Inday TrendingInday Trending
Ang Mayamang Matipid

Ang Mayamang Matipid

“Yen, ano, sama ka bukas?” May masayang ngiti sa labi ni Mitsy nang sumilip ito sa kanyang opisina.

“Saan ba kayo pupunta?” Tanong niya sa kaibigan nang mag-angat siya ng tingin mula sa pinagkakaabalahan.

“Nagkayayaan lang mag-shopping doon sa bagong tayong mall. Mukha kasing maganda at cozy, kaya gusto naming puntahan.” Bahagya itong humagikhik, halatang excited sa lakad. “Sama ka na Yen, parang hindi ka pa kasi naming nakasama na lumabas kahit na minsan.” Pangungumbinsi nito sa kanya.

Bahagyang nag-isip si Yen bago sumagot sa katrabaho. “Pasensiya na kayo, Mitz ha? Wala kasi talaga akong hilig sa mga ganyan.”

“Ano ka ba naman, Yen?! Samantalang sa ating lahat, ikaw ang mas nangangailangan mag-shopping.” Sagot nito na bahagyang pinagtaka ni Yen.

“Ha? Ano’ng ibig mo’ng sabihin diyan?” Kunot noong tanong niya dito.

Natawa ang babae, at dire-diretsong rumatsada ang bibig. “Kasi naman, hindi ka man lang bumili ng ibang damit. O bag. O sapatos.”

Tinakpan niya ng mahinang pagtawa ang pagkapahiyang naramdaman sa sinabi ni Mitzy. “Hindi kasi kami pinalaki ng magulang naming na maluho, Mitzy. Kaya kung hindi ko talaga kailangang kailangan, hindi ko binibili. Ayoko naman gumastos nang mas malaki sa sinusweldo ko, tapos mangungutang ako para sa luho ko.” Pagpapasaring niya rito.

Namula naman ang mukha nito at tila ito naman ang napahiya. Kilala kasi ito bilang mangungutang. Malakas ang loob nito mag-post ng kung ano-ano sa Facebook. Mahilig din itong magyabang ng kung ano anong “luxury items” na mayroon ito.

Pero hindi daw ito nagbabayad ng utang. Ito ang sabi sabi sa opisina nila. At sa pula ng mukha nito, tila nakumpirma niya ang tsismis.

“Ah, sige mauna na ako.” Mabilis na pagpapaalam nito sa kanya bago tuluyang sinara ang pinto ng kanyang opisina.

Mula noon ay naging maasim na ang pakikitungo nito sa kanya. May pakiramdam din siya na ito ang nagpakalat ng tsismis na mas mahirap pa daw siya sa daga kaya paulit ulit ang damit na sinusuot niya sa opisina.

Dahil hindi naman siya likas na paalaaway, hindi niya pinapansin ang mga pang-aasar nito, at dahil wala naman siyang pruweba na ito nga ang nagpapakalat ng tsismis, hindi niya din magawang kumprontahin ito.

Isang araw, habang kumakain sila ng lunch, inaya siya ni Aya, isa din sa mga kaopisina niya, na sumama sa lakad ng mga ito ng gabing iyon.

“Magba-bar kami mamayang gabi, Yen, sama ka naman!” Magiliw na paanyaya nito sa kanya.

Bago pa man siya makapagsalita ay narinig niya na si Mitzy. “Naku, hindi makakasama ‘yan si Yen, malamang wala siyang pera para sa high-end na bar.” Humagikhik pa ito.

Narinig niya naman si Aya na sinaway ang babae. “Mitzy, ano ka ba?!” Maririnig ang inis sa tono nito.

Nagtimpi si Yen. Ayaw niya naman makipag-away sa harap ng mga katrabaho. Kung kokomprontahin niya man ito, gusto niya ay yung sila lang.

“Aya, birthday kasi ni mama. Hindi ako pwede. Babawi talaga ako, sisiguraduhin ko na makakasama ako sa inyo sa susunod. Sa susunod, ako ang taya.” Pilit ang ngiti niya sa katrabaho.

Nahihiya siya tumanggi dito. Kilala niya ang babae. Mabait ito, at hindi ito tsismosa kagaya ni Mitzy.

Nakakaunawang tumango naman ito sa kanya. “Okay lang ‘yan, sa susunod na lang.”

Humalakhak naman si Mitzy. “Manlilibre ka? E ‘di ba wala ka ngang pera? Baka nga dahilan mo lang na birthday ng mama mo.” Patuloy na pang-iinsulto ni Mitzy, kahit patuloy din ang pagpigil dito ng mga kasabay niya kumain.

Sumosobra na talaga ‘tong Mitzy na ‘to! Sigaw ng isipan niya. So sobrang gigil niya, napagdesisyunan niyang bigyan ito ng leksiyon.

Kaya naman taas noo siyang bumaling dito, may matamis na ngiti. “Imbitado kayo’ng lahat sa birthday ng mama ko.”

Pinigilan niyang matawa nang manlaki ang mata ni Mitzy, tila hindi nito inaasahan ang sinabi niya.

“Naku, Yen, nakakahiya naman! Hindi mo na kami kailangan imbitahin, nagbibiro lang naman si Mitzy.” Hinging paumanhin ni Aya para sa babae.

“Hindi, ayos lang, matutuwa pa nga ‘yun si mama.” Ngiti niya sa babae. Hindi pa din nagsasalita si Mitzy.

“Bigay ko na lang address namin, tapos sunod na lang kayo, ha?” Sabi niya sa babae bago siya nagpaalam at bumalik sa kaniyang opisina.

Mabilis na lumipas ang maghapon. Bago siya umalis ng opisina ay siniguro niya pa na makakarating si Mitzy sa birthday ng mama niya.

Gulat na gulat naman ang kanyang mga ka-opisina nang masilayan ang bahay sa address na itinuro niya. Tumawag pa si Aya upang masiguro na ito nga ang bahay nina Yen.

Si Mitzy naman ay tulala lamang habang laglag ang panga.

“Yen, nandito na kami sa labas ng bahay niyo. Pero hindi ko sigurado kung tama ba ‘tong pinuntahan namin.” Nag-aalangang sabi ni Aya.

“Sige, palabas na ako, susunduin ko kayo.”

Maya-maya ay bumukas ang malaking gate at iniluwa nito si Yen, kasama ang isang guard.

Kagaya ng nakagawian, simple lamang ang ayos ni Yen, hindi kagaya ng bahay nito na napaka-garbo. Ang bahay nito ay kagaya lamang ng nakikita nila sa palabas. Tila isa itong mansiyon, na may napakalawak na hardin, na puno ng bisita.

“I-ito ang bahay niyo?” Nauutal na wika ni Mitzy. Bakas sa mga mata ang gulat.

“Oo.” Simpleng sagot niya dito bago inaya ang mga ito.

Pinakilala niya ang mga katrabaho sa kanyang ina. Napaka-garbo ng ayos ng kanyang ina nang gabing iyon, kaya naman tila nahihiya pa ang mga katrabaho niyang lumapit.

“Naku, pasensiya na po kayo at hindi kami nakapagdala man lang ng regalo. Pero happy birthday po!” Nahihiyang wika ni Aya sa kanyang ina.

“Naku, hija, ‘wag mong isipin ‘yun. Mag-enjoy lang kayo, ha?” Magiliw na wika sa kanila ng ginang.

Sa buong gabi ay pagka-mangha lamang ang naramdaman nila, lalong-lalo na ni Mitzy. Hindi siya makapaniwala na mayaman pala talaga ang pamilya ni Yen. Sadyang napaka-simple lang talaga nito.

Minasdan niya ang mga tao sa pagtitipon, at halatang puro may mga sinasabi sa buhay ang bisita ng mag-anak. Magarbo ang pagkakaayos ng mesa, at napakaraming serbidora ang makikitang paikot-ikot.

Ito na ata ang pinaka-eleganteng pagititipong nasaksihan ni Mitzy sa buong buhay niya.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay bisita na ni Yen si Mitzy sa kaniyang opisina.

“Nandito ako para humingi ng tawad, Yen. Sorry sa mga nasabi ko.” Yukong yuko si Mitzy habang humihingi ng paumanhin sa katrabaho.

“’Wag mo nang isipin yun, Mitzy. Sana ‘wag mo na lang gawin sa iba. May mga bagay na higit pa sa nakikita ng mga mata natin. At sana tandaan mo na hindi materyal na bagay ang sukatan ng halaga ng isang tao.” Sagot niya na may ngiti sa labi.

Masaya siya na may natutunan itong mahalagang aral na sigurado siyang makakapagpabuti ng buhay nito.

Advertisement