
Hindi Ako Siya!
Halos mapaluwa ang mga mata ni Geneva nang makita ang “bagong mukha” sa salamin. Bagong mukha. Ang totoo, hindi naman talaga bago, sapagkat ang mukhang iyon ay mukha ng isa sa mga pinakasikat at premyadong aktres sa Pilipinas, si Mae Ortiz, na labis na iniidolo ni Geneva.
“Oh my God… look at that face, kamukhang-kamukha mo na si Mae Ortiz! Mapagkakamalan ka na talagang ikaw siya,” napapalatak na papuri ng aesthetic surgeon matapos tanggalin ang bondage sa kaniyang mukha. Dahan-dahang hinawakan ni Geneva ang pinangarap na mukha, simula noong bata pa siya.
Hindi nakilala ni Geneva ang kaniyang mga magulang. Salaysay ng kaniyang Tiya Guada na nag-aruga sa kaniya, namatay daw ang mga ito sa isang aksidente. Wala man lamang itong naiwang mga larawan para sa kaniya, dahil hindi na raw nadala ni Tiya Guada nang kupkupin ang bata.
Ngunit sabi ni Tiya Guada, kahawig daw ng aktres na si Mae Ortiz ang kaniyang ina. Simula noon, nakahiligan na ng batang Geneva ang pagsulyap sa magandang mukha ng aktres. Walang pelikula nito ang hindi niya pinanood. Namuo sa isipan niya na balang araw, magiging kagaya niya si Mae Ortiz.
Simula noon, habang siya ay nagdadalaga, ginaya niya ang paraan ng pananamit, pagsasalita, manerismo, kilos, at anyo ni Mae. Minsan, Mae na nga ang tawag sa kaniya ng mga kaklase. Inisip niyang siya talaga si Mae, at nangarap siyang balang araw, magpapayaman siya upang kopyahin ang mukha nito, tutal, nagawa niyang gayahin ang mga kilos, pagsasalita, at paraan ng pananamit nito.
Nagsikap siya upang matupad ang kaniyang mga pangarap na makapag-ipon at makapagpalit ng mukha. Pakiramdam niya, nagugustuhan siya ng mga tao dahil sa pagkopya niya kay Mae. Pakiramdam niya, marami ang nanliligaw sa kaniya dahil nakikita ng mga lalaki sa kaniya ang imahe ng sikat na artista.
Nang makapag-ipon ng sapat na pera, minabuti niyang mag-file ng leave sa kaniyang trabaho. Pahinga lang umano. Hindi niya sinabi ang totoong dahilan. Pinayagan siya dahil naging masipag at hindi pala-absent sa buong panahon ng kaniyang paninilbihan sa kompanya. Balak niyang sorpresahin ang lahat. Pagbalik niya, mukha ni Mae Ortiz ang matutunghayan ng lahat.
Matapos ang halos tatlong linggong leave, pumasok na rin sa wakas si Mae. Nagulat ang lahat pagkakita sa kaniyang bagong anyo. Inakala pa ng iba na siya talaga si Mae Ortiz. Agad siyang nagtungo sa kanilang boss.
“I-is that really you, Geneva? Oh my gosh… akala ko si Mae Ortiz na ang nakikita ko!” hindi makapaniwala ang kaniyang boss. Ngumiti nang ubod-tamis si Geneva. Pati ang mga nuances o malilit na kilos at paraan ng pagsasalita ng aktres ay nakopya na rin niya.
Bagama’t may mga pumupuri at namamangha, marami rin ang pinagtatawanan si Geneva. Wala raw originality, gaya-gaya, at walang sariling personalidad at identidad. Lahat ng ito ay hindi pinapansin ni Geneva. Hindi naman daw nila pera ang ginamit niya para ma-achieve ang mukha ni Mae. “Dedma” lamang siya sa mga naririnig niya.
Pati sa daan, napapalingon ang mga tao kahit saan siya magpunta. Nagugulat na lamang siya kapag dinudumog siya ng mga tao at nagpapaselfie sa kaniya. Pinauunlakan naman ito ni Geneva. Masayang-masaya siya dahil sa atensyong ibinbigay sa kaniya ng mga tao. Hanggang sa maging trending ang kaniyang mga larawan, at napag-usapan sa social media. Nakarating ito sa tunay na Mae Ortiz. Nakatanggap ng mensahe si Geneva mula sa assistant ni Mae Ortiz sa pamamagitan ng Facebook messenger na nais daw siya nitong makaharap nang personal. Nagpaunlak naman si Geneva. Pinasundo siya nito mula sa kaniyang tinutuluyan, at nagkita sila sa mismong bahay nito.
At nagkaharap na nga ang dalawa. Parang nananalamin si Mae Ortiz kay Geneva.
“Miss Mae, alam po ninyo, pinangarap ko pong makaharap talaga kayo. Idol na idol ko po kayo. Kita naman po ninyo, hindi ba? Kinopya ko po pati ang mukha ninyo!” tuwang-tuwang sabi ni Geneva. Subalit sarkastikong ngumiti si Mae Ortiz.
“Well… we are almost exactly the same… pero may hindi ka pa nakukuha o nagagaya sa akin. Kulang ka sa… class and elegance. Haha. Sabi nga ni Cherie Gil, ‘You are nothing, but a second rate, trying hard, copy cat!’ But, thank you for copying me. You may go,” sabi ni Mae sabay talikod sa kaniya.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Geneva. Pakiramdam niya, binuhusan siya ng malamig na tubig sa mga sinabi ng kaniyang idolo. Ang kaisa-isang artistang minahal at nilagay niya sa pedestal. Akala niya, matutuwa ito dahil naging labis ang kaniyang paghanga rito, na humantong sa pagkopya sa kaanyuan nito. Hindi rin siya makapaniwala sa asal nito.
Lulugo-lugong lumabas ng bahay ni Mae si Geneva. Hindi na raw siya ihahatid ng driver nito. Kumuha na lamang daw siya ng taxi. May namataang puting van si Geneva malapit sa bahay ni Mae Ortiz. Akala niya, taxi ito. Umandar ito at lumapit sa kaniya. Nagulat siya ng lumabas mula rito ang tatlong armadong lalaki at sapilitan siyang ipinasok sa loob ng van. Tinakpan ang kaniyang mukha ng panyo, at nahilo siya sa amoy nito hanggang sa magdilim sa kaniya ang lahat.
Pagkagising ng mahilo-hilong si Geneva, nagulat siya dahil nakaupo siya sa isang upuan at nakataling patalikod ang kaniyang mga kamay at paa. May busal din ang kaniyang bibig. Nang makita nang isa sa mga armadong lalaki na gising na siya, ngingisi-ngising nilapitan siya nito at hinaltak nang marahas ang busal sa kaniyang bibig.
“Sino kayo? Anong kailangan ninyo sa akin? Pakawalan ninyo ako?!” galit na tungayaw ni Geneva sa armadong lalaking nakabonnet.
“Huwag kang maingay kung ayaw mong patahimikin ko ng bala yang bibig mo! Kailangan namin ng pera. Hihingi kami ng ransom sa pamilya mo,” sabi nito.
“Hindi ako si Mae Ortiz! Kinopya ko lang ang mukha niya. Maawa kayo sa akin! Hindi ako siya! Hindi ako siya!” pagmamakaawa ni Geneva habang umiiyak. Takot na takot siya at nanginginig.
Nagkatinginan ang dalawang armadong lalaki. Maya-maya, nagkahagalpakan sila ng tawa.
“Hoy, alam kong artista ka, pero huwag mo kami gawing t*nga! Anong hindi ikaw, tingnan mo nga hitsura mo oh? Ikaw na ikaw si Mae Ortiz. Gusto mong bangasin ko yang mukha mo?” galit na galit na sabi ng isa.
“Pre, nagsasabi siya ng totoo. Nagkamali yata tayo ng dampot. Tumawag ako kina Mae Ortiz. Nakita ko siya roon. Mali itong nakuha natin. Ito yata yung nagtrending na babae na gumaya sa mukha ni Mae,” sabat ng ikatlong armadong lalaki na kadarating lang mula sa kung saan.
“Eh anong gagawin natin sa isang ito? Walang silbi na ito sa atin,” tanong ng isang armadong lalaki.
“Dispatsahin na iyan!”
Isinakay si Geneva sa puting van. Bingi sa pagmamakaawa at pakiusap ang mga lalaki. Dinala siya sa isang mataas na lugar. Nang makakita ng bangin, inihulog ng mga lalaki si Geneva habang nakagapos ang mga kamay at paa nito, saka sila sumibad palayo.
Dumausdos pababa ng bangin ang kaawa-awang si Geneva. Nangudngod ang kaniyang mukha sa mga kabatuhan. Namanhid ang kaniyang buong katawan. Naramdaman niya ang pag-agos ng mainit na likido sa kaniyang noo pababa sa kaniyang mga labi. Nagdilim ang kaniyang paningin…
Mabuti na lamang at may nakakita sa mga pangyayari, kaya agad na tinulungan si Geneva patungo sa ospital. Nailigtas ang buhay ni Geneva subalit nasira naman ang kaniyang mukha na kagagawa lamang. Kailangan nitong sumailalim sa plastic surgery.
Minabuti ni Geneva na ipabalik sa dati ang kaniyang mukha. Ang tunay na mukha ni Geneva. Napagtanto niya na hindi niya dapat ginagaya ang anyo at personalidad ng ibang tao. Bawat tao ay may sariling identidad at kaanyuan. Natutuhan ni Geneva ang aral na ito dahil sa mga pangyayaring hindi niya inaasahan.