Inday TrendingInday Trending
Pare, May Lihim Ako Sa’yo

Pare, May Lihim Ako Sa’yo

Magkaibigang tunay si Alfred at si David mula pa noong mga bata pa lamang sila. Kaya kahit dulo ng kuko ni Alfred ay kilalang-kilala na ni David, gano’n din si Alfred kay David. Ngunit hindi lahat ay alam ni Alfred sa kaibigan. Dahil hindi niya alam na may pusong babae si David at siya ang laman ng puso nito.

“David!” pasigaw na tawag ni Alfred sa kaibigang si David, habang nagmamadaling tumakbo papalapit sa kinatatayuan nito.

“Oh! P’re bakit?” takang tanong ni David.

“Mamayang gabi may lakad tayo,” hinihingal pa ring wika ni Alfred.

“Saan na naman?” nakasalubong ang kilay na wika ni David.

“Isasama kita sa date namin ni Sarah,” nakangiting sagot ni Alfred.

“Na naman? Bakit kasama na naman ako? Nakakasawang maging third wheel p’re ah. Ayokong sumama,” matigas na tanggi ni David sa kaibigan.

Kahit kailan ay manhid ni Alfred sa nararamdaman niya. Hindi nito napapansing nasasaktan siya kapag nakikita itong masaya sa iba. Pero wala siyang magawa dahil bukod sa pareho silang lalaki ay magkaibigan silang matalik ni Alfred. Kailanman ay hindi kayang isipin ni David na darating ang araw na lalayuan siya ni Alfred dahil bakl* siya.

“Magagalit ako sa’yo kapag hindi mo ako sinamahan, David! Alam mo naman na hindi ako pinapayagang lumabas nina mama kapag gabi na at hindi kita kasama. Mas malaki pa nga tiwala nila sa’yo kaysa sa’kin na anak nila,” may himig inis na wika ni Alfred.

Kaya walang nagawa si David kung ‘di ang sumama sa date ni Alfred at Sarah. May halong inis siyang nararamdaman lalo na’t na kay Sarah ang buong atensyon ni Alfred. Naaalala lang siya nito kapag may ipapabili o iuutos ito sa kaniya.

“Pare salamat sa pagsama ah,” masayang wika ni Alfred habang naglalakad sila pauwi sa kaniya-kaniyang bahay nila.

“Wala iyon p’re. May pagpipilian ba ako? ‘Di ba wala naman,” kunwari’y nakabusangot na wika ni David na agad lang tinawanan ni Alfred.

“Hayaan mo na p’re ‘pag dumating naman ang araw na ikaw naman ang makikipag-date ako naman ang chaperone mo,” wika ni Alfred sabay akbay kay David.

“Sus! Sinasabi mo lang ‘yan kasi hindi mo pa nararanasang maging chaperone,” naka-ismid na wika ni David.

“Bakit kasi hindi ka pa nagkaka-nobya p’re?” biglang tanong ni Alfred dahilan upang matameme si David.

“Ayoko na munang magkaroon ng sakit sa ulo,” sagot ni David.

“Ahh… akala ko ayaw mo ng girlfriend dahil mas gusto mong magkaroon ng boyfriend,” natatawang wika ni Alfred.

Kaysa patulan ang kaibigan ay pabiro na lamang niya itong sinapak sabay sabing, “Umuwi ka na sa bahay niyo p’re. Para naman mabawasan ang perwisyong dala mo sa’kin ngayong araw na ito,” wika ni David na tanging malakas na tawa lang ang sagot ni Alfred sabay pasok sa bahay nito.

Ang buong akala ni David ay iyon na ang huling beses na isasama siya ni Alfred sa date nito kay Sarah, ngunit mali siya dahil na sundan pa iyon nang nasundan kaya siya na rin mismo ang sumuko.

“Bakit ba ayaw mo na akong samahan sa date namin ni Sarah?” may halong inis na tanong ni Alfred.

“Ayoko na nga p’re. Dapat kasi privacy niyo iyong mag-jowa kaya dapat labas na ako do’n. Baka sabihin pa ni Sarah na lagi na lang akong nakabuntot sa inyong dalawa,” dahilan ni David.

“Wala namang problema kay Sarah p’re kung kasama ka namin. Masaya nga siya’t nakikita niyang may kasama ako lagi. Ang alam ko ikaw ang may problema e. Ano ba ‘yon? Bakit ayaw mong sabihin sa’kin?” wika ni Alfred.

“Ayoko na nga kasi nasasaktan akong nakikita kayong masaya!” sigaw ni David.

Hindi na napigilan ni David ang paglabas ng totoong nararamdaman. Pagod na siyang magtago at ilihim ang nararamdaman para sa kaibigan.

“May gusto ka ba kay Sarah?” takang tanong ni Alfred.

Ano pa nga ba ang aasahan niya? Malamang hinding-hindi iisipin ni Alfred na ito mismo ang mahal niya. Dahil ang buong akala ng kaibigan ay isa siyang tunay na lalaki.

“Hindi si Sarah ang mahal ko kung ‘di ikaw!” wika ni David habang turo-turo niya ang dibdib nito. “B*kla ako Alfred, b*kla ako! Salot sa lipunan, nakakadiring nilalang. B*kla ako at may lihim akong pagtingin sa’yo. Ngayon alam mo na kung bakit ayoko nang sumama sa date ninyo ni Sarah? Kasi nasasaktan akong nakikita kang masaya sa babaeng nababagay sa’yo,” dere-deretsong wika ni David.

Nalunok na yata ni Alfred ang sariling dila dahil wala itong naisagot sa kaniya. Maya-maya lang ay bigla na lamang itong tumalikod at naglakad papalayo sa pwesto niya. Dumating na nga ang araw na kinatatakutan ni David. Wala na ang kaibigan at ang lalaking mahal ng puso niya.

Isang umaga ay nagulat na lamang si David ng biglang magpakita sa kaniya si Alfred. Dalawang linggo rin itong hindi nagpakita sa kaniya.

“Mag-usap tayo p’re,” nakangiting pakiusap ni Alfred kay David. Agad naman niya iyong pinayagan at ngayon nga ay nasa basketball court silang dalawa at serysosong nag-uusap.

“Alam kong nandidiri ka na sa’kin, Alfred. Hindi mo lubos maisip na b*kla pala ang kaibigan mo,” panimula ni David.

“Sa totoo lang nagulat talaga ako no’ng una p’re. Hindi ako makapaniwala sa sinabi mo. Hindi ko lubos maisip na b*kla ka. Hindi man lang sumagi sa isip ko na posibleng gano’n ka nga dahil mula noon hanggang ngayon hindi man lang kita nakitaan ng interes sa mga babae. Kaya n’ong umamin ka, lahat ng salitang ‘sabi ko na nga ba’ ay isa-isang nagdagsaan,” pag-amin ni Alfred.

“Pare hindi ko kayang suklian ang pagmamahal mo, pero iisa lang ang kaya kong ipangako p’re. Hinding-hindi ko huhusgahan ang tunay mong pagkatao. Ano naman ngayon kung binabae ka? May inagrabiyado ka bang kapwa mo? Hindi ka naman masamang tao kaya proud pa rin ako sa’yo p’re,” nakangiting wila ni Alfred.

Hindi napigilan ni David ang pag-agos ng luha. “Talaga ba p’re?” naiiyak na wika ni David.

“Oo p’re hinding-hindi magbabago ang pagkakaibigan natin. Sus! Daming b*klang successful p’re. Mahal kita dahil kaibigan kita, sana huwag mo nang hilingin na mahalin kita ng higit pa,” kakamot-kamot sa ulong wika ni Alfred.

“Kuntento na akong malaman na nand’yan ka pa rin bilang isang matalik na kaibigan p’re,” nakangiting wika ni David.

Isang mahirap na desisyon ang umamin na kakaiba ka. Pero laging tatandaan na ang taong kilala ka at mahal ka ay lagi kang tatanggapin kung ano ka man o kung sino ka man.

Advertisement