanila sa Pilipinas. Dugo at pawis niya ang iniaalay niya para lamang matugunan ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Hindi niya naman magawang magalit sa kanila dahil ito naman talaga ang rason kung bakit siya lumabas ng bansa at naging OFW. Para mabigyan ng maginhawang buhay ang kaniyang mga mahal sa buhay. Kaya kahit na nahihirapan ay tinitiis nalang ng dalaga.

“Sige po, idadagdag ko na rin po sa ipapadala ko sa inyo ‘Nay,” dugtong pa ng dalaga sa sagot sa ina. Bahagya pa itong ngumiti sa ina.

Isang napakabait na anak at kapatid ni Ynna. Handa siyang isakripisyo ang sarili para lamang sa kaniyang pamilya. Kahit na nahihirapan na siya sa trabaho at nangungulila na ng sobra sa kaniyang pamilya ay ni minsan ay hindi ito nagreklamo o nagparinig sa kanila. Kahit na madalas ay kinakain na siya ng sobrang lungkot dahil mag-isa lamang siya sa banyagang bansa ay tinitiis niya lahat para sa kaniyang pamilya.

“Salamat, anak. Hulog ka talaga ng langit sa amin,” nakangiting pagpapasalamat ng ina niya kay Ynna. Napangiti naman ang dalaga. Pakiramdam niya ay napawi ang lahat ng kaniyang pagod sa narinig sa ina. Lahat ay kakayanin niya upang makita lamang na masaya ang kaniyang mga mahal sa buhay.

“Sige, anak at ako’y magpapaalam na at ako’y magluluto pa ng hapunan namin dito,” paalam na ni Aling Melai bago ibaba ang tawag.

Limang taon na rin ang nakalipas simula ng nangibang bansa si Ynna para magtrabaho. Hindi naging madali ito para sa dalaga. Bawat araw ay puno ng paghihirap at pangungulila sa pamilya.

“Oh Ynna, sahod na natin ngayong araw! Tara at mag-shopping tayo mamaya!” aya ng katrabaho ni Ynna na kapwa Pinoy din. Ngumiti lang ang dalaga at niligpit na ang gamit.

“Naku, naku! Huwag mong sabihing ipapadala mo na naman lahat sa pamilya mo sa ‘Pinas?” hindi makapaniwalang tanong ng dalaga kay Ynna. Ngiti lamang ang sinagot ng dalaga at nauna nang umalis sa kanilang opisina.

Mabilis na lumipas ang ilang taon. Sa ika-walong taon ni Ynna sa kompanyang pinagtratrabahuan ay isang trahedya ang kanilang kinaharap. Nalugi ang kanilang kompanya at madami ang nawalan ng trabaho, at isa na roon si Ynna.

Bagsak balikat na sumakay ng eroplano si Ynna pauwi ng ‘Pinas. Ilang araw rin siyang umiyak at nagmakaawa na bigyan ulit ng trabaho ngunit wala na talagang magagawa ang kompanya para sa kaniya. Hanggang sa napagdesisyunan na lamang ni Ynna na umuwi.

Bagama’t natanggal sa trabaho ay maliit na parte ng dalaga ang nagagalak na rin dahil, sa wakas ay makakauwi na rin siya sa kanila makalipas ng mahabang panahon. Puro trabaho lang kasi ang kaniyang inatupag nitong nakaraang mga taon kaya hindi nagawang makauwi ni minsan. Sana nga lang, sa kaniyang pagbabalik ay makahanap din siya agad ng trabaho pag-uwi ng bansa.

Labis niyang inaalala ang magiging reaksyon ng kaniyang pamilya, pero laking gulat ng dalaga ng makita ang kaniyang buong pamilya sa airport para sunduin siya. Lahat ay nakangiti at sabik na sabik na makita siya. Agad-agad siyang niyakap ng mga ito nang makita siya. Bagama’t nagulat ay napangiti na rin si Ynna. Nakahinga siya nang maluwag dahil sa mainit na pagtanggap ng kaniyang pamilya sa kaniyang pagbabalik.

“Ate! Oy sobrang ganda mo na ah!” bati sa kaniya ng kaniyang nakababatang kapatid.

“Oo nga anak, mas gumanda ka sa Amerika ano?” nakangiting pagsang-ayon ng kaniyang ina.

“Naku, binobola niyo pa ako. Lahat kayo may pasalubong!” wika ng dalaga. Lahat naman ay nagtawanan sa kaniyang sinabi.

“Maraming salamat anak, sa lahat ng iyong sakripisyo para sa amin,” naluluha at emosyonal na pahayag ni Aling Melai sa anak.

“Walang anuman po ‘Nay,” nakangiting sagot ni Ynna sa ina. Muli ay niyakap ang dalaga ng kaniyang pamilya kasabay ng pasasalamat ng bawat isa.

Walang paki-alam si Ynna kung ATM man kung ituring siya madalas ng kaniyang pamilya dahil bukal sa loob niya naman ang pagbibigay niya sa kanila. Dahil para sa dalaga, lahat ay makakaya niya para sa kaniyang pinakamamahal na pamilya.

Advertisement