Inday TrendingInday Trending
Huli Na ang Lahat!

Huli Na ang Lahat!

Nagsimula ang lahat sa isang pagtitipon sa kompaniyang pinagtatrabahuhan ni Lester kung saan nakilala ng kaniyang asawang si Jaqueline ang isang babaeng nagngangalang Rosalie. Ang tagpong iyon ay nagdulot ng malaking pagbabago sa buhay ng tatlong nilalang. Isang babae ang nakalaya mula sa hawla na nagsilbing kulungan niya sa loob ng maraming taon. Isang lalaki ang nakulong sa rehas ng pag-ibig na ilang taon din niyang iningatan. At isang babaeng ang mas ninais na lumipad na lamang palayo kaysa ang manatili sa pugad kung saan nag-uumapaw ang pagmamahal.

“Edna, natanong mo ba sa messenger natin kung kanino galing ang sulat na binigay mo sa akin kanina?” tanong ni Jaqueline sa kaniyang sekretarya. “Nakita raw po iyan ng receptionist nang makabalik na ito galing sa CR. Wala raw pong nakakita kung sino ang nag-iwan ng sulat. Dahil pangalan niyo po ang nakalagay sa sobre ay inutusan na lang siya nito na dalhin ang sulat sa opisina niyo,” paliwanag ni Edna.

Ang nilalaman ng sulat ay puro paghingi ng kapatawaran at pangako na hindi manggugulo. Walang nakasaad na pangalan kung kanino ito galing.

Naguluhan si Jaqueline sa kaniyang nabasa. Wala siyang matandaan na may taong nanakit sa kaniya nitong mga nakaraang araw kaya walang sumasagi sa kaniyang isipan kung kanino posibleng nanggaling ang sulat at ano ang mabigat na kasalanang nagawa ng misteryosong tao sa kaniya.

Lalong nabulabog ang isipin ng babae nang salubungin siya ng kaniyang asawa na umuusok ang butas ng ilong at nagliliyab ang mga mata pagdating niya sa kanilang bahay.

“Sinaktan mo ba siya? Tinakot? Anong ginawa mo kay Rosalie?” bulyaw ni Lester. “Kapag nalaman kong may ginawa ka sa kaniya, sinasabi ko sa iyo, sisiguraduhin kong magiging impiyerno ang buhay mo! Sisirain ko ang buhay mo katulad ng pagwasak niyo sa buhay ko!” banta ng lalaki.

Dahil sa nangyari ay napagdesisyunan ni Jaqueline na makipagkita kay Rosalie. Malakas ang kutob niya na si Rosalie ang nagpadala sa kaniya ng sulat. Kung tama ang kaniyang hinala, base sa galit sa kaniya ni Lester, malaki ang posibilidad na may relasyon ang babae sa kaniyang asawa. At umaasa siya na pagkatapos ng pag-uusap nila ni Rosalie ay magagawa na niyang buuin muli ang kaniyang nasira. Na sana ay mapatawad na siya ni Lester dahil hindi naman niya kagustuhan ang nangyari noon.

“Talaga bang mahal mo ang asawa ko?” diretsang tanong ni Jaqueline kay Rosalie. “Oo, mahal na mahal ko si Lester,” kinakabahang pag-amin ni Rosalie. “Pero…”

“Kung ganoon ay ipinauubaya ko na siya sa iyo. May ilang kahilingan lang ako sa iyo. Huwag na huwag mo siyang sasaktan. Ibigay mo sa kaniya ang lahat ng hindi ko nagawang ipagkaloob sa kaniya. Labis na ang naging pagdurusa niya. Sinuko niya ang lahat ng mayroon siya noon dahil mas pinahalagaan niya ang iba kaysa sa kaniyang sarili. Buuin mo muli ang taong hindi ko sinasadyang masira ang buhay dahil sa aking kahinaan. Ngayong natagpuan na niya ang taong nais niyang makasama hanggang kam*tayan sana ay maging ganap na ang kaniyang kaligayahan sa piling mo,” pagputol ni Jaqueline sa sasabihin ni Rosalie.

Hindi na nagawa pang makapagsalita ni Rosalie. Nais niya sanang sabihin kay Jaqueline na hindi na magbabago ang kaniyang desisyon na hiwalayan ang lalaki ngunit bago pa niya maibuka ang kaniyang bibig ay nakaalis na ang babae.

Nang makipaghiwalay si Rosalie kay Lester matapos nitong matuklasan na may asawa pala ang lalaki ay palagi na lang ginagabi ang lalaki sa mga bar. Nagpapakalasing. Umaasa na kahit sa maikling panahon ay maibsan ang sakit ng nagdurugo niyang puso.

Nang makilala ni Lester si Rosalie, pakiramdam niya ay sa wakas ay nagkaroon na ng halaga ang kaniyang buhay. Nagkaroon na ng kulay ang maitim niyang mundo. Alam niyang hindi siya bibigyang pansin ng dalaga kapag nalaman nitong kasal na siya sa iba kaya inilihim niya rito na may sabit na siya.

Nang maging opisyal na ang kanilang relasyon ay desidido siyang huwag pakawalan ang dalaga dahil labis ang pagmamahal niya dito kaya ginawa niya ang lahat para lamang hindi nito matuklasan ang pinakatatago niyang lihim.

Sa loob ng maraming taon ay naging madali para kay Lester na itago ang kaniyang lihim kay Rosalie. Hindi kasi siya binibisita ni Jaqueline sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Hindi rin niya isinasama ang asawa sa mga okasyon ng kompaniya. Maliban pa doon ay hindi naman siya makuwento sa kaniyang mga katrabaho kaya walang nakakaalam na matagal na siyang may asawa. Ang alam ng lahat ay si Rosalie ang unang babaeng bumihag sa kaniyang puso.

Ngunit sadya talagang walang lihim na hindi nabubulgar. Hindi inaasahan ni Lester na inimbita ng bagong may-ari ng kanilang kompaniya ang kaniyang asawa sa pagtitipon na iyon. Hindi niya alam na kaibigan pala nito ang pamilya ni Jaqueline. Ang lihim na matagal niyang itinago ay bigla na lang sumabog sa mukha ng pinakamamahal niyang babae. Ang relasyong ilang taon niyang iningatan ay mabilis na nawala sa kaniyang mga palad.

“Annulment papers? Ilang beses kong hiniling sa iyo noon na palayain mo na ako pero hindi mo ako pinagbigyan. Bakit ngayon lang? Ano pa ang silbi ng mga papeles na ito ngayong wala na si Rosalie sa buhay ko? Huli na ang lahat. Kahit palayain mo pa ako hinding-hindi na ako babalikan ng taong mahal ko!” hagulgol ni Lester.

Ang akala ni Jaqueline ay magiging maayos na ang lahat pagkatapos niyang makausap si Rosalie. Ang akala niya ay magiging masaya na ang dalawa dahil palalayain na niya ang kaniyang asawa. Hindi niya maintindihan ang babae. Bakit nakipaghiwalay pa rin si Rosalie kay Lester kahit na mahal nito ang kaniyang asawa?

“Iniwan pa rin niya ako kahit na ilang beses ko nang ipinaliwanag sa kaniya na hindi naman natin mahal ang isa’t isa, na pambayad utang lang ako ng aking pamilya sa iyong ama. Para sa kaniya ay mali pa rin ang aming pagmamahalan dahil sa mata ng Diyos at sa mata ng batas ay kasal pa rin ako sa iyo. Kahit na palayain mo pa ako ngayon ay huli na ang lahat. Hindi na magbabago ang isip niya. Nagsisisi si Rosalie na pinapasok niya ako sa buhay niya. Hindi niya matanggap na kabilang siya sa mga taong kinamumuhian niya. Isang kabit. Pumatol sa lalaking may asawa. Nanira ng isang pamilya. Katulad ng ginawa ng babaeng sumira ng kanilang pamilya,” pagpapatuloy ni Lester.

“I’m sorry. Labis kang nagdusa nang sapilitan kang ipinakasal sa akin ni daddy kapalit ng malaking utang ng inyong pamilya. I’m sorry kung naging alipin ka sa lahat ng kagustuhan ni daddy. Hindi ko gustong sirain ang buhay mo. Patawad kung ngayon ko lang naibigay ang kalayaang matagal mo nang hinihingi. Wala akong lakas ng loob na suwayin si daddy noon. Ayaw niyang maghiwalay tayo. Nang mam*tay si daddy ay ipinangako ko sa aking sarili na kapag natagpuan mo na ang babae nais mong makasama habang buhay at muli mong hilingin sa akin na hiwalayan kita ay palalayain na kita. Hindi ko inakala na magiging huli na ang lahat. Hindi ko na hihilingin ang kapatawaran mo. Gayunpaman, ipagdarasal ko na sana ay makalaya ka na sa lahat ng paghihirap mo. Na sana ay bigyan ni Rosalie na pagkakataon ang pagmamahalan niyo. Na sana sa paghihiwalay natin ay maging masaya na ang buhay mo,” malungkot na saad ni Jaqueline.

Matapos maaprubahan ang annulment nina Lester at Jaqueline ay tuluyan nang naghiwalay ng landas ang dalawa. Si Jaqueline ay nakalaya na mula sa hawla ng kasal na puno ng pighati, sakit, pagsisisi at kalungkutan. Ngayon ay maaari na niyang buksan ang kaniyang puso para sa panibagong emosyon, ang ganap na kaligayahan mula sa lalaking tunay na nagmamahal sa kaniya. Nagkaroon ng halaga ang buhay ni Lester nang makilala niya si Rosalie ngunit sa kasawiang palad ay hindi nagtagal ang kanilang pagmamahalan. Ang huling nabalitaan niya tungkol sa babaeng bumihag ng kaniyang puso ay nagpakasal ito sa isang Amerikano. Maraming babaeng ang dumating sa kaniyang buhay ngunit hindi na muli pang umibig ang lalaki dahil tuluyan nang nabihag ni Rosalie ang kaniyang puso. Bagama’t hindi sila nagkatuluyan ni Rosalie, patuloy niyang mamahalin ang babae hanggang sa ikalawa niyang buhay.

Advertisement