Inday TrendingInday Trending
Ayoko Na Pala Sa’yo!

Ayoko Na Pala Sa’yo!

Tatlong taon na rin ang nakakalipas nang magdesisyon ang magkasintahang Arlene at Marvin na itigil muna ang lahat at ibuhos ang kanilang atensyon sa pag-aaral. Ito’y ginawa nila para sa ikabubuti nilang dalawa at bilang pagsunod na rin sa utos ng mga magulang. Mahirap man ngunit alam nilang sa dulo ay maaari na nilang ipagpatuloy ang relasyon.

High school pa lamang sila nang magkakilala at doon ay naging magkarelasyon ang dalawa. Hindi naman iyon lingid sa kaalaman ng kanilang magulang na todo pa nga ang suporta sa kanila. Para kasi sa kanila, kung pipigilan ang mga kabataan ay lalo lamang sila magpipilit gawin ang gusto nila. Wala namang naging problema hanggang sila’y tumuntong na ng kolehiyo. Unang taon pa lamang, madalas na silang mag-away dahil hindi sila parehas ng paaralan pati na ng kursong kinukuha.

Dagdag pa ang mga tambak na gawain pati na isekdyul na hindi magtagpo. Umabot sila sa puntong hindi na sila nagkakaunawaan at parehas itong nakakaapekto sa kanila. Kaya naman, pinili nilang unahin ang pag-aaral kaysa sa kanilang pag-iibigan. Ngunit kasama niyo ay ang pangakong ipagpapatuloy ang relasyon hanggang kasalan sa tamang panahon.

Ngayong tapos na sa pag-aaral sina Arlene at Marvin, masayang nag-aayos ng sarili ang dalaga sa kanilang bahay upang muling makipagkita sa binata. Sa pagtigil kasi ng kanilang relasyon, ay natigil din ang komunikasyon at pagkikita. Kaya naman, sabik ang dalagang muling masilayan ang lalaking mahal na mahal niya.

Pagkarating niya sa restawran kung saan sila magkikita, wala pa roon si Marvin. Halos kalahating oras din siyang naghintay bago tuluyang dumating ito. Nakasimangot na ang kaniyang mukha ngunit mabilis namang humingi ng tawad si Marvin dahil na-traffic daw ito.

“Dati naman hindi ka ganiyan eh. Lagi pa nga ikaw ang nauuna sa ating dalawa eh,” pagmamaktol ng dalaga.

“Sorry, Lene, traffic talaga. Promise,” tugon naman ng lalaki.

Hindi naman iyon pinahaba pa ng dalaga dahil iyon nga ang una nilang pagkikita muli. Kapansin-pansin para kay Arlene ang tindig ng binata na bagsak ang katawan at ang buhok na mahaba. Hindi niya iyon nagustuhan dahil malayo iyon sa itsura ng lalaki noon.

“Kain muna tayo,” imbita ng lalaki sa kaniya.

Napabuntong hininga na lang siya at sumang-ayon dito. Maya-maya habang kumakain, sinimulan ni Marvin ang kanilang pag-uusap. Hindi kasi kumikibo ang dalaga habang kumakain at patuloy lamang ito sa pagkalikot ng hawak na cellphone.

Isang tanong, isang sagot lamang ang ginagawa nito. Hindi iyon nagustuhan ni Marvin kung kaya tumahimik na lang din siya.

“So, kumusta? Bakit ganiyan na ang itsura mo? Ano nangyari sa’yo?” tanong ng babae.

“Ahh. Itong buhok ko ba? Hindi ba’t sabi ko sa’yo noon na gusto kong magpahaba ng buhok para naman maangas ang dating!” pabirong sagot ng lalaki.

“Tss,” tugon naman ng babae, inirapan ang binata dahil hindi nagustuhan ang sagot nito.

“Eh bakit ang payat payat mo? Nag-aad*k ka ba? Hindi ka naman ganiyan dati eh,” muling tanong ng babae.

“Ad*k ka diyan! Dami ko kasing ganap nitong mga nakaraan. Alam mo na, sa school kailangan kong ipasa muna lahat ng gawain doon sa sumunod na presidente ng organization namin bago ako grumaduate,” sagot muli ng lalaki.

Sunod-sunod ang katanungan ni Arlene na para bang kinakapanayam niya ang binata. Si Marvin naman ay pilit na hinahabaan ang kaniyang pasensiya upang intindihin ang babae. Alam niyang kapag nagalit siya ay magagalit na rin ito at hindi iyon magiging maganda. Ngunit tulad nang marami, ang pasensiyang iyon ay umabot na sa hangganan nito.

“Bakit ba ang dami mong tanong?” marahan pang sagot ni Marvin.

“Bakit? Ayaw mo ba? Edi ‘wag na lang! Buti nga ako may saysay iyong mga tanong ko, samantalang ikaw halos walang kabuhay-buhay!” mataas na tono ng babae habang nakataas ang kilay kay Marvin.

“Alam mo, mabuti pa, umuwi na lang tayo. Wala na ako sa mood makipag-usap sa’yo!” huling wika ng babae kay Marvin at saka mabilis na umalis ito.

Samantala, naiwan si Marvin na napakamot sa kaniyang ulo at sabay sabing, “hindi din naman siya ganoon dati.”

Naaalala pa rin ni Arlene ang nangyari kanina at naisip na huwag na lang makipagbalikan. Dahil ibang-iba na si Marvin sa lalaking minahal niya noon. Kung dati ay puno iyon ng buhay, ngayon para sa kaniya, parang halos wala siyang kasama kanina.

Sa kabilang banda, ganoon din si Marvin. Naisip niyang hindi na muling gagana ang kanilang relasyon. Ang pangako na binitawan nila ay malabo ng matupad. Dahil ang dating Arlene na minahal niya bilang maintindihin, malambing, at palaging nakangiti, ngayon ay kabaligtaran na ng lahat ng iyon.

Dumaan ang ilang araw, mayroon namang komunikasyon ang dalawa ngunit hindi na iyon katulad ng dati na puno ng saya at pangarap. Kung hindi nag-aaway ay walang buhay ang kanilang mga pag-uusap. Hanggang sa dumating ang araw na nilaksan na ni Arlene ang loob niya upang sabihin ang nararamdaman kay Marvin, na ayaw na niya.

Dumating ang araw na magkikita silang muli. Papalabas na sana ng bahay si Arlene nang makita ang ina at ang kaniyang ama na malambing na nakaupo sa kanilang sala. Napangiti na lamang siya nang makita niya iyon. Noon ay pinangarap niya rin ang ganoong buhay kasama si Marvin. Hanggang sa hindi niya namalayang naluluha na pala siya habang nakatingin sa kawalan at iniisip ang nangyari sa kanila ng binata. Nagulat siya nang bigla siyang tawagin ng kaniyang ina at tinanong kung ano ang problema niya. Hindi siya nahiyang magsabi sa ina sapagkat todo naman ang suporta nito sa kaniya noon pa man. Labis ang pag-iyak niya sa kanilang pag-uusap.

“Hindi rin perpekto ang ama mo, Lene. May mga pagkakataong ang buti niya o ang lambing. Ngunit may pagkakataon din na mali siya at nakakainis. Pero siyempre dahil nangako ako na mamahalin ko siya, tanggap ko siya at handa ko siyang tulungan sa mga kahinaan niya. Ganoon din naman siya sa akin. Tandaan mo, nak, na ang pag-ibig hindi kailangan perpekto, hindi kailangang steady. Dahil tao lang din kayo, nagkakamali, nagkukulang. Pero kung hindi mo nakikita ang sarili mo na gagawin iyon para sa kaniya, mas mabuti ng bumitaw,” marahang sabi ng ina niya.

Bumuhos ang luha ni Arlene dahil inaalala pa rin niya si Marvin. Matapos ang pag-uusap nila na iyon ng kaniyang ina, pumunta na si Arlene sa kaniyang pakay.

Nang dumating siya sa lugar ng kanilang pagkikita, naroon na si Marvin na naghihintay sa kaniya. Nakayuko iyon habang siya naman ay dahan-dahang umupo sa tabi nito. Huminga siya nang malalim bago magsalita.

“Iyong pangako natin sa isa’t isa…” napaluha na si Arlene.

Napatingin naman sa kaniya ng direkta ang binata mula sa pagkakayuko nito.

“Alam ko, Lene. Ramdam ko,” malungkot na sabi nito.

Nag-iyakan ang dalawa nang mga oras na iyon.

“Ipagpatuloy natin, Vin. Ipagpatuloy natin ang sinimulan natin… I’m sorry, Vin. I’m so sorry. Mahal na mahal kita,” wika ng babae sa lalaki na noo’y nagulat sa sinabi nito.

“Patawad din, Lene. Pangako ko sa’yo, na mas magiging matatag tayo at maintindihin sa isa’t isa. Mahal na mahal kita, Lene. At hindi ko makita ang kinabukasan ko kung wala ka,” wika naman ni Marvin na naluluha rin.

Natapos ang kanilang pag-uusap na mayroong leksyon na dala. Ito ay ang katotohanan na ang tunay na pag-ibig ay higit pa sa nararamdaman at romantisismo. Dahil ito ay ang pagtanggap at paninindigan sa pangakong binitawan hanggang dulo, anuman ang mangyari.

Advertisement