Pakitang Tao Lang

“Manang!”

Halos maputol ang litid ni Shawee sa lakas nang kaniyang sigaw. Samantalang halos magkandarapa naman si Manang Lourdes sa pagtakbo mula sa garden papasok sa bahay, upang agad siyang mapuntahan.

“Maʼam, tawag po ninyo ako?” malumanay na tanong ng pobreng kasambahay sa kaniyang nakasimangot na amo.

“Abaʼy oo! Kaninang-kanina pa ako tawag nang tawag sa ʼyo! Ang kupad-kupad mo talagang matanda ka!” nakapamaywang pang paglilitanya ni Shawee sa malakas pa ring tinig.

“Eh, maʼam, inutusan ho kasi ako ng mama ninyo na magdilig ng halaman sa garden,” paliwanag naman ni Aling Lourdes. Malumanay pa rin at mababa ang kaniyang tono, kahit pa nga ba halos hindi na niya matimpi ang nadaramang galit sa amo. “Ano ho ba ang iuutos nʼyo, Maʼam Shawee?” bagkus ay pag-iiba na lang niya sa usapan.

Tumitirik ang matang bumuntong hininga muna si Shawee bago sumagot.

“Linisin mo ang buong bahay. Dadalaw ang friends ko, so, dapat maayos na ang lahat bago pa mag-lunch time. Magpahanda ka na rin ng pagkain, ʼyong masarap!” pagalit pa ring utos nito.

Wala na lamang nagawa si Aling Lourdes kundi ang tumango at tumalima, kahit pa nga hindi pa siya nag-uumagahan o nagkakape man lang noon. Takot lang niyang muling makatikim ng pananakit mula sa amo niyang malupit, gayong hindi pa nga gumagaling ang natamo niyang sugat at mga pasa sa likod at braso nang pagpapaluin siya ni Shawee ng bandang hawakan ng walis-tambo kahapon nang dahil lang nagkamali siya ng itinimplang flavor ng juice.

Advertisement

Sa totoo lang ay matagal na niyang gustong umalis sa poder ng mga amo niyang ito, kung hindi nga lang nila hawak ang kaniyang leeg. Paanoʼy pinagbabantaan siya ng mga ito na kung susubukan niyang tumakas sa kanilaʼy hindi na siya makauuwi pang buhay sa kaniyang pamilya. Kung magsusumbong naman daw siyaʼy ang mga anak niya naman ang sasaktan nito. Sa estado ng buhay nina Shawee ay hindi malayong magawa nga nito ang banta, kaya naman tiniis na lamang ni Aling Lourdes ang lahat ng hirap.

Maya-maya paʼy nagsidatingan na nga ang mga bisita ni Shawee. Magigiliw ang mga ito, palangiti at magagalang kausap. Malayong-malayo sa ugali ng kaniyang amo.

“Sir, juice po?” Buhat ni Aling Lourdes ang isang tray na naglalaman ng mga baso ng juice at sandwiches para sa bisita.

“Ay, manang, bakit naman ho hindi kayo nagtawag? Sanaʼy natulungan ko ho kayong magdala nito rito. Akin na ho riyan,” mababa ang tinig na sabi ng isa sa mga bisita ni Shawee kay Aling Lourdes. “Iyong kasambahay nga ho namin, halos kasing edad nʼyo rin ay hindi ko na hinahayaang gumawa ng mga ganitong kabibigat na trabaho. Thatʼs how I pay her back, para sa pag-aalaga niya sa akin simula noong bata pa ako,” nakangiting dagdag pa ng binata.

“Naku, Rex, ganiyan talaga ʼyang si Manang Lourdes. Napakasipag, kaya nga mahal na mahal ko ʼyan, eh!” bigla namang singit ni Shawee na tinitigan pa si Aling Lourdes nang matalim upang umayon sa kaniyang sinabi.

“Thatʼs great! Alam mo, galit talaga kasi ako sa mga taong malupit sa mga kasambahay nila. Itʼs a major turn off for me,” pahayag pa ni Rex.

Biglang napalunok si Shawee sa tinuran ng binatang gustong-gusto niya. Papaano na lang pala kung malaman nito kung gaano siya kalupit sa kaniyang katulong?!

Nasa ganoong pag-iisip si Shawee nang bigla na lang matumba si Aling Lourdes! Nawalan ito ng malay!

Advertisement

Agad na nag-panic ang kaniyang mga bisita, maging siya. Ngunit ang concern niya ay wala sa katulong kundi nasa kaniyang sarili! Ano ngayon ang gagawin niya?

Mabilis naman ang naging reflexes ni Rex at nabuhat nito agad si Aling Lourdes at naisakay sa kaniya mismong sasakyan. Siya na rin ang nagdala rito sa ospital upang agad na masuri ng mga doktor. Maya-maya pa ay sumunod na rin ang iba pa niyang kasama sa ospital, pati na rin si Shawee.

“Na-over fatigue po ang pasiyente kaya siya hinimat*y, bukod sa wala pang laman ang kaniyang tiyan ngayong araw,” ayon sa doktor na sumuri kay Aling Lourdes. Doon pa lang ay napakunot na ang noo ni Rex at ng iba pa nilang mga kaibigan at halos sabay-sabay silang napatingin kay Shawee.

“S-sabi ko naman sa inyo, guys, napakasipag ni Aling Lourdes, eh! Ayaw niyang magpapigil sa trabaho kaya siguro siya na-over fatigue,” nanginginig ang tinig na depensa naman ni Shawee.

“But, thereʼs more…” Muling nabaling sa doktor atensyon ng lahat nang muli itong magsalita. “May nakita kaming mga bakas ng pagmamalupit sa pasiyente. Marami siyang mga sariwang sugat sa likod, mga pasa sa ibaʼt ibang parte ng katawan, mga bukol sa ulo at namamaga rin ang kaniyang binti. Nakausap na namin siya kanina at inamin niyang nakuha niya ang mga ʼyon mula sa pambubugbog ng kaniyang amo, thatʼs why… weʼre calling the cops.”

Napasinghap ang lahat sa naging rebelasyon ng doktor. Lahat sila ay nagulat, habang si Shawee naman ay halos mangatog na sa takot!

Umani ng sari-saring masasakit na salita si Shawee mula sa kaniyang mga kaibigan at kung nakapapasl*ng lang ang tingin ay baka kanina pa siya bumulagta dahil sa talim ng tinging ipinupukol sa kaniya ni Rex.

Nang mga sandaling iyon, alam na niya sa kaniyang sarili na tapos na ang maliligayang araw niya. Tapos na rin naman ang paghihirap ni Aling Laurdes sa kamay ng kaniyang amo, na ang kabaitan ay tanging pakitang tao lang.