Inday TrendingInday Trending
Aral ni Tatay sa Panaginip

Aral ni Tatay sa Panaginip

“Sinong nagsabi sa’yong pwede kang pumunta dito? Pakiramdam mo ba matutuwa ang tatay sa pagpunta mo dito? Baka nakakalimutan mo, simula noong magkapera ka, ni ayaw mong magpahawak o madikit sa kaniya, tapos ngayong wala na siya, pupunta ka? Ang kapal naman ng mukha mo!” bungad ni Yani sa panganay niyang kapatid na halos ilang taon nang hindi nagpakita sa kanila dahilan upang makuha lahat ang atensyon ng kanilang mga kaanak na nakikiramay.

“Yani, simula noong wala ang tatay, doon ko napagtanto lahat ng pagkakamali ko. Sa totoo lang labis akong nagsisisi kaya kahit man lang sa burol niya, hayaan mo akong makabawi,” sambit ni Yanessa saka nag-abot ng sobre sa kapatid ngunit initsa lamang ito saka muling nagbunganga.

“Kung kailan wala na siya doon ka babawi? Kailangan pang mawala ang tatay para lang magising ka sa tigas ng mukha mo? Hoy, ako ang nag-alaga sa kaniya simula noong atakihin siya ng sakit niya, ako ang gumapang mairaos lang ang apat na daang pisong gamot niya sa isang araw na hindi mo man lang mabigay kahit sandamakmak na ang pera mo! Wala kang kwentang anak, wala kang kwentang tao!” bulyaw niya dahilan upang mag-init ang ulo ng kaniyang kapatid.

“Aba, sumosobra ka na, ha!” tugon nito saka tuluyan siyang sinabunutan. Naalarma naman ang kanilang mga kaanak at dali-dali silang inawat.

Laki sa mahirap na pamilya ang dalawang magkapatid. Sa katunayan nga, sanay silang kumain ng kanin at tubig asin noong mga bata pa sila. Isang mangingisda ang kanilang ama habang nasa bahay lang ang kanilang ina upang alagaan sila. Dahil nga isang mangingisda ang kanilang ama, nakadepende lang sa huli nito ang kanilang kakainin, kung may huli, may kakainin, kung wala, matutulog silang kumakalam ang sikmura.

Ito ang naging inspirasyon ng dalawa upang sabay mangarap na makapagtapos ng pag-aaral. Ginawa lahat ni Yanessa ang lahat upang makapagtapos ng pa-aaral, habang ito namang bunsong si Yani, nagparaya sa kapatid na nasa kolehiyo na noon.

Sa kabutihang palad, nagtagumpay nga siya sa kaniyang pangarap. Naging isa siyang ganap na doktor kahit pa isang kahid, isang tuka lamang sila. Kahit mga kaanak nila namamangha kung paano nagawang makatapos ang dalaga. Ngunit nang magkaroon na ito ng salapi, doon na lumabas ang tunay na ugali nito.

Sa katunayan, nang makapagtapos siya’t may ipon na, humingi ng tulong si Yani sa kaniya upang makapag-aral muli ngunit labis na nitong ikinasama ng loob ang mga sinabi niya, “Kasalanan ko bang sumuko ka agad sa pangarap mo? Paano ka matututo kung aasa ka sa’kin? Wala akong mabibigay sa’yo!”

Lalo pang lumala ang pagkaganid nito nang magkaroon na ng sariling ospital. Dumating sa puntong nagmamakaawa ang kaniyang mga magulang na bigyan sila kahit isang daan, pero nagmatigas siya na labis na ikinagalit ni Yani.

Simula noon, mag-isa nang itinaguyod ni Yani ang kanilang mga magulang na may mga sakit hanggang nga sa nawala na ang kanilang tatay. Ngunit laking gulat niya nang dumating ang kaniyang kapatid na tila ba walang kasalanan sa kanila.

Pagkaawat sa kanila ng mga kaanak, hindi sinasadyang mapatingin ni Yani sa pintuan sa kanilang likod-bahay, laking gulat niya na nakaupo sa sahig ang kaniyang tatay, sa paborito nitong pwesto, kung saan nabuo ang pag-asang babalik pa ang panganay nitong anak na paboritong maglaro noon sa kanilang munting bakuran.

Dahan-dahan at mangiyakngiyak niya itong nilapitan. Unti-unting nawala ang mga tao sa kaniyang paligid pati na ang dulot nitong mga ingay.

Hinawakan niya ang braso nito dahilan upang tumingin ito sa kaniya. Bumuhos ang kaniyang luha nang makita muli ang mga ngiti nitong puno ng pag-asa’t pagmamahal. “Anak, kung hindi man kami makapang-abot ng ate mo, pakisabi na lang na mahal na mahal ko kayong dalawa. Kayo ang tanging yaman ko. Nawa’y huwag niyo hayaang habang buhay kayong may samaan ng loob. Tao lang siya’t nagkakasala kagaya natin, kung isang araw mapagtanto niya ang lahat ng kaniyang kamalian, patawarin mo siya para sa akin,” sambit nito dahilan upang tangkain niya itong yakapin ngunit hindi pa man nagkakadikit ang kanilang mga balat, nawala na ang imahen ng matanda sa kaniyang harapan. “Tay!” sigaw niya dahilan upang magsilapitan ang kaniyang mga kaanak.

Agad niyang hinanap ang kaniyang kapatid at ika ng kaniyang mga kaanak, lumabas daw ito saglit upang kalmahin ang sarili.

Dali-dali siyang lumabas ng bahay, eksakto namang papasok na muli ng bahay ang kaniyang kapatid. Mangiyakngiyak itong kumapit sa kaniya saka siya mariing na niyakap.

“Napaginipan ko ang tatay kagabi,” ‘ika nito.

“Ako rin, ate,” sambit niya saka sila muling nagyakapan.

Doon na nila sinimulang ayusin ang kanilang samahan. Tumulong sa lahat ng aspeto ng paglibing ang panganay habang abala sa pag-aasikaso sa mga nakikiramay ang bunso.

Tila bumawi ng inam ang panganay at pinag-aral nito sa kolehiyo si Yani. Wala nang mas sasaya pa sa dalaga, ika nito, “Tatay, nanay, kung nandito lang kayo, matutuwa kayo sa mga dalagang pinalaki niyo.”

Kahit kailan, hindi mabuting magtanim ng sama ng loob. Tandaan, ikaw rin ang aani niyan at ikaw ang matatalo. Subukan mong bigyan pa rin ng kabaitan ang mga taong nakapagbigay sa’yo ng sakit, siguradong pareho kayong pupuspusan ng biyaya.

Advertisement